BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Friday, October 2, 2009

Pamahiin

I. Pamahiin
A. Depinisyon
B. Mga Pamahiin na Nakapaloob sa Nobela
1. Ang karamdaman ay dulot ng mga kaluluwa at kayang gamutin ito ng mga albularyo.
a. Ilang araw na tulog si Boboy nang hindi nagigising. Inurasyunan ang katawan ni Boboy at inutusan ang kung anumang sumasanib sa katawan niya na umalis na.
2. Pwedeng paalisin ang masamang kaluluwang sumasapi sa paghahandog ng pagkain.
a. Naghanda ng magarbong salu-salo si Selya upang mahikayat ang kaluluwang umalis sa katawan ni Boboy.
3. Kumakain ng bata ang aswang.
a. Lalong nababaliw ang aswang nang naamoy na nito ang dugo sa panganganak ni Selya.
4. Pwedeng gamiting pangontra ang bawang at kalamansi laban sa aswang para hindi makapasok sa mansiyon
a. Umalis ang aswang dahil hindi na ito maamoy ang dugo sa dami ng bawang na isinabit ni bino sa buong kabahayan.
5. Pagkatapos ng binyagan, nag-uunahan ang mga magulang palabas ng simbahan para hindi raw mahuli sa buhay ang kanilang mga anak paglaki.
6. Nakasisira raw ng ulo angpaliligo agad pagkatapos manganak.
a. Upang hindi mabaliw si Selya sa init at sa panghi ng kaniyang katawan, ibinuhos niya ang kaniyang buong panahon sa pagpapaganda at pagpapabango.
7. Lumaki si Nene sa mundo ng matandang pamahiin ni Bino.
a. Kuto. Kapag dumami ang kanyang kuto bigla na lamang siyang ililipad papuntang Bulkang Mayon upang ihulog sa nagbabagang apoy na tahanan ng mga kuto.
b. Kailangang nasa loob na ng mansyon si Nene pagbagting ng alas-sais ng hapon. Pagkatapos ng alas-sais, nagsisimula nang lumabas ang mga kampon ng kadiliman.
c. Tuwing orasyon, humahalik sa lupa ang mga butiki at kung sinumang makahuli sa kanilang paghalik ay gagantimpalaan ng isang pangarap na matupad.
d. Pagtungtong ng alas-sais, bawal na ang pagputol ng kuko kung hindi mamamtay ito. Bawal nang maglinis ng bahay o magwalis pagkagat ng dilimdahil bakawa mawalispapalabas ng bahay ang proteksiyon na ibinigay ng araw bilang pananggalang sa dlim, na iwan ang walis sa labas ngpinto upang hindimakapasok ang masasamang kampon ng kadiliman.
e. Itinuro itong lahat ni Bino dahil pinalaki niya si Nene hindi bilang isang senyora o donya kundi bilang isang batang makatatayo sa sarili nitong paa. Tinuruan niya itong pahalagahan ang pagkain sa hapag at hindi dapat na may matira dahil para na rin iyong pag-iimbita sa emonyo na makisalo sa kanilang pagkain.
f. Ikinatuwa naman ni Agatha ang lahat dahil hindi na siya mahihirapan sa pag-aalaga kay Nene.
8. Ipinagamot ni Agta si Neneh sa albularyo ng mga Agta.
a. Isinalat niya ang noo ni Nene, hinipuan ang kamay at naghanap ng pilay sa katawan. Pagkatapos, pumunta sa bungad ng gubat at nagdasal. Nakiusap siya sa mga nilalang doon.
b. Naapakan daw ni Nene ang bahay ng mga duwende. Kailangan nilang humingi ng paumanhin at mag-alay sa mga dwendo. Agad pinatay at kinatay ang baboy-ramo at niwan ang bangkay sa bukana ng gubat uapng pagpistahan ng mga nilalang sa gubat.

II. Epekto sa mga Tauhan
A. Imbes na sa doktor magpatingin sa tuwing may karamdaman, tumatakbo sila sa mga albularyo.
B. Ang pang-araw-araw na gawin nila ay nakasalalay sa mga pamahiin.

Monday, September 28, 2009

MGA ALAMAT

Alamat ng Mirasol

I. Mga tauhang gumanap sa alamat

A. Lalaki

1. Bulaklak na mirasol

B. Dalaga

1. Hinihintay ng lalaki

II. Buod ng alamat

A. May isang lalaking namatay sa araw-araw ng pagtitig sa bintana.

B. Naghihintay siya na pagdungawan ng dalagang binawi ang pangakong hinding-hindi magmamaliw ang pag-ibig sa kaniya.

C. Nang namatay ang binata sa paghihintay, tumubo ang kauna-unahang mirasol sa kinagawian niyang hintayan sa hardin ng dalaga.

III. Paralelismo ng alamat at ng nobela

A. Ang Mirasol

1. Maihahambing ang mirasol kay Selya.

a. Lagi niyang hinihintay ang pagbabalik ng minamahal niya na si Bino.

b. Hinding-hindi na matuturuang ibaling sa iba ang pagsamba sa araw

2. Maihahambing din ang mirasol kay Teban.

a. Hinihintay niya ang pagmamahal ni Selya.

B. Araw at Bino

1. Siya ay ang nagbigay buhay kay Selya katulad ng araw na nagbibigay buhay sa mirasol.

Alamat ng Lilang Takay

I. Mga tauhang gumanap sa alamat

A. Takay

1. Siya ay ang napiling diyosa ng kabundukan sa bayan ng Kaliligno.

B. Kanaway

1. Siya ay ang binatang mangangasong nahulog sa bangin sa paghabol sa isang guto.

II. Buod ng alamat

A. Isang araw, may mangangasong binatang nahulog sa bangin sa paghabol sa isang guto.

B. Natagpuan siya ni Takay at inalagaan niya si Kanaway hanggang sa gumaling.

C. Ibinalita ni Kanaway na bababa na raw sa bayan si Takay pagkatapos ng siyam na araw.

D. Ngunit sa pagdating ng araw na iyon, nawalan ng pag-asa si Kanaway sapagkat nakarating lamang si Takay nang papalubog na ang araw.

E. Biglang kumidlat at kumulog noon at sa bawat kidlat kinailangan ni Takay na humakbang patungo sa bato upang maligtas.

F. Si Kanaway ay natamaan ng kidlat at naging batong nakayakap kay Takay.

G. Ang pag-iyak ni Takay ay nagpalakas ng bagyo hanggang sa lawa ay pumalit sa bundok.

H. Ang halamang kulay lila ang bulaklak na nakitang lumulutang sa tubig.

III. Paralelismo ng alamat sa nobela

A. Takay at Nene

1. Ginamot ni Nene ang sugat sanhi ng balang tinamo ni Benjamin at si Takay naman ay inalagaan din si Kanaway nang siya ay nawalan ng malay.

2. Nag-ibigan sina Benjamin at Nene katulad ni Kanaway at Takay.

B. Kanaway at Benjamin

1. Nasugatan si Benjamin dahil nabaril siya habang si Kanaway ay nasugatan din dahil nahulog sa bangin.

2. Namatay si Benjamin dahil sa isang enkuwentro habang si Kanaway ay namatay dahil natamaan siya ng kidlat.

3. Nag-ibigan sina Benjamin at Nene katulad ni Kanaway at Takay.

Relihiyon

I. Mater Dolorosa
A. Ito ang ika-7 kabanata sa librong Ang Sandali ng Mga Mata.
B. Ito ay Latin para sa "Our Lady of Sorrows" (Ina ng Pighati)
C. Nakapangalan ang kabanata sa mga relihiyosong prusisyong nangyayari tuwing Semana Santa sa probinsya.

II. Prusisyon
A. Tuwing Semana Santa, nagkakaroon ng pista at prusisyon sa probinsya.
B. May mga Santo at Santa na pinaparada sa daan para makita ng lahat.
C. Ang mapapansing daloy ng mga ito ay mula sa gitna ng bayan papunta sa simbahan.

III. Ang Mga Santo/Santa
A. San Pedro
a) Sa libro, sinabing tatlong beses niyang tinatwa ang kanyang amo (na walang iba kung hindi si Hesus)
b) Biniyayaan ng susi ng langit dahil pinatawad siya ni Hesus.
c) Dahil dito, siya ang unang nakasasalamuha sa langit at siyang nasa una ng prusisyon.
B. Tatlong Maria
a) Ang una ay si Maria Salome. Siya ay may dalang walis-tingting kasi siya ang tagawalis ng ulap sa kalangitan.
i) Ginagawa niya ito upang hindi umulan at patuloy na sumikat ang araw.
ii) Minsan ay tinatamad daw kung kaya bumabagyo.
iii) Siya ang hindi dinadasalan ng mga magsasaka.
b) Pangalawa ay si Maria Jacobe ang pangalawa. May dala-dala siyang insenso.
i) Patunay raw siyang may mga babaeng mga pari noon sa unang panahon.
ii) Pari lamang ang nakikitang mga taong umiikot ng simbahang may dalang insenso.
iii) Siya raw ay babaylan, ang tawag sa mga babaeng mga pari ("priestess") na nangunguna sa mga selebrasyon noong panahon ng pagano.
c) Pangatlo ay si Magdalena dahil siya ang pinakabunso sa mga Maria.
i) Maganda ang paglalarawan ni Magdalena sa kuwento.
ii) May luhang nakaukit sa pisngi niyang sumisimbolo sa pagmamahal niya kay Hesus.
iii) Dala niya sa kamay ang isang bote ng pabango. Ito'y para maiba siya sa mga dalagang naaakit na lamang sa bango ng pulbos.
C. San Juan Ebanghelista
a) May dalang Bibliya at panulat bilang tagatala at tagalihim ng kalangitan.
D. Veronica
E. Sayos
a) Nakatalukbong na itim na hindi makilala ng mga nanonood ng prusisyon.
b) Ang dala nilang mga patpat ay simbolo ng paghihirap na dinanas ni Hesus.
F. Hesus
a) Nagdarasal sa Hardin ng Getsemani si Hesus.
b) Ang paghahatol niya kay Poncio Pilato ang sumunod.
c) Ang sumunod ay si Hesus bilang haring may koronang tinik.
d) Sumunod naman ay ang paghahampas sa kanya.
e) Sumunod ay ang pagtulong ni Simon Cyreneo kay Hesus sa kanyang krus.
f) Ang huli ay ang pagkamatay ni Hesus at ang Santo Intierro.

Ibalong para sa OUTLINE

pacheck na lang kung pwede na ito. thanks.

KWENTO NG IBALONG

MGA BAYANI:

I. BALTOG – isang Aryano o puti na itinuturing na una sa tatlong bayaning tumira sa Kabikolan

A. Pinaligiran ang bahay ng tanim na gabi.
B. Nakilala dahil sa paghihiganti sa higanteng baboy-ramong kumain sa mga tanim niyang gabi.
C. Nang mahuli ang baboy-ramo, ginamit ang mismong kamay sa pagbali ng panga nito.
D. Itinuring na hari ng Tindol kahit na isang dayuhang nagmula sa India.
E. Nag-iisang dayuhang bayaning walang tagahanga at namumuhay bilang ermitanyo kaysa pinuno.

II. HANDIONG – ikalawang bayaning dumating sa Bicol kasunod ni Baltog

A. Nagdala ng mga kawal sa pagdating sa Bicol at naglinis ng Bicol sa lahat ng mga salot.
B. Pumatay sa maraming hayop at mga halimaw.
C. Hinuli sa Oryol, ang babaeng ahas, ngunit ito’y nakawala rin ngunit tinulungan si Handiong.
D. Nagtanim ng gabi at palay na pinangalanang “Harandiyong” at nakagawa ng bangka at batas na sinusunod noong panahon.
E. Sa kanyang panahon, nakaranas ng napakaraming dilubyo na kanilang nalagpasan.

III. BANTONG – ikatlong bayani na dumating sa Bicol na kasunod ni Handiong

A. Kasabay lumitaw ang kakambal na itinuturing na salot na si Rabot na kayang gawing bato ang sinumang gagambala at magtatangka sa kanyang buhay.
B. Gamit ang katalinuhan, napatay si Rabot sa pamamagitan ng paghati sa katawan nito sa dalawa at ipinakita ito sa lahat.

Sunday, September 20, 2009

19 & 20

Sa pagwakas ng nobelang ito, mas naunawaan ko ang mga pangyayari sa nakaraan kabanata. Ang mga kwentong nag-iwan ng mga tanong sa atin, mga pangyayaring nagbukas ng mga misteryo para sa mga mambabasa ay nagkaroon na rin ng pagpipinid. Hindi nalimutan ni Yapan na ipaliwanag ang mga pangyayari noon at ang relasyon ng iba't-ibang pangyayari sa isa't-isa.

Ang alamat daw ang nanganganak pa at nagbubunga ng marami pang alamat at ito ay makikita sa Alamat ng Lilang Takay. Hindi rin nawala ang kwentong pag-ibig kahit sa pagwakas ng akdang ito. Nais iparating ni Esteban sa mambabasa ang larawan ng tunay na pag-ibig. Ipinakita sa kwentong ito kung gaano malakas, matindi at wagas ang pag-ibig sa pagitan ng dalawang tauhan. Pinaninindigan ng kwentong ito ang kasabihang 'til death do us part'.

Sa pinakahuling kabanata, isinalaysay ng may-akda ang kwento ng kanyang buhay. Inilabas na niya ang kanyang mga damdamin tungkol sa kanyang karanasan simula nang siya ay nagkaroon ng mga matang may hiwaga. Nagpaalam na rin siya sa lahat ng mga bagay at sa tingin ko, ito ay magandang paraan para iwakas ang kwentong ito.

Maganda ang pagsulat ni Yapan ng nobelang ito. Masasabi nga nating walang katotohanan o tunay na basehan ang nobelang ito. Ito ay likhang isip lamang ngunit hindi natin maitatanggi na ito ay naghahatid ng mga leksyon para sa atin at ang ibang mga tauhan ay nagtatayong huwaran at patnubay para sa mambabasa. Kahanga-hanga talaga ang panulat ni Yapan.

- Jouela Tomas

Huli Na

Paano ba gumagawa ng isang alamat? Malamang natalakay na ito sa isang bahagi ng klaseng Filipino, ngunit baka kailangan ko lamang sabihin muli. (Biglang napunta muli sa aking isipan dahil sa kawakasan ng libro.) Kailangan bang matanda at ubanin ka na upang magsulat ng isang alamat (marahil tulad ni Esteban)? Kailangan ba ng buhay na puno ng pighati at puno ng kababalaghan ang buhay para makasulat ng isang alamat? At kung magsulat man ng alamat, sa pagtatapos isipin at isulat ito, masasabi ba talagang huli na ito?

Sa kabanatang Ang Alamat ng Lilang Takay, maaaring sagutin ang mga tanong na ito. Sa kabanatang ito, makikita ang kuwento, ang isang alamat, tungkol kay Kanaway at Takay. Makikita na ang mga pangyayaring pag-ibig nina Kanaway at Takay ay maaaring isang dramatisasyon ng totoong pag-ibig na nangyayari sa ating buhay. Minsan nga, kailangan ng pighati at ng kababalaghan hindi lamang para magsulat ng isang alamat, ngunit para magsulat ng isang may kuwentang alamat (tulad ng isinulat sa kabanatang ito). Sa akin, parang isang traehdya ang nangyari sa dalawa - kung tila naman naging isang bato ang aking iniibig! Ngunit nang matapos isulat at ibuhos ang sarili sa isang kuwento, hindi lamang ito basta-bastang natatapos. Ito'y dumadagdag, yumayaman at lumalago. Nagiging parang kuwento na rin para sa ibang kuwento ang kuwento natin. At dumadagdag, yumayaman at lumalago ang kuwento natin, hindi kailanman hihinto!

Sa huling kabanata, Mga Pag-Uwi, maaaring mahinuha sa pamagat pa lamang ang isang pag-uwi o pamamaalam na gagawin ng persona sa lahat. Ibinuhos na niya ang kuwento ng kanyang buong buhay. Sa Ingles, may closure o pagwawakas na ang mga ito sa kanyang buhay. At maaaring tingnan na ito'y para sa ikabubuti na ni Esteban. Lilisanin na niya ang kuwarto at maaaring simbolo ito ng paglisan sa mga karahasan at kahirapang nangyari sa kanya. Matapos ng lahat, nagiging introspective o paloob ang pag-iisip ni Esteban sa kanyang sinulat. Muli, sa ating buhay, tila ganito ang nagyayari. Hinding hindi maiiwasan ang kahirapan sa ating buhay. Malamang kailangan nating harapin ang paghihirap na ito. Baka pagkatapos mismo ng hirap, kaya na nating harapin ito. Ngunit, maaari ring tulad ni Esteban, taon pa ang lilipas bago kayang harapin ang kahirapan ng buhay.

Ngunit mula simula hanggang pagtatapos ng kuwento, kahit na kailangang magsulat ng blog at ng reaksyon ukol sa nangyayari sa binabasa, kahit hindi man kailangang magsulat, ako mismo ay napaiisip at nagkakaroon ng sariling repleksyon. Ang buhay ay puno ng kuwentong maliliit. Maaaring kuwento ito tungkol sa atin sa ating pang-araw-araw na buhay. Maaari ring kuwento naman ito ng mga taong nahahalubilo natin at ang kanilang kuwento ay nagtatagni-tagni sa tela ng ating buhay. Anuman ito, kailangan lamang pag-isipan ito at bigyang halaga. Minsan, ang mga totoong mahalaga at hindi makakalimutan sa buhay ay lumalabo dahil sa kulang ng pag-iisip na magbubunga sa hindi pag-alala ng mga ito.

At isa pang natutunan ko? Parang hindi kailanman masasabi ang, "Huli na." Kahit ang kuwento ay tutuloy at tutuloy. Ang buong mundo ay puno ng napakaraming tao at karanasan at ang kuwento ng mga taong ito at ng kasaysayan ay hindi matatapos kahit maglaho ang aking buhay. Kahit sa buhay ko ngayon, baka imposible sabihin ang dalawang salitang iyon. Oo, tapos na ang librong ito, ngunit ang mga repleksyon at pangyayari ay hindi lamang basta-bastang mawawala sa akin. Tulad ng mga pangyayari sa tela ng aking buhay, ito'y mananatiling buhay, maghinintay hablutin muli at gamitin para dumagdag, yumaman at lumago ang buhay.

-Armando T. Miclat III

Ang 'Di Nagwawakas na Wakas

Ito ang wakas na hindi magwawakas. Ito ang kwentong walang katapusan. Sapagkat ang mga alamat ay magluluwal ng mga bagong alamat at ang mga kwento ay hindi matutuldukan dahil hindi kailanman mabibigyang linaw ang lahat.

Sa kabanatang Ang Alamat ng Lilang Takay, ipinakita kung paano nagbunga ng iba’t ibang kwento ang kwento tungkol sa babaeng naaaninag ng mga taga-bayan sa bundok. Nagbunga ito ng kwento nina Kanaway at Takay at ang kanilang ipinagbabawal na pagmamahalan. Ang iniisip ng mga karaniwang mambabasa matatapos na ang kanilang kwento nang maging bato si Kanaway ngunit hindi nagkamali sila. Itinangis pa ni Takay ang pagkamatay ni Kanaway at sa kaniyang matinding kalungkutan, nagmistulang isang lilang halaman siyang lumulutang-lutang sa isang lawa. Dito natin makikita kung paano nagkaroon pa ng bagong alamat ang isa nang alamat. Makikita rin natin dito na hindi nagtatapos ang daloy ng panahon, na hanggang may mga utak na kumakalam at naghahanap ng mga kasagutan, hindi kailanman matatapos ang isang kwento.

Sa huling kabanata naman, ibinunyag na ni Esteban ang mga lihim at mga kasagutan sa mga nangyari sa buong akda. Sa huling kabanata, inilalagom na ni Esteban ang buong akda. Ipinapalinawag niya ang kahalagahan ng hindi pagkakaroon ng kaalaman sa lahat ng bagay, ng pagkakaroon ng mulat na mulat na mga mata’t isipan. Kung alam na ng isang tao ang lahat, wala nang saysay pa na maipagpatuloy ang buhay. Ang kwento tulad ng buhay ay napapatakbo ng pagtutuklas at paghahanap kung wala nang natitirang matutuklasan, hindi na kailangan pang mabuhay.

Bilang paglalagom, naging mahalaga para sa akin ang dalawang huling kabanatang ito dahil sinasagot nito ang isa sa mga malalaking katanungan ukol sa buhay. Bakit nga ba tayo nabubuhay?

- Miguel Enrico C. Paala


Sir, akin po yung blog last week na walang pangalan. Yung pamagat po ay Mga mukha ng Katapangan. Ngayon ko lang po napansin na hindi ko nalagyan ng pangalan. Salamat po sa pag-uunawa. :)

Saturday, September 19, 2009

Ang Mahiwagang Mata

“Ang Sandali ng mga Mata”, ang mahiwagang pamagat ng isang obra maestrang nobela ng manunulat na si Alvin B. Yapan. Mula sa pamagat, maraming mga interpretasyon at masasabi tungkol sa magiging nilalaman ng nobela. Mapapaisip ang mga mambabasa kung ano ang nasa likod ng mga mata at kung bakit sandali ang ginamit na salita para sa mata. Galing din sa titulo ng aklat, magkakaroon ang mga tao ng unang paningin na ukol ito sa tinatawag nilang “third eye” kung saan nakakakita ng mga multo o kaluluwa. Kung kaya’t tunay na nakakaengganyo at nakasasabik mabasa ang nobela sapagkat punung-puno ng kakaiba at makahulugang elemento ang nobela. Ngunit bago matapos ang buong nobela, ihahatid ko na lamang ang huling mga kaganapan, kaisipan at kaalamang makapagpapabuo sa kwento.

Mula sa ika-19 na kabanatang pinamagatang “Ang Alamat ng Lilang Takay”, nagsimula ang persona sa pagtutukoy at paglalarawan sa responsibilidad ng isang tagapagsalaysay ng kwento. Dahil malapit na ang katapusa ng nobela, kailangan matuldukan at mabigyang-linaw o mabunyag na ang mga lihim na nakakubli rito. Ipinakita ito sa kabanatang ito ang tunay na katauhan ni Oryol at tanging naging pala-isipan lamang ito para sa persona. Lahat ng mga bagay sa kwento ay halos nagmula sa mga makasaysayang alamat kung saan labis na pinaniniwalaan ang mga bagy na gaya nito noong unang panahon at ginagawa na nila minsang gabay sa kanilang buhay. Mayroong alamat na tungkol sa isang napakagandang binibining naninirahang mag-isa sa kasukalan ng bundok na katatagpuan ngayon ng Lawa ng Bato. Takay ang pangalan ng babaeng ibinigay sa kanya ay marami ang sabi-sabi tungkol sa kanyang pinanggalingan at iba pang mga katangian. Nagkaroon ng delubyo ng isang araw kung saan tila hinahabol si Takay ng kidlat. Dahil sa pag-ibig at pag-aalala ni Kanaway para sa kanya, ito’y kanyang sinundan. Sa huling banda, niyakap na lamang ni Kanaway si Takay kung kaya’t si Kanaway ang natamaan ng kidlat at naging bato. Ipinapakita rito ang simbolo ng tindi at tunay na pagmamahal ng lalaki para sa binibini na hanggang sa kanyang huling sandali ay naipadama nito ang kanyang pag-ibig. Hanggang sa bago matapos ang kwento, talagang ginamt pa rin ng manunulat ang alamat upang maihandog ang nais niyang iparating.

Samantala sa huling kabanata na mayroong pamagat na “Mga Pag-uwi”, dito na ibinuhos ng persona ang kanyang mabigat na damdamin tungkol sa mga nakikita niyang mga kaganapan na siya lamang ang tanging nakatatanaw. Mula sa pamagat na “Mga Pag-uwi”, ipinakito rito ang isang mahalagang pamamaalam ng persona sa mga bagay-bagay. Dito rin nabuksan an lihim ng kanyang mga mata, kung saan masasabing nalikha lamang ang mga pangyayari sa nobela mula sa isipan at imahinasyon ng may-akda. Mahahalata rin ditto sa bahaging ito na tila lahat ay patungkol sa sarili at ang tanging kausap niya rito ay walang iba kung hind siya mismo. Inalala rin ng persona ang mga naranasan habang nililikha ang buong nobela. Naging malaki at mahalagang bahagi para sa persona ang mga tauhang gumanap sa kanyang kwento na tunay na naging malikhain ang pagkagawa. Sa kanyang pananalita, maiisip at masasabing may pagkalungkot o pagkayamot sa nadarama ng persona habang ipinapahayag ang kanyang papalapit ng pagtatapos at paglisan sa istorya. Nsabi rin sa huling bahagi na maraming mga tauhan o halos lahat ay nagpaalam na rin sa kanyang nobela kung kaya’t marapat lamang na magkaroon na ng katapusan ito. Ang pinakamahalagang linya roon ay “Ang mga kwento ay nananatiling buhay magpakailanman sa kanilang pagkaluwal bilang mga alamat na walang kamatayan”. Iyon na ang huling linya sa nobela na tunay na nagpapakita at nagsasabi na ang mga kwento ay kailanman hindi mawawala sa puso at isipan ng bawat nilalang dito sa mundo.
Kung babalikan ang labas ng libro kung saan mayroong larawan ng isang mata na may kakaibang anyo. Kapag titingnang mabuti ang larawan, maraming mga kakaibang bagay na nasa loob nitona naglilikha ng kaguluhan na sumisimbolo sa buong nobela. Nais lamang ipakita ng larawan ang tunay na nilalaman ng istorya na may iba’t ibang elemento na sinisimbolo ng mga kakaibang mga bagay sa loob ng mata. Ngunit ang lahat ng mga ito ay may isang pinanggalingan, at ang aking tinutukoy ay walang iba kung hindi ang makapangyarihan at mahiwagang mata ng mga tao. Gaya sa tunay na buhay, napakahalaga talaga ng mata para sa bawat nilalang kung kaya’t walang duda na ito ang naisip na simbolo ng may-akda. Wala akong masabi sa may-akda ng nobelang ito na si Alvin B. Yapan sapagkat ipinakita niya rito ang kanyang malikhaing paraan ng pagsusulat. Hindi lamang dahil doon, dahil na rin sa napalabas niya ang iba’t ibang isyu at sakuna sa lipunan na hanggang sa ngayon ay dinadanas pa rin natin sa pamamagitan lamang ng tinatawag niyang mahiwagang mata.
Jerome Uy Chua

Friday, September 18, 2009

Wakas.

May mga bagay sa ating buhay na mas nakabubuting manatiling bilang mga misteryo. May mga tanong na mahirap sagutin o kaya nama’y hindi naman talaga kailangan sagutin. Palibhasa ang mga ito ang nagbibigay ng kulay sa ating mga buhay. Kumbaga’y masasabi nating ito iyong mga bagay na nagbibigay thrill upang magkaroon naman ng saysay ang ating pamamalagi rito sa daigdig. Isipin niyo na lamang kung alam nating lahat ang mga kasagutan, alam natin ang future. Hindi ba’t masyadong boring? Wala ng excitement o nerbyos na mararamdaman dahil alam mo na, eh.


Maihahalintulad ko ito sa pagbabasa ng Ang Sandali ng mga Mata. Kung isiniwalat na ni Esteban ang lahat ng mga detalye ng nakaraan, eh di parang mawawalan na rin ng saysay ang mga kwento. Hindi na rin tayo mabibigyan ng pagkakataon upang mag-isip o kaya nama’y bumuo ng mga posibleng mangyayari.

Gaya na lamang ng nabanggit sa ika-19 na kabanata, hindi namamatay ang isang alamat. Sa katunayan, nanganganak pa nga ito. Isipin na lamang ang mga balita ngayon o kaya’y mga tsismis kung saan mas interesado ang karamihan sa atin. Kadalasan, wala naman talagang nakaaalam kung saan nagsimula ang tsismis ngunit marami na ang may alam tungkol sa mismong sabi-sabi. May iilan na naniniwala at meron din namang hindi. At may pagkakataon din na ang mga kwentong ito ay magkakaroon din ng mga dugtong pa o mga anak.

Kahit sa pagtatapos ng nobela, hindi pa rin mawawala ang pag-ibig. Sa alamat ng lilang tangkay, makikitang may mga bagay na nakakayanan nating gawin alang-alang sa ating mahal at nagkakaroon tayo ng lakas na loob upang mailigtas sila. Handa tayong ibigay ang lahat kahit na ang kahulugan nito’y ating buhay .

Sa huling kabanata, paksa ang pag-uwi. Ngayong malapit nang matapos ang semester, pumapalapit na rin ang panahon ng aking pag-uwi sa Zamboanga. Gusto ko na ngang bumalik sa amin. At sa muling pagtapak sa lugar na iyon, muli ring babalik ang mga alaala. Sasalubungin ako ng aking pamilya sa paliparan. Sasamantalahin ko na rin ang pagkakataong magpakasaya kasama sila at aking mga kaibigan. Lalabas kami, magkukuwentuhan at magtatawanan. Muli ko naring matitikman ang mga pagkain at magagamit diyalekto ng Zamboanga. Pansamantala ko munang iiwan ang boarding house at buhay-Manila at bumalik sa aming bahay.

-m.florendo

Sunday, September 13, 2009

Malapit Na

Sa ika-17 kabanata, makikita ang huling sandali bago ang pagkawatak-watak ng rehimeng Marcos sa Pilipinas. Nagkakagulo ang mga tao sa daan. Una marahil ay tahimik at payapa ang mga tao, pati si Nene nang makalabas na siya sa dyip na kanyang sinasakyan. Ngunit pagkalipas ng oras, narinig ang balitang planong lusubin ng militar ang Campo Crame at paalisin, marahil gamit ng dahas, ang mga grupo ng tao. Mga mahirap, mga mayaman, mga matanda, mga bata kasama na rin ang mga ateista at mga madre't seminarista. Nakatatakot isipin. Nawalay ang nanay sa iyo tapos masasangkot ka rin kasama ng mga taong hindi mo naman kilala. Hindi lamang iyon, uulanan ka pa ng usok, tatakutin ka dahil sa lakas ng sundalo't kanilang dalang baril at batuta. Pagkapunta naman ng Malacanang, nagkakagulo rin doon. Hindi na lamang sa kalye't sa EDSA ang mga tao kundi naghahanap na rin sila ng pabaon o souvenir mula sa Malacanang. Hindi pa rin mahanap ni Nene ang kanyang nanay... Nakatatakot, nakagagambala.

Sa ika-18 kabanata naman, tila nagkaroon ng raison d'etre o "dahilan ang lahat" ng nangyari sa libro dahil sa kabanata lamang na ito. Mahirap isipin ngunit ganoon nga kadahas ang mga Hapon sa mga Pilipino, karaniwan man o mayaman. Nakalulungkot isipin na ganito ang ginawa ng Hapon sa ating mga ninuno. Sila ri'y tao naman at may mga dangal, pangangailangan, pagnanais at iba pang totoong PANTAONG mga bagay. At dahil nga napakabastos at masama ang mga Hapon, kinailangang sagipin ni Esteban si Selya, nais niyang maghiganti. At nang gawin niya ang pagihihiganti, nang nagliyab ang kanyang buong kalooban, dito muling nakita ang kuwento ng Ibalong. Ang kuwentong ito ay biglang napakamatingkad at puno ng detalye at buhay.

Kaya't nang basahin ko ang mga kabanatang ito, naisip ko kung kailan nga ba nagkakaroon ng kuwenta ang kuwento ng buhay. Kailangan ba maging tulad ni Esteban, isang taong nakakita ng napakaraming karahasan sa buhay? Kailangan bang ilagay ang sarili sa kapahamakan - sa giyera, sa pagtatanggol ng bansa, sa minamahal, sa pagtataya para sa pag-ibig - para lamang magkaroon ng katotohanan ang buhay? Mahirap isipin, mahirap kong talagang mailagay ang aking sarili sa kuwento dahil hindi ako nakatira sa parehong panahon ni Esteban. Ang buhay sa siyudad ay tila madali. Ngayong walang giyera sa Maynila at hindi naman diktador ang kumukumpas ng araw-araw na pamumuhay, hindi naman ako maaaring maging aktibista o mag-aklas.

Doon na nga lamang ba ako makokontento? Sa pagbibigay ng dahilan kung bakit hindi mapanganib ang buhay ko tulad ni Nene? Maghahanap na ba ako palagi ng palusot para lamang sabihing madali ang aking buhay? Nagagalit ako sa aking sarili kasi tila kulang ako sa pagtataya, kulang ako sa sariling pagtataya. Kung may mawalay sa buhay ko, hindi ko alam kung pupunta ako hanggang sa Maynila at makikihalubilo kasama ng mga taong hindi ko kilala para lamang hanapin ang taong iyon. Kung ang aking minamahal ay ginagahasa, binabastos at ginagawang hayop, hindi ko alam kung susunggaban ko ang taong gumagawa noon. Ang alam ko lang ay gagawin ko kung ano sa tingin ko ang tama. Ngayong nasa huling mga taon na ako ng pagiging teenager at totoong ADULT na ako sa Pilipinas, kailangan kong matutong magtaya. Sa pag-ibig, kailangan kong magtaya kung hindi, mag-iisa lamang ako sa aking buhay. Sa paghahabol ng aking totoong nais, kailangan kong magsakripisyo at muling magataya. Kung kailangan kong pumunta sa aking sariling Malacanang upang makuha ko itong aking ninanais, dapat ko itong habulin.

Kailan nga ba nagkakaroon ng dahilan ang pagkakabuhay? Maraming maaaring sagot, ngunit ang isang siguradong sagot ay kailagan ng pagtataya. Aking nakagisnan na ang buhay na walang dahilan ay isang buhay walang kailangang pagtayaan. Dahil kung wala akong kailangang pagtayaan, ito'y ibig sahining wala akong ninanais, wala akong minamahal, wala akong hinahabol at wala akong gustong kinabukasan. Walang dahilan ang isang buhay na nakakahon lamang: nasisira, nalilimitahan, napapanis at nabubulok. Sa pagtataya lamang ako lumalaki, lumalago at nagkakaroon ng buhay. Sa pagtataya, roon namamasdan ang pag-ibig, ang pag-usbong, ang paglaki at pagkabuti ng buhay.

Hindi man nahanap ni Nene ang kaniyang ina at kinailanang masaktan si Esteban sa kanyang ginawa. Ngunit ang masasabi ko, dahil nagtaya ang dalawa, kahit nasakta sila sa labas at lalo na sa loob, nagkaroon silang dalawa ng mas dahilan sa kanilang mga buhay.

Kailan ko kaya masasabi para sa aking sarili iyon?

-Armando T. Miclat III

Mga Mukha ng Katapangan

Katapangan. Iba-iba ang konsepto ng katapangan para sa bawat tao. Masisilayan natin ang mga mukha ng katapangan sa dalawang kabanatang ito.

Ang desisyon ni Nene na pumunta sa Maynila upang bawiin ang Ina ay isang pagpapakita na ng katapangan. Sa harap ng matinding gulo, sinuong nya ang karagatan ng mga tao. Mistulang isang magnanakaw na may dalang baril, pumasok sya sa Malacanang, di-alintana ang mga sundalo at sinikap hanapin ang Ina. Makikita kay Nene ang dalikang katapangan, ang katapangan na nagliliwanag kahit na nag-iisa. Mag-isa lamang si Nene ngunit hindi ito naging balakid sa kanya. Hindi siya nilamon ng takot bagkus, ang pagmamahal at ang determinasyon para mabawi ang Ina ang nagpalakas sa kaniya. Kahit na nawawala siya ay sinikap pa rin niya na mahanap ang Ina.

Makikita rin natin sa kabanatang ito ang katapangan na ipinamalas ng mga nag-aklas laban sa pangulong Marcos. Ang ipinanlaban nila sa mga baril at mga armas ng mga sundalo ay ang kanilang mga rosaryo at ang kanilang mga dasal. Kahit na pilit silang itinataboy ng mga sundalo ay hindi sila sumusuko.

Sa kabuuan ang kabanatang ito ay tungkol sa katapangang nagmumula sa Diyos.

Sa susunod na kabanata naman ay ibang klaseng katapangan ang ating makikita. Masisilayan natin ito sa iba’t ibang tauhan, sa Hapon na Manliligaw ni Selya, kay Bino, kay Selya at sa huli kay Esteban.

Ang katapangang ipinakita ng Hapon ay ang katapangan na alam nating lahat. Ito ang inaakala nating katapangan. Ito ang katapangan ng isang duwag. Madalas idikta ng lipunan na ang katapangan ay pagpapakita ng lakas, ng dahas, na ang katapangan ay pagkakaroon ng kapangyarihan na mapasailalim ang kahit sinuman. Ito ang ipinakita ng Hapon ng gahasain niya si Selya. Marahil hinahangaan siya ng iba niyang kasamang Hapon ngunit sa katotohanan, hindi kahanga-hanga ang kaniyang ginawa. Ang kaniya ginawa ay dapat kamuhian. Duwag lamang siya dahil kinailangan pa niyang manggahasa para mapakita malakas siya. Duwag lamang siya dahil hindi siya matapang para harapin ang kaniyang mga pagkakasala.

Ang katapangan naman na ipinakita ni Bino ay ang katapangang umamin sa kaniyang mga naging kamalian. Tunay ngang kahanga-hanga ang kaniyang ginawang pag-amin kahit na alam niyang sa kaniyang gagawin ay masasaktan siya.

Kahanga-hanga rin ang katapangang ipinamalas ni Selya. Nakuha niyang mabuhay pagkatapos na gahasain siya ng Hapon. Hindi siya sumuko sa buhay kahit na karumal-dumal ang kaniyang naging karanasan. Hindi niya inilaglag si Nene kahit na alam niyang si Nene ang peklat sa isang malalim na sugat.

At ang huli, si Esteban. Sa aking palagay, hindi naging matapang si Esteban. Oo, nabaril na siya at kailangan na niyang tumakas upang iligtas ang sarili NGUNIT ito nga ba talaga ang katapangan. Marahil matatawag nating katapangan iyon dahil tinanggap na niya ang kaniyang kapalaran. Ngunit katapangan bang maituturing ang pagtalikod sa iyong minamahal kahit na siya’y nasa panganib na. Matapang nga siya dahil tinanggap niya ang masaklap nilang kapalaran ngunit naniniwala ako na pwede pa siyang maging mas matapang sa pamamagitan ng pagbuwis ng kaniyang buhay para sa kaniyang minamahal.

17 & 18

Determinado at mautak. Ito ang mga salitang makakapaglarawan kay Nene sa kabanatang 17. Sa kabanatang ito, nalaman ko kung gaanong matatag ang pasya ni Nene sa mga bagay-bagay. Talagang ginawa niya ang lahat upang makamit ang kanyang kagustuhan kahit marahas ang paraan. Maganda ang pagiging determinado ni Nene dito. Marahas nga ang paraan na ginamit niya ngunit hindi naman ito umabot sa punto na nawalan siya ng katinuan. Dahil dito, masasabi rin na siya ay mautak. Kahit hindi niya natagpuan ang kanyang hinahanap, kahanga-hanga pa rin siya sapagkat malayo na ang kanyang narating.

Sa kabanatang 18 na "Sandali ng mga Mata", ikinuwento ang masamang pagtrato ng mga Hapon sa pamilyang Nueva. Napakasaklap ng mga pangyayari noon. Sinunog ang mga Nueva at ginahasa si Selya. Nang binasa ko ang kabanatang ito, nagulat ako dahil hindi ko inexpect na nangyari ang mga ito kina Selya at mga Nueva. Nang nalaman ko ang nangyari kay Selya, napaisip tuloy ako na kaya pala parang may malalim at masamang damdam sa pagitan ni Selya at Bino. May tinatago pala silang lihim. Ngayon, mas malinaw na ang mga pangyayari at mga ugali ng mga tauhan sa kwento. Dahil sa paglabas ng lihim nila Selya, mas nauunawan ko na kung bakit ganoon ang relasyon ng pamilya nila sa isa't-isa.

Sa aking palagay, hindi dapat sisihin si Esteban sa pag-iwan kay Selya noong siya ay ginahasa. Kung sa mata ni Selya, naging makasarili si Esteban, para sa akin, tama lamang ang naging desisyon niyang tumakbo dahil baka mas malaking panganib ang mahaharap niya. Siguro kung ipinagtanggol o binalikan niya si Selya, baka mapatay pa siya o kaya si Selya ng mga Hapon.

Nang nabasa ko ang dalawang kabanata na ito, ako rin ay nalula dahil habang palapit nang palapit ang katapusan ng nobela, mas nagiging makatas ang kwento. Hindi lamang ang kwento ang naging kamangha-mangha ngunit pati na rin ang paraan din ng pagkwento ni Yapan. Nang nabasa ko ang ika-18 na kabanata, nagawa niyang iparamdam sa mambabasa ang nararamdaman ng mga tauhan lalo na sa parte ng pagtakas ni Esteban mula sa mga Hapon. Sa aking pagbasa nito, parang naging bahagi ako sa pangyayari dahil tuloy-tuloy lamang ang kanyang pagkwento. Kung mapapansin niyo nga, halos iisang pangungusap lamang mayroon bawat pahina. Maganda ang kanyang paglahad at pagkwento niya sa nobelang ito.

- Jouela Tomas

Saturday, September 12, 2009

Bago Matapos ang Lahat

Sa buhay natin, ang lahat ng mga bagay sa mundong ito ay may nakatakdang katapusan, ngunit hindi nga lang natin alam kung anung uri ng katapusan. Maaaring ito ay katapusang hindi pa talaga lubusang natatapos o katapusang wala ng kasunod pa o anumang uri ng katapusan. Ngunit anuman ang mangyari, sa huli, ang lahat ay matatapos rin talaga. Batay sa aking pagbabasa sa nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”, unti-unti nang natatapos, natutuldukan at nauungkat ang mga lihim sa likod ng kwento. Kaya masasabi kong ako’y mas nabuhayan ng loob at mas nagkaroon ng interes upang basahin at alamin pa ang mga huling kaganapan sa nasabing nobela. Sa mga kabanatang nabasa ko, mababalik ang mga tagpo sa panahon ng EDSA Revolution at ang mga tunay na pangyayaring hindi alam ng iba noong panahong iyon. Kasama rin dito ang lihim na dahilan kung bakit ganoon na lamang ang pagbabalewala at hinanakit ni Selya sa kanyang anak na si Nene. Lahat ng mga kaganapan na ito ay nakasama sa dalawang kabanatang aking tatalakayin at pag uusapan ngayon. Sa kabuuan, tunay na masasagot ang lahat ng mga tanong na nasa isipan ng bawat sumusubaybay sa nobelang ito.

Ayon sa ika-17 na kabanata ng nobela na pinamagatang “Ang Higanteng Musuleo”, naging palaisipan sa akin kung ano ang silbi o simbolismo ng Higanteng Musuleo sa kwento at paano nito paiikutin ang buong kabanata. Nagsimula ang yugto sa pagdating nina Isko at Nene sa Maynila sa pamamagitan ng dyip ni Isko. Napapansin ng dalawa na kumakapal na ang dami ng mga tao sa daan kung kaya’t sabi ng mga kapulisan sa kanila ay dapat na nilang iwanan ang dyip sapagkat hindi na ito makakadaan sa kalsada. Gamit ang kahusayan sa pag-iisip ng dalawa, nasambit nilang para sa mga taga-Crame ang mga prutas na kanilang dala upang sila ay padaanin at walang pag-aalinlangan silang pinadaan ng mga kapulisan at mga tao. Masasabi nating uri iyon ng lagay kung tawagin sa ngayon ng mga tao upang masunod lamang ang kanilang nais o gusting makamit o mangyari. Pagkatapos nilang marating ang Crame, pinauna na ni Nene si Isko sa pag-uwi dahil kaya na raw niyang magtanong sa mga tao kung nasaan ang Malacanang. Nagkaroon ng matinding kaguluhan sa mga tao dahil parang hindi malaman ni Nene ang tunay na kaganapan kung bakit napakaraming tao sa daan. Ang sabi sa kwento na ang totoong pakay lamang ni Nene sa pagpunta sa Maynila ay nakarating sa Malacanang at maibalik ang Birheng Ina. Ngunit hindi niya lubusang naisip na panahon pala ng kaguluhan noon sa bansa dahil isinailalim ng Pangulong Marcos ang Pilipinas sa batas military. Nakita niya ang tunay na pagsiklab ng damdamin ng bawat Pilipino noon sa pagtutol at paglaban sa pamahalaang Marcos. Hanggang sa magtagumpay silang mapaalis at mapatalsik ang pamilyang Marcos sa Malacanang, si Nene ay nakarating sa Malacanang na tinawag at inihambing sa isang Higanteng Musuleo. Dahil doon, napagmasdan niya ang mga tunay na laman ng palasyo habang hinahanap ang Birheng Ina. Nakita niya roon ang mga mahahalagang bagay na sumisimbolo sa kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit sa huli ay kabiguan din ang kanyang nakamit dahil hindi niya makita ang kanyang tunay na pakay. Parang dumilim ang paningin ni Nene pagkatapos ng kanyang masusing paghahanap para sa Birheng Ina. Tunay na naging makabuluhan at makahulugan ang mga kaganapan sa kabanata dahil naipakita nito ang silbi ng Malacanang Palace o ang Higanteng Musuleo para sa mga Pilipino.

Samantala sa ika-18 na yugto ng nobea na may pamagat na “Ang Sandali ng mga Mata”, dito sa bahaging ito nasiwalat ang mga naging pangyayari sa buong nobela. Naganap ang kabanatang ito sa isang makasaysayang panahon kung saan nasa ilalim ang bansa sa mga Hapones. Alam naman natin na sa simula pa lamang ng kwento ay nabanggit at nakita ang kawalan ng pagmamahal at malasakit ng ina na si Selya sa anak na si Nene. Hindi natin lubusang matanto noon ang tunay na dahilan sa likod nito, dito natuldukan at naibigay ang totoong kadahilanan. Lahat ng mga ito ay nasaksihan ng persona sa nobela nang mapagpasyahan niyang bisitahin ang iniirog niyang si Selya. Pero hindi lamang si Selya ang nakita niya, kung hindi ang mga Hapones na may masamang hangarin sa kanila. Dahil sa kalupitan ng mga Hapones, walang nagawa ang mag-asawang Don at Donya Nueva at pati na ang persona ng nobela. Ipinakita ng mga Hapones ang kanilang kasamaan sa pamamagitan ng panggagahasa kay Selya sa harap ng mag-asawa at iba pang mga tauhan. Dito lumabas ang lahat ng mga hinanakit ng persona kung bakit wala man lamang siyang nagawa upang masagip at matulungan ang kanyang minamahal sa oras ng kagipitan. Sa huling bahagi ng kabanata, nabanggit na ang kwento ay isang sigalot ng panahon kung saan lahat ng mga trahedya ay nangyari na.

Bago matapos ang makasaysayang nobelang ito, ipinaalam na ang manunulat ang lahat ng mga trahedya na naganap noong unang panahon. Kaya ang maaari nating itanong o malaman ay kung may mga lihim pa bang mabubunyag at ano ang magiging kahihinatnan ng bong nobela. Ang mga katanungang ito ay maaaring masagot sa huling dalawang kabanata ng nobela at lahat ay mabibigyang kahulugan na kung ano ang nasa likod ng isipan ng manunulat o persona sa nobela.
- Jerome Chua

Friday, September 11, 2009

Kabanata 17-18

Habang ipinaglalaban ng madla ang pagbabago, si Nene naman ay may ibang layunin. Pursigido siyang pumunta sa Malacanang para hanapin ang Ina. Naalala ko ang dulang “Ang Kaharian ng Araw” sa ginawa ni Nene. Nasilaw ang bida sa kayamanan, kapangyarihan at katanyagan na inihahandog kuno ng kaharian, ngunit nang narating niya ito nalaman niyang lugar pala ito ng kawalan. Wala naman talagang Kaharian ng Araw. Kahit ganito, makikita ang determinasyon ng bida dahil hinarap niya ang mga pagsubok sa mga nakaraang mga kaharian (Dilim, Ulan at Hangin)bago ang Kaharian ng Araw; gaya na lamang ng paglagpas ni Nene sa mga checkpoint at engkwentro. Medyo pareho sila ng kalagayan dahil grabe ang kanilang pagpupursiging matupad ang kanilang layunin ngunit iyong pakay nila ay hindi naman tiyak kung naroroon ba talaga. Sa huli, pareho silang napagod, nalungkot at nadismaya.

Upang matupad natin ang ating nais, kailangan natin ng determinasyon at diskarte. Determinasyon upang may lakas na tumutulak sa atin upang magpatuloy at diskarte para alam nating kung anong mga hakbang ang tatahakin natin. Makikita rin ito sa EDSA. Malakas ang pagnanais ng mga tao para sa pagbabago at gusto nilang makamit ito sa mapayapang paraan. Kahanga-hanga nga ang pagkakaisa ng mga tao sa panahong iyon.

May mga sitwasyon tayong nasasangkutan kung kalian naguguluhan tayo o nauunahan ng takot. Hindi tayo nakakapagdesisyon nang tama o kaya naman hindi natin nagagawa iyong dapat. Hindi nailigtas ni Esteban si Selya mula sa mga Hapon. Ngunit hindi naman talaga natin siya masisisi. Gulung-gulo ang kanyang isip. Naiintindihan ko rin naman ang naging reaksyon ni Selya. Pero kung tinulungan nga siya ni Esteban at nakaligtas, at si Esteban naman ang tinugis ng mga Hapon. Hindi kaya habambuhay din siyang magluluksa at sisisihin ang kanyang sarili?

m.florendo

Sunday, September 6, 2009

15 & 16

Maiksi ang buhay. Mabilis ang panahon. Marami tayong mga ninanais sa buhay. Marami tayong nais tuparin at sabihin. Ngunit kaunti lamang ang oras para gawin ang mga ito.

Ang pinakamahalagang aral na natutunan ko sa kabanatang "Agua de Mayo" ay ang pagbubuhay ng lubusan at may kabuluhan. Alam ng lahat na maiksi lamang ang buhay ngunit kailangan pa rin nating lubus-lubusin ang ating oras nang makabuluhan.

Hindi malayong nakaraan, ako ay naantig sa pagharap sa aking kinabukasan. Gustung-gusto kong matapos na ang aking pag-aaral at magtrabaho. Ngunit sa aking pagbasa sa kwentong ito, pinaalala sa akin na kailangan ituon ang ating sarili sa kasalukuyan. Huwag manirahan sa nakaraan at huwag magmadali patungo sa kinabukasan. Iisang buhay lamang mayroon tayo. Hindi mababalikan ang nakaraan na at hindi mabibilisan lalo ang panahon. Ngayon. Ngayon lamang ang ating kailangan isipin. Dadating rin ang ating kinabukasan kaya pakinabangan na natin ang ating mga talento at ninanais sa buhay. Marami ngang hadlang na mahaharap ngunit mas mabuting tuparin ang mga ito sa kasalukuyang panahon.

Natuwa naman ako sa susunod na kabanata dahil sapat na sapat ang kwento sa kasalukuyang panahon. Maraming pangyayari ang makakapagbalik sa atin sa panahon ni Marcos. Isa na ang pagsalangit ng dating pangulong Cory Aquino. "Good always triumphs over evil". Sa aking palagay, ito ay ang ipinapahatid sa atin ng mga pangyayari noong panahon ni Marcos. Nag-isa ang taong bayan para mapatalsik ang larawan ng katiwalian na si Marcos.
Kailangan rin natin tularan ang mga naglaban para sa ating mga paniniwala at karapatan hindi lamang pagdating sa pulitika kundi pati na rin sa pang-araw araw na pagsubok na ating hinaharap sa buhay. Maging maliit lamang ang pagsubok o pagkakamali ito sa atin, kung lumalabag naman ito sa ating mga pinaniniwalaan, kailangan pa rin tayong lumaban para sa tamang hantungan. Kung magagawa natin ito, siguradong maitatalsik natin ang mga masama na naninirahan sa paligid natin.

- Jouela Tomas

Pagtatanda

Isa sa aking pinakanakikitang ironiya ang pagtatanda. Noong bata ako, kay dami kong beses naaalalang sabihin hindi lamang sa sarili kundi kahit sa aking nanay at tatay, kapatid at kaibigan, "Ano ba 'yan? Gusto ko na talagang magtrabaho! Gusto ko nang magkapera!" Kasi naman, parang ang hirap mag-aral kapag bata pa. Parang mas madaling isiping magtrabaho - umupo sa likod ng la mesa, magbilang ng pera, magsulat-sulat nang kaunti, magsalita-salita... Iyun! May salapi pang kasama! Ang pag-aaral naman, aral nang aral, proyekto nang proyekto at sunog nang sunog ng kilay, wala namang benepisyong mahahaplos sa kamay!

Noong bata ako, gusto ko maging piloto. Ang saya talagang isiping lumilipad sa himpapawid, sa asul sa walang hanggan kasama ng ibong matayog ang lipad. Ako'y payapa, mag-isa at makapangyarihan! Kaya kong pumunta sa labas ng Maynila papunta sa Los Angeles o kaya sa New York o kaya sa London... Kapag ako'y piloto, lilipad ako at ang aking pupuntahan ay magaganda at makikinang na lugar! Sa kasawiang-palad, nagkaroon ako ng salamin at gumuho ang panaginip kong maging piloto. Ang pagiging payapa, mag-isa at makapangyarihan ay biglang naglaho at pinagtuloy ko ang pag-aaral nang walang direksyon at walang panaginip.

Ito'y hanggang sinama ako ng tatay ko sa kanyang opisina. Isang bise-presidente para sa pagbebenta at marketing ang tatay ko noon. Napakataas ng kanyang gusaling pinapasukan. Noong bata ako, mga isang-daang bahay kong pinagpatong-patong ang taas ng kanyang opisina! Nang dalhin niya ako sa kanyang opisina, dahil bata pa ako at simple pa naman ang mga kagustuhan, iba ang aking unang napansin. Hindi ko napansin ang sahig na carpet, ang sopang yari sa leather na itim, ang laptop computer at ang mamahaling dekorasyon. Napansin kong nakatayo ang aking tatay sa tabi ng bintana, nakangiti. Pinalapit niya ako sa bintana at pinakita ang mga tuktok ng mga gusali at tila ahas na korte ng daan. Laking saya ko nang bumalik sa akin ang aking panaginip. Ako'y nasa taas ng lahat, payapa ang mundo, at dahil dito, makapangyarihan ako!

Kaya ko gusto maging negosyante. Hindi parang ibang bata, ni hindi ko man naisipang maging doktor, abogado, astronaut, guro o iba pa. Gusto ko maging tanyag ngunit masayang miyembro ng kompanya. Gusto ko ng isang opisina sa mataas na lebel upang makita ang mga tuktok ng ibang gusali at pansinin ang buong mundong parang gumagalaw sa ilalim ng aking puwersa. Masayang isipin ngunit mahirap gawin. Sinabi sa akin ng aking nanay at tatay na mag-aral ako nang mabuti. Sa pag-aaral nang mabuti, hindi nagiging madali ang buhay. May pait, may hirap at may sakit galing sa sakripisyo at lubos na pagbubuhos. Mula mababang paaralan, hindi ko gusto ang nagkakaroon ng B. Ayoko ng 8* anuman sa talaan. Parang mas mabilis akong tumanda paglipas ng mababa at mataas na paaralan.

Ngayong nasa ME ako, parang nasa huling bahagi na ako ng masasabing "kabataan." Ito ang huling pagsusulit at pagsasanay bago pumunta sa trabaho at sa totoong buhay. Aasahan kong mas mahirap, mas mapait at mas hindi patas ang buhay sa labas ng Ateneo de Manila. Kaya ako naghihirap sa Matematika, kumakayod sa Ingles, nagbubuhos sa Agham at nagbibigay ng aking sandaang porsyento sa lahat. Pero ngayong tumanda na nga ako, gusto kong bumalik sa kabataan. Nais kong maglaro sa umaga, sa hapon at sa gabi kasama ng mga kaklase. Habulan, habulan at teks, iyon lang naman ang kaligayahan ng kabataan! (Hindi parang ngayon, kailangan ng inuman, kompyuter, Rockband at iba pa para sumaya!) NAPAKADALI ng gawain noon. Kaunting "fill-in-the-blanks" dito at kaunting basa riyan at, hayan! Tapos na ang usapan! Maaari nang magbasa dahil tapos na ang gawaing bahay! Ngayon, hindi na maaaring sundin ito! Mas matagal gawin ang trabaho at kahit natapos na, kailangang mag-aral nang susunod na leksyon! Mas kumplikado, mas mahirap!

Hindi na maaaring balikan ang nakaraan. Kung sanang puwedeng tahakin muli ang ginawang kasiyahan at kadalian ng kabataan, naku! Kay bilis kong pupuntahan iyon muli! Ngunit hindi parang si Bino na magdamag na lamang nakaupo sa kanyang tumba-tumba at naghihintay ng agua de Mayo, mayroon akong buhay na kailangang gampanan at kinabukasang panaginipan. Kailangan ng hirap, kailangan ng tiis at sakripisyo upang makamit ang nais ng puso, ang panaginip ng dunong. Ito'y para guminhawa at sumaya ang bukas. Para sa akin, gusto ko ng bukas kung saan mapayapa at matiwasay ang buhay - buhay na may katuturan at buhay na may dahilan.

-Armando T. Miclat III

Mga Piling Aral

Katandaan. Katotohanan na hindi natin maiiwasan ang pagtanda. Ang katandaan ay sadyang bahagi na ng pagtakbo ng buhay. Likas na sa tao ang maging matanda. Sa pagdaloy ng panahon, maraming tao na ang naghangad at nagtangkang mahinto ang katandaan dahil sa pagnanais na mabuhay magpakailanman. Isa rito si Bino na minimithing mapigilan ang kanyang pagtanda. Bakit nga ba ayaw ng mga tao ang tumanda? Marahil sa mga mababaw na rason tulad ng para manatiling maging malakas, walang rayuma o kaya naman ay manatiling makinis ang balat at hindi kulu-kulubot. Marahil din ay dahil ayaw nilang pakawalan ang kanilang mga mahal sa buhay, na ayaw nilang mawalay sa kanilang piling. Ngunit kahit na anong dahilan pa ito, hindi pa rin maiaalis ang isang katotohanan na ang pagtanda ay mahalaga sa buhay. Isa lamang itong palatandaan na ang buhay ay hindi matagal, na patuloy na tumatakbo at nauubos ang oras. Ang katandaan ay isang paalaala sa mga tao na mabuhay, magpakatao at magmahal.

Hindi lang katandaan ang inihahatid na aral ng kabanatang ito. Mahalaga ring mensahe sa kabanatang ito ay tungkol pamahiin at kung paano ito nagiging isang balakid o mas angkop, kung paano ito nakadudulot ng kamatayan. Ang matinding paniniwala ni Bino na ang unang ulan ng Mayo ang makapagpapabata muli sa kaniya ang nagdulot ng kaniyang kamatayan. Naniniwala talaga ako na balakid sa buhay ang mga pamahiin. Hindi ganap na nabubuhay ang isang tao sapagkat napipigilan siya ng kaniyang mga paniniwala sa mga pamahiin. Hindi naman talaga totoo ang mga pamahiin. Nagbunga lamang ito sa isang mapagbirong ideya hanggang sa naipasa na lamang ito sa maraming mga henerasyon. Balakid ito sa buhay ng tao sapagkat sa tuwing may gagawin ang isang tao, maaring mabago ang kaniyang desisyon dahil sa isang pamahiin. Kaya nga ang kawawang Bino, hibang sa pamahiin, nauwi sa hukay.

Sa susunod na kabanata, makikita natin pag-ibig sa bansa. Nang matauhan na ang mga tao sa katiwalian ni Marcos ay sadyang nabaliw sila sa pakikibaka para sa hustisya. Sa eleksyon ay nagdagsaan ang lahat para makaboto pati ang mga aso’t pusa, mga manananggal at iba pa. Nagkaisa ang lahat para mapatalsik na sa pwesto ang sukab na pangulo. Ngunit ng malaman nilang nanalo pa rin si Marcos, unti-unting nanghina ang mga loob ng mga tao. Makikita natin ito nang hindi na sila pumayag na sumama pa kay Nene papunta sa Maynila. Kahit na nawalan na ng loob ang mga tao, nagpatuloy pa rin si Nene para ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino. Marahil ito ang mensahe sa atin ng kabanatang ito, na dapat matuto tayong lumaban sa kasamaan at sa katiwalian kahit na tayo’y nag-iisa lamang.


Miguel Enrico C. Paala III

Saturday, September 5, 2009

Kabanata 15-16

Naaalala kong ang hilig naming magpipinsang maligo sa ulan noong mga bata pa kami. Madulas ang mga daan ngunit mas nasisiyahan kami sa pagbibisikleta at paghahabulan. Hindi naman kami pinapagalitan ng aming mga magulang. Sa katunayan, hinahayaan lang nila kaming magpakasaya basta’t maliligo kami ulit gamit ang malinis na tubig sa banyo. Ngunit, ngayon, napansin kong hindi na naliligo ang mga bata sa ulan. Madalas, naririnig kong napapagalitan sila sa tuwing nagtatampisaw. Ngayong malalaki na kami hindi na rin kami naliligo sa ulan. Lagi nang may dalang payong maaraw man o maulan.

Makikita sa kabanata 15 ang mga temang pagbabago, pagtanda at kamatayan. Ang mga ito’y hindi maiiwasan o mahinto. Isa na lamang sa pagbabagong ating nararanasan ngayon ay ang climate change. Mas nagiging maalinsangan. Gumagamit tayo ng bentilador upang mapawi ito.

Lahat sa atin ay may mga talent, at sa ating pagtanda mas lalo tayong nagiging bihasa at magaling. Kasabay ngating mga karanasan ang pagiging matinik natin sa ating buhay o kaya nama’y mga talent. Nasanay si Bino sa pangangarpintero kaya nama’y maraming humihingi ng kanyang serbisyo. Ngunit kalakip din ng ating pagtanda ang panghihina. Gaya ni Bino na ubod na ng tanda, hindi niya na mapagpantay ang sukat ng dalawang paa ng tumba-tumba. Mahirap paghiwalayin ang kamatayan sa pagtanda. Swerte na lamang kung naabutan mo ang matandang edad gaya ni Bino na lampas animnapung taon na.

Sa kabanata 16 naman, makikita natin kung paano napapagsabay ang napakagandang bagay at ang hindi kanais-nais. Gaya na lamang ng kulay pula. Sinisimbolo nito ang pinakamagandang bagay at ang pinakamasalimuot na pangyayari—mula sa mapupulang puso at mga bulaklak na nagpapakita ng pag-ibig hanggang sa mapupulang dugo natumatanda sa digmaan at kamatayan. Ang weird isipin na ang buwan ng mga puso ay isa ring buwang puno ng kabaliwan at kaguluhan. Tama nga naman siguro na hindi pwedeng puro kaligayahan lamang, dapat magkaroon ng kaunting gusot para magkaroon ng balance.

m.florendo

Friday, September 4, 2009

Hitik sa Matitinding Kaganapan

Habang patapos na ang mga pahina sa nobela, mapapansin ang unti-unting pagkaubos ng mga tauhan sa kwento. Lahat na lamang ng mga tauhan ay nawawala o kung minsan, namamatay pa. Sa mga kabanatang nabasa, nagkaroon ng kamulatan sa kasalukuyan sapagkat naipakita ang pagbabago ng panahon na nangyayari sa kasalukuyan at ang pagtataboy sa rehimeng Marcos noong EDSA Revolution. Masasabi ring karugtong ito ng kabanatang may bagyo sapagkat puro unos at kaguluhan ang nagaganap sa mga kabanata. Nagdulot ito ng mga pagkawala at pagkasawi ng mga tao. Dahil dito, maihahambing ko ito sa katapusan na ng mundo sapagkat punung-puno ng mga malalagim na trahedya ang mga kaganapan.

Sa ika-15 na kabanata ng nobela na pinamagatang “Agua de Mayo”, nangyari ito pagkatapos ng digmaang Amerikano laban sa mga Hapon at nabanggit ng personasa nobela na pumanaw ang kanyang mga magulang na magkasunod. Dalawang hektaryang lupa ang ipinamana sa persona ng kanyang mga magulang, ang isa ay kanyang pinaupahan habang ang isa naman ay hindi na niya ipinagalaw. Mayroon pa siyang kasanayan sa pangangarpintero kung kaya’t iyon ang kanyang pinagkaabalahan pagkatapos ng digmaan. Kilala siya ng maraming tao sa pagiging hindi konteto sa mga gawain. Pinasok rin niya ang pagiging manggagamot na sinasabing kakayahang ipinagkaloob sa kanya noong panahon ng digmaan. Pagtitiwala, ito ang bagay na madalas nating ibinibigay sa mga taong mahahalaga para sa atin. Dahil sa kanyang pagkabihasa sa paggawa ng mga bagay na yari sa kahoy, si Bino ay nagpagawa pa rin sa kanya ng isang tumba-tumbang maaari niyang magamit na upuan kapag nais niyang magpahinga. Kahit na nasa animnapung taong gulang na ang persona, nabuo pa rin niya ang tumba-tumba kahit na hindi na niya masyadong napantay ang mga paa. Madalas na nagkakakwentuhan ang persona at si Bino at ang naging isang paksa ng kanilang pag-uusap ay ang pagpapaligo ng kamay sa unang ulan sa Mayo. Gaya ng maraming mga matatanda, maikling panahon na lamang ang kanyang tulog sa gabi dahil na rin sa init ng panahon na kanyang nararamdaman. Isang araw na may kaunting pagkaputla ang kalangitan, alam na ni Bino na paparating na ang nahuling Agua de Mayo. Nakagawian a sa kanilang tradisyon ang pagliligo sa unang ulan kung kaya’t napagdesisyunan ni Boboy ang maligo at si Bino naman ay magbabasa lamang ng kamay. Pero lalong lumala ang kondisyon ni Bino at noong ika-30 na Hunyo 1981, sabay sa pagputok ng Bulkang Mayon, siya ay sumakabilang-buhay na rin kaya nagmamakaawa na ang kaluluwa na matulungan muna siya bago matapos ang nobela.

Samantala sa ika-16 na kabanata, ang pamagat nito ay ang “Buwan ng Puso at Kabaliwan”. Batay sa nasabing pamagat, ang buwan na tinutukoy ay ang buwan ng Pebrero. Marami ang naging kasabihan tungkol sa buwan ng Pebrero tulad ng mga taong ipinanganak sa buwan na ito na may sira sa pag-iisip at ang taong mabagal tumanda ang isip pero mabilis ang pagtanda ng katawan. Itinutuing din iyon na buwan ng dating Presidenteng Corazon Aquino na tinutukoy bilang biyudang dilaw na lumalaban kay Ferdinand Marcos na malupit na diktador noong panahon. Ipinakita sa kabantang ito ang mga pangyayari noon sa kainitan ng EDSA Revolution. Maraming mga mamamayan ang tumututol at nagagalit sa mga ginagawa ng pamahalaang Marcos. Naging malikhain ang kabanatang ito sa di-tuwirang paglalarawan ng nakaraang eleksyon sa pagitan ni Aquino at Marcos. Naging puno ng kontrobersiya at anomalya ang halalan na iyon sapagkat maraming mga masasamang gawain ang naganap at nasiwalat dito. Halimbawa ditto ang mga flying voters na tinatawag na manananggal, ghost voters na tinatawag na patay na bumuboto at mga dagdag-bawas sa mga boto ng mga mamamayan para sa mga kandidato. Lahat ng mga kakaibang pangyayari ay naghalu-halo na rito sa kabanata upang ipakita ang tunay na kaguluhan o tinatawag na kabaliwan na naganap noong Pebrero. Kaya naging malinaw sa kabanatang ito kung bakit naging ganoon ang pamagat sa kadahilanang sumibol ang mga kaguluhan o kabaliwan sa panahong ito at ipinakita ng mga tao ang tunay na isinisigaw ng kanilang puso at damdamin.

Bago pa man matapos ang nobela, hindi pa rin tumitigil ang paghahatid ng matitinding kaganapan na nagpapakulay at umaapekto sa buong takbo ng istorya. Tunay ding naging makahulugan ang mga kabanatang ito sapagkat isinasalaysay dito ang mga mahahalagang simbolismo at detalye na bumubuo at sumasagot sa mga tanong sa loob ng kwento. Kung kaya’t masasabing lalo pang mas kapana-panabik ang mga susunod pang kabanata sa katanungang nasa likod ng pamaga ng nobela na “Ang Sandali ng mga Mata.”
- Jerome Uy Chua

Sunday, August 30, 2009

Dasal-Dasal at Tradisyon

Sa kabanatang "Ang Himala ng Birhen," napansin ko ang malalim na pagsamba at pagdadasal ng mga Pilipino, lalo na sa probinsya. Hindi ako masyadong makaugnay kay Nene dahil sa panahon ngayon sa siyudad, hindi ko iisiping magpahid ng panyo sa imahen ng Nazareno o kaya lumangoy sa tubig na kinaroroonan ng isang prusisyon ng imahen. Gagawin ko na lang ang ginawa ni Mr. Edwards - kung may sakit ako o ang ibang mahal sa buhay, didiretsuhin ko ang ospital at sasabihin kong pagamutin na agad iyong may sakit.

Ngunit sa aking buhay, alam ko na ang karamdaman ng nawalang imahen sa buhay ng komunidad. Medyo matagal na ang panahong nakalipas dahil nasa mababang paaralan lamang ako noon. Naalala kong mabuti, parang litrato sa aking isipan, ang mga nais magsimba sa Parish of the Lord of Divine Mercy ay hindi pinapapasok sa simbahan. May mga tumataas ang boses, hindi maintindihan ang nangyayari. Ako mismo, naisip ko, "Puwede palang ikansela ang simba parang klase?" Iyon pala, napakababaw ng aking iniisip noon. Malubha ang nangyari sa aming simbahan. Noong nakaraang gabi, may nagnakaw ng imahen ng Divine Mercy kasama ang ostiya sa "monstrance" doon sa adoration chapel. Bilang panahon ng "mourning" o pagbibigay dalamhati (sabi ng pari), hindi maaaring magmisa. Iyon daw ay sabi ng Diocese ng Cubao.

Noong bata pa ako, maaaring sabihing nagdadasal-dasalan lamang ako. Kulang ang aking kaalaman sa mga sakramento, nagsisimba lamang ako dahil kinakailangan at mas binibigyang-pansin ko ang kainan pagkatapos ng misa. Ngunit nang mangyari iyong pagnanakaw, nagulumihanan ako. Ang una kong naisip ay, "Bakit?" Bakit simbahan pa ang nanakawan? Naroon si Hesus, naroon ang mga pari at madreng nagmamahal at simple lamang ang pamumuhay. (Nalaman kong may mahal ang suot ng imahen at totoong ginto ang koronang taglay nito.) Pangalawa, paano na kaming mga nagsisimba? May mga taong talagang nakababa ang mata sa lupa, walang imik. Ang mga madre at pari na hindi makapasok ay lumuhod na lamang sa labas at nagdasal ng rosaryo sa magaspang na sahig. Sa madali't sabi, sira ang tradisyon ng buong komunidad. Ni pari, ni madre, ni relihiyoso ni bata't matanda ay nakasimba.

Akala ko ay masisiyahan ako, ngunit kahit sa murang edad ko noon, hindi. Napuno lamang ako ng pagkukulang, ng paggugulumihanan at ng pagkalungkot. Nagdasal na lamang ako sa silid ko pagkauwi namin. "Jesus, sorry Po." Naalala kong dasal. "May iba Po talagang kailangan ng pera, pero sana pabalikin mo na ang imahen para makasimba na ang ibang tao." Kung parang ang komunidad ang iniisip ko, sinasadya ko lamang iyon dahil bata pa lamang ako at mas gugustuhin kong magsimba talaga ang iba kaysa sa akin! Pagdaan ng isang buwan at kalahati (sa panahong ito, hindi man binuksan ang pintuan ng simbahan at nagsimba na lang ang pamilya namin sa UP) sinabi ng tatay ko sa hapag na binalik na ang imahen. Wala ang korona, wala ang ostiya wala ang kaunting mamahaling bato, ngunit sa looban ko, nagpasalamat ako. Ang tradisyon naming pamilya at komunidad ay maibabalik muli!

Kaya ngayon, masasabi kong kailangan kong magdasal. Hindi man ako magpapahid ng panyo sa imahen o lalangoy sa ilog tulad ni Nene, kailangan ko pa rin ang haplos at tulong ni Hesus. Oo, dadalhin ko ang aking sarili pati ang maysakit sa ospital ngunit pagkarating doon, hahanapin ko ang kapilya (na malamang ay mayroon dahil wala pa akong nakikitang ospital sa Pilipinas na walang kahit prayer area) at taimtim na magdadasal. Hindi ako perpekto at minsan, nakakalimutan kong magpasalamat at humingi ng tulong sa Kanya. Ngunit sa kabanatang ito, bumalik talaga sa isipan ko ang dasal at tradisyon ng pagsimba. Para sa iba, hindi na ito mahalaga at walang-bisa ang mga ito. Ngunit hindi ako kasama sa kanila. Oo, mabilis ang pagbago ng panahon, pag-usbong ng teknolohiya at karunungan pati ang pagdami ng kailangang gawin sa pang-araw-araw na buhay. Pero ang dasal-dasal at tradisyon ng pagsimba ay aking kailangan. Para matulungan hindi lamang ang aking sarili, ngunit mas mahalaga, ang lahat ng ibang mga tao na ipinalibot Niya sa akin.

-Armando T. Miclat III

Mga Katotohan sa Buhay

Ang sumusunod na dalawang kabanata ay hitik sa mga aral na angkop sa tunay na buhay. Marami akong natutunan mula sa dalawang kabanatang ito.

Ang una kong natutunan mula sa kabanatang, “Ang Himala ng Birhen” ay ang kahulugan ng pagiging malaya. Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging malaya. Siguradong natutunan ito ni Nene nang maranasan na niyang mamuhay nang mag-isa, hiwalay sa kaniyang magulang, tanging kasama ay si Boboy. Ayon sa mga naranasan ni Nene, ang pagiging malaya ay pagkakaroon ng kapangyarihan na gawin ang kahit na anong naisin mong gawin. Kaakibat nito ay ang pagkayod para sa iyong mga minamahal, sa kalagayan ni Nene para kay Boboy. Ngunit ang pagkakaroon ng kalayaan ni Nene ay nangangaluhugan ding hindi na siya pwedeng umasa kay Selya, na dapat matuto na siyang tumayo sa kaniyang sariling mga paa lalo na dahil may tinatanim na galit si Selya kay Boboy.

Natutunan ko rin mula sa kabanatang ito ang kapangyarihan ng dasal. Lahat ng mgas deboto sa Birhen ay dumadagsa para mahawakan man lang ito. Bawat taong dumadalaw sa Birhen ay may sari-sariling pakay. Ang pakay ni Nene ay para mapagaling si Boboy at hindi niya mapadala si Boboy sa ospital dahil na rin sa kawalan ng pera. Sa simula mistulang kahit anong gawin ni Nene ay hindi pa rin gumagaling si Boboy, wari’y hindi nadinig ng Diyos ang kaniyang panalangin. Ngunit hindi nawalan ng loob si Nene. Sumuong siya sa ilog, di-alintana ang ulan at ang maruming baha sa pag-asang didinggin ng Birhen ang kaniyang mga dasal. Hindi nga napagaling nang tuwiran ng Birhen si Boboy na parang isang himala ngunit nagkaroon naman ng ibang klaseng himala na hindi inaasahan ni Nene- ang himalang dala ni Mr. Edwards. Si Mr. Edwards na ang nagpagamot kay Boboy sa ospital. Natutunan ko rito na palaging dinidinig ng Diyos ang ating mga dasal. Sinasagot lang Niya tayo sa mga paraang hindi natin inaasahan. Basta magkaroon lang tayo ng paniniwala at pananampalataya, hindi tayo papabayaan ng Maykapal.

Ang huli kong natutunan sa kabanatang ito ay ang katotohanang ipinagbuhul-buhol ang buhay ng mga tao. Bawat tao ay konektado sa iba pang tao. Ang katotohanang ito ay ipinakita sa huling bahagi ng kabanata. Ang pagnanakaw ni Imelda sa Birhen ay nagkaroon ng epekto hindi lamang sa kaniya kundi sa lahat. Isa na rito ay si Nene. Hindi gumaling si Boboy dahil hindi naman pala tunay na istatwa ng Birhen ang kaniyang dinadasalan. Ipinapakita lamang nito na ang landas ng bawat tao at nakabuhol sa landas ng iba. Kahit anong gawin natin ay siguradong makapagbabago ng buhay ng ibang tao.

Isang mahalagang aral naman ang natutunan ko sa kabanatang, “Mga Bahay sa Gitna ng Bagyo.” Maituturing kasing mga kawangis ng tao ang mga bahay sa kabanatang ito at ang bagyo naman ay ang magulong takbo ng buhay. Nang banggitin sa huli ang pagkakaiba ng bahay na bato sa bahay-kubo, ipinakita ni Alvin Yapan ang isang mahalagang bagay, isang katotohan na makikita sa mga tao, ang kaibahan ng pagtingin sa mga bagyo o mga problema. Ang isang bahay na bato ay tumatagal at hindi napapaguho ng mga bagyo ngunit tumatanda at nawawalan ng sigla. Ang bahay-kubo ay nanatiling bata dahil kapag nasisira ay tumatayo muli, bago. Ang isang bahay na bato ay maihahalintulad sa isang taong duwag. Nakatago sa matitigas na bato. Mistulang may baluti. Patuloy niyang nilalabanan ang pagbabago sa takot na magiba at bumangon muli. Sa kaniyang pakikibaka, madali siyang tumatanda, napapagod at nawawalan ng sigla. Sa kabilang banda naman, ang bahay-kubo ay maihahalintulad sa isang taong matapang. Matapang dahil hinaharap niya ang bagyo kahit na siya ang munti lamang. Hinaharap niya ang bagyo kahit batid niyang maari siyang wasakin nito. Matapang siya dahil kahit ilang beses na siyang nagiba, patuloy pa rin siyang bumabangon bilang isang bagong taong natuto na mula sa kaniyang pagkawasak. Nanatili siyang bata dahil maganda ang pagtanaw niya sa problema. Sirain man siya nito ay babangon at babangon siyang muli.

Bilang paglalagom, hitik sa aral ang dalawang kabanatang ito. Tunay ngang matapos basahin ang dalawang kabanatang ito ay mas marami akong natutunan hindi lang tungkol sa kwento kundi pati tungkol sa buhay.


Miguel Enrico C. Paala III