BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Friday, September 18, 2009

Wakas.

May mga bagay sa ating buhay na mas nakabubuting manatiling bilang mga misteryo. May mga tanong na mahirap sagutin o kaya nama’y hindi naman talaga kailangan sagutin. Palibhasa ang mga ito ang nagbibigay ng kulay sa ating mga buhay. Kumbaga’y masasabi nating ito iyong mga bagay na nagbibigay thrill upang magkaroon naman ng saysay ang ating pamamalagi rito sa daigdig. Isipin niyo na lamang kung alam nating lahat ang mga kasagutan, alam natin ang future. Hindi ba’t masyadong boring? Wala ng excitement o nerbyos na mararamdaman dahil alam mo na, eh.


Maihahalintulad ko ito sa pagbabasa ng Ang Sandali ng mga Mata. Kung isiniwalat na ni Esteban ang lahat ng mga detalye ng nakaraan, eh di parang mawawalan na rin ng saysay ang mga kwento. Hindi na rin tayo mabibigyan ng pagkakataon upang mag-isip o kaya nama’y bumuo ng mga posibleng mangyayari.

Gaya na lamang ng nabanggit sa ika-19 na kabanata, hindi namamatay ang isang alamat. Sa katunayan, nanganganak pa nga ito. Isipin na lamang ang mga balita ngayon o kaya’y mga tsismis kung saan mas interesado ang karamihan sa atin. Kadalasan, wala naman talagang nakaaalam kung saan nagsimula ang tsismis ngunit marami na ang may alam tungkol sa mismong sabi-sabi. May iilan na naniniwala at meron din namang hindi. At may pagkakataon din na ang mga kwentong ito ay magkakaroon din ng mga dugtong pa o mga anak.

Kahit sa pagtatapos ng nobela, hindi pa rin mawawala ang pag-ibig. Sa alamat ng lilang tangkay, makikitang may mga bagay na nakakayanan nating gawin alang-alang sa ating mahal at nagkakaroon tayo ng lakas na loob upang mailigtas sila. Handa tayong ibigay ang lahat kahit na ang kahulugan nito’y ating buhay .

Sa huling kabanata, paksa ang pag-uwi. Ngayong malapit nang matapos ang semester, pumapalapit na rin ang panahon ng aking pag-uwi sa Zamboanga. Gusto ko na ngang bumalik sa amin. At sa muling pagtapak sa lugar na iyon, muli ring babalik ang mga alaala. Sasalubungin ako ng aking pamilya sa paliparan. Sasamantalahin ko na rin ang pagkakataong magpakasaya kasama sila at aking mga kaibigan. Lalabas kami, magkukuwentuhan at magtatawanan. Muli ko naring matitikman ang mga pagkain at magagamit diyalekto ng Zamboanga. Pansamantala ko munang iiwan ang boarding house at buhay-Manila at bumalik sa aming bahay.

-m.florendo

0 comments: