BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Friday, July 31, 2009

Chapter 5-6

Sa kabanatang “Ang Alamat ng Mirasol”, ikinuwento ni Esteban kung paano nagkakilala sina Bino at Selya. Si Selya ay nagtatrabaho bilang katulong ng pamilyang Nueva noon at si Bino naman ay ang tanging anak nina Don at Donya Nueva. Makalipas ng ilang panahon, nagtapatan sila sa isa’t isa ang kanilang pag-ibig ngunit itinago nila ito sa mga magulang ni Bino. Nang nabasa ko ito, naisip ko na parang ito ang typical na kwentong pag-ibig pero kahit papano naman, nakakahanga pa rin ito. Ang nagustuhan ko sa kwentong pag-ibig nila ay ang pagtanggol ni Bino sa pag-ibig nila sa kanyang mga magulang. Nagsinungaling siya sa kanyang mga magulang para lamang makasama ang kanyang kasintahan. Nakakahanga talaga ito sapagkat tinanggap nila ang isa’t isa sa halip ng kanilang social status. Kahit marami silang conflict na napagdaanan, hindi pa rin ito nakapigil sa kanilang pag-iibigan.

Ang susunod naman na kabanata ay ang pagkwento ni Boboy tungkol sa pagkakilala niya kay Estela. Tulad din ng nakaraang kabanata, ito ay tungkol din sa pag-ibig. Ang pag-ibig nila ay iba sa pag-ibig ni Bino at Selya. Sila ay may mga pangarap para sa kanilang kinabukasan. Ang nakakalungkot lamang ay hindi sila nagkaroon ng masayang katapusan. Nasasayangan ako sa kanilang pag-ibig dahil pagkatapos ng kanilang mga binalak para sa kanilang kinabukasan, hindi nila ito natupad ng mag-kasama at masaklap pa ang naging katapusan ni Estela.

Hindi lamang pag-ibig ang naging paksa ng kabanatang ito. Napag-usapan nina Boboy at Estela ang sayaw ng tinikling at ang mga paraang para yumaman. Nagustuhan ko ang pag-relate ng manunulat ang sayaw na tinikling sa sayaw ng buhay. Sinabi ni Boboy na hindi maaaring sisihin ang taong nag-uumpog ng kawayan, na parang pagsisi sa kapwa tao na siya ring nagpapahirap sa kapwa tao. Tama nga naman na wala tayong dapat sisihin sa mga problemang nararanasan natin. Kailangan natin harapin ang buhay na walang sinisisi dahil hindi naman ang kapaligiran natin ang sanhi ng ating mga problema. Pinag-usapan din nila ang mga paraan upang yumaman. Pagtaya sa huweteng, pagsali sa raffle draw at pagtrabaho sa Saudi bilang katulong o nurse ang mga paraang binanggit nila. Ito nga ay madadaling pamaraaan ng pagpapayaman ngunit para sa akin, wala ito laman, walang pangarap, walang direksyon at hindi ito ‘fulfilling’.

Marami akong natutunan na leksiyon sa buhay sa ika-lima’t ika-anim na kabanata; pag-ibig, kayamanan at ang sayaw ng buhay. Punung-puno ng pag-asa ang kabanatang ito. Ipinakita sa mambabasa kung paano haharapin ang iba’t-ibang suliranin at karanasan sa ating buhay.

- Jouela Tomas

Kabanata 5 & 6

Pag-ibig. Napakahirap niyang intindihin. Kung tatanungin ang iba’y sasagot nang kinikilig. Ang iba nama’y parang namatayan. At ang iba’y ayaw itong pag-usapan. Magkaiba ang karanasan nina Esteban at Boboy pagdating sa pag-ibig. Gayunpaman, ang kanilang pagtingin sa mga sinisinta’y para bang mga diwata o diyosa.
Madalas napapanood natin ang kuwento nina Selya at Bino sa mga telenobela--isang katulong at isang anak ng Don na nagkamabutihan. Tago ang kanilang relasyon sapagkat takot silang malaman ng kanilang mga magulang dahil siguradong tutol sila rito. Naging parang commercial si Esteban na sumisingit lang sa panahon ni Selya habang hindi sila magkasama ni Bino. Siguro, naisip ni Esteban na habang wala si Bino, baka may pag-asang mababaling ang pagtingin ni Selya sa kanya. Pwede ring inisip niyang ang mga panahong wala si Bino sa tabi ni Selya ay pagkakataon na rin para siya ‘yung magpapangiti sa kanya.
Paminsan, naiisip kong siguro may mga taong gusto lamang yung ideya ng pag-ibig. Para bang gusto nila yung naghihintay at nangungulila sa pag-ibig. Kapag nandyan na, o kaya’y pagsinagot na sila, iisiping hindi sila karapat-dapat at muling maghihiwalay; pero nandoon pa rin ang kanilang pagtingin.
Ipinagtataka ko lang, kung nag-aaral si Bino sa seminaryo, may balak ba siyang magpari? Sa nakaraang kabanata, nabanggit na rin ang abanikong pamaypay na galing kay Mr. Smith. Kung kinuha ito ni Donya Nueva, paano ito muling napasakamay ni Selya?
Hindi gaya ni Esteban na nabigo sa pag-ibig, si Boboy ay nakatanggap ng matamis na oo galing kay Estela, ang kanyang sinisinta. Malalim ang pagtitinginan nina Boboy at Estela. Kahit na medyo bata pa lamang sila, siguro nga ay hindi lang puppy love ang namamagitan sa kanila. May mga binubuo silang mga pangarap at pangako sa isa’t isa na hindi lang kanilang mga sarili ang iniisip kundi pati ang lipunan. Tinitimbang nila ang kanilang mga desisyon.
Maliban sa pag-ibig, napag-usapan din ang pagpapayaman. Ang hilig natin sa mga libre o sa mga instant—kahit pera. Kaya naman nawiwili ang maraming tao sa lotto o sa pagsusugal. Imbes na magtrabaho ay nagsusugal; nagbabasakaling suswertehin at manalo. Ang pera na ginamit sa pagtaya ay pwede sanang gamiting pambili ng pagkain o mas importanteng bagay. Nagamit na rin sana ito bilang puhunan sa negosyo.
Pag-ibig man, mga pangarap o pagpapayaman, importante ang mga desisyong ginagawa natin. Tama bang ipaglaban ang pag-ibig mo? Yan ba talaga ang gusto mong pangarap? Ano’ng gagawin mo para maabot ito? Tatahakin ko ba ang maikling landas ngunit hindi sigurado upang maging mayaman o magsusumikap ?
-M. Florendo

Kasaysayan ng Tao

Sa dalawang kabanata, "Ang Alamat ng Mirasol" at "Estela Luna, Estela Maris," mapapansin na itong dalawa ay tungkol sa buhay nina Selya at Boboy. Ang aking unang naisip ay, "Bakit ngayon lang?" Nakalipas na ang ilang kabanata at ngayon pa lang natin nalalaman ang tauhan! Sa mga nakasanayan kong libro, sa simula inihahayag at inilalarawan ang mga tauhan.

Sa aking palagay, ito ay dahil sa totoong buhay naman, hindi naman biglaan ang pagkakakilala natin sa mga tao. Hindi lang naman tayo basta-basta lumalapit sa isang bagong kilala at mag-tsismisan at tawanan kaagad. Kumbaga, mayroon muna tayong iniisip (sa Ingles ay "first impression") tungkol sa tao bago man tayo lumapit at magdesisyong maging kaibigan o kaaway ng taong kakasalamuha lamang.

Sa mga nakalipas na kabanata, hindi ko masyadong nagustuhan si Selya. Hindi siya tulad ng nanay ko o lola ko. Ang mga nakakatanda at magulang sa pamilya ko ay mapagmahal. Sa lahat ng bagay, basta mabuti siyempre, binibigyan nila ako parati ng suporta. Sa oras ng hirap at sakit, naroon palagi si nanay. Kung kailangan ng kuwentong pampagana at dagdag na pagkahubog ng sarili, nariyan naman ang aking lola. Sa mga nakaraang kabanata, hindi talaga masasabing ganoon si Selya. Ngunit nang bigyan siya ng sariling kasaysayan, totoong mas naintriga ako at tumaas ang interes ko sa kanya. Mahahambing ko siya sa isang payak na Maria Clara. Pero kung iisipin ko ng mas malalim, ang buhay niya ng nakaraan ay isang trahedya. Siya ay maganda at kinagugustuhan ng marami, ngunit nang taasan niya ang tingin sa Amerikano, akala niya iyon ang magsasabi ng pag-ibig. Ngunit nang hindi, parang pinili na lamang niya ang isang lalaki at pinuwersa ang sariling mahalin iyon. Para sa akin, ang kabantang ito ay isang salamin kung bakit tila masama ang loob ni Selya sa kuwento.

Kasaysayan naman ni Boboy ang "Estela Maris, Estela Luna." Ang kagandahan ng kabanata ay nasa pamagat pa lamang. Iniba nang kaunti ang "Stella Maris, Stella Luna" (Latin para sa "Bituwin ng Dagat, Bituwin ng Buwan) at inilagay ang pangalan ni Estela. Hindi tulad ng nakasusuka at nakasasakal na kuwento ng pag-ibig na inilalahad sa ibang kuwento, ang bagong pag-ibig na nadarama ni Boboy ay magandang basahin. Ito'y parang isang kuwentong pag-ibig na ideyal. Kung aking tutuusin, sana kahit papaano madama ko rin ang ganitong klase ng pagmamahal. Sana, madama ng lahat ang kilig ng unang engkuwentro, kilig ng paghahabol, kilig ng pagsasagot, kilig ng pananaginip at kilig ng pagmamahal.

Hindi tayo mga perpektong tao. Sa isang bahagi ng buhay, tayo ay nasasaktan at nagagalusan. Natutunan ko ito nang mas mabuti sa dalawang kabanata. Hindi lamang sa libro kundi sa totoong buhay makikita ang libu-libong Selya at Boboy. Imbes na tingnan silang masama at pangit, iisipin ko muna kung ano kaya ang kasaysayan nila. Baka sa isang bahagi ng buhay ng mga taong ito, tulad ni Selya at Boboy, sila rin ay ubod ng ganda at halos malunod sa pag-ibig.

-Armando T. Miclat III

Pag-ibig Nga Naman

Sa pagpapatuloy ng aking pagbabasa sa nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”, napansin ko ang magandang transisyon o pagkakasunud-sunod ng mga kaganapan. Nalaman nating nagsimula ang nobelang ito noong panahon ng mga Espanol. Habang sa ikalima at ika-anim na kabanata, makikita nating ang nangyari ito noong panahon na ng mga Amerikano at Hapon. Nabibigyang katuturan at katarungan ang mga tagpo sapagkat naiuugnay ito sa mga nakatakdang panahon. Naging maayos din ang takbo ng kwento kahit na makikitang biglaang sumusulpot ang iba’t ibang mga katauhan sa istorya.

Sa ikalimang kabanata ng nobela, umikot ang lahat sa kwento ng pagkabata ni Selya. Panahon pa ng mga Amerikano noong pumasok si Selya bilang katulong sa pamilyang Nueva. Doon sa yugto ng buhay ni Selya nagsimula ang pagdadalaga niya. Kilala siya sa isa sa mga magagandang mga binibini noong panahon na iyon. Dahil sa pagsisilbi niya sa hacienda ng mga Nueva, natuto siy ng mga bagay-bagay at gawain tulad ng pag-iingat sa pinggang galing sa Tsina, pagpapatuyo ng mga kopitang kristal nang hindi nagkakapingkian at lumilikha ng tunog o ingay, paghahain ng iba’t ibang putahe at inumin at iba pang mga gawain sa hacienda. Dahil din dito, namuo ang pag-iibigan nila ni Bino o Severino. Nangyari ang lahat sa isang di inaasahang pagkakataon at tanging kapalaran lamang ang may hawak. Ito ay noong akala ni Bino ay nagtatangkang magpakamatay si Selya sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog kung kaya’t sinagip niya ito kahit na hindi naman talaga ito magpapakamatay. Sa isang mahigpit na yakap sa ilog ang naging simula ng kanilang pagmamahalan. Hanggang sila’y magtagal at madalas na umuuwi na roon si Bino kung kaya’t mabilis na kumalat ang mga balita sa buong hacienda tungkol sa kanilang relasyon. Dahil doon, hindi maikakailang nagmamahalang tunay talaga ang magkasintahan sapagkat lahat ay nawawala sa kanilang paningin kapag silang dalawa lamang ang magkasama.

Pero gaya ng sabi ng lahat, walang sikretong maitatago sa habang panahon. Lahat ay malalaman at masisiwalat pa rin kahit gaano pa man kagaling ang pagtatago na gagawin ng isang tao. Nahulog na nang lubusan ang kalooban ni Selya kay Bino na itinuturing niyang araw ng kanyang buhay na sa kanya ay nagbibigay liwanag sa araw araw. Kung kaya’t kahit anumang mangyari, lahat ay kaya nilang kalimutan at sugurin para matupad lamang ang kanilang ninanais. Katulad sa mga palabas sa telebisyon at sinehan, nagalit ang mga magulang ni Bino nang malaman na ang kanilang anak ay umiibig sa isang katulong o alila sa kanilang hacienda. Ngunit dahil sa tindi ng pag-iibigan ng dalawa, hindi sila nagpaawat at dinala ni Bono si Selya sa kanilang tahanan upang pormal na ipakilala si Selya sa kanyang mga magulang. Nang umayaw talaga ang mga magulang ni Bino kay Selya, walang nagawa ang dalawa kung hindi magsinungaling na nabuntis ni Bino ang dalaga kaya kailangan niyang panindigan at pakasalan si Selya. Nagtapos naman ang kwento nito nang mabalitaang pinasabog ng mga Hapones ang Pearl Harbor na ikinagalit ng Estados Unidos kaya nagkaroon ng digmaan.

Samantala sa ika-anim kabanata, tungkol din sa pag-ibig ang naging paksa. Ngunit mapapansin dito ay gumamit ng mga malalalim na kasabihan, paniniwala at talinghaga ang manunulat upang ipakita ang pagiging malalim mag isip ng mga tauhan kung kaya’t lahat para sa kanila ay may katumbas na kahulugan. Kahit na mismong pagsasayaw lamang ng tinikling na kilala sa ating bansa, ay may kahulugan para sa dalawang katauhan sa kabanatang ito. Inihahambing daw ito sa buhay ng tao na walang pinagkaiba sa pagsasayaw ng tinikling, may dalawang kawayan na nagsisilbing mga hadlang, at kapag nagkamali ka ng tapak at naipit ka sa mga ito, iyon ay itinuturing na problema ng isang tao. Dahil ang buhay ay hindi lamang daw simple, imposibleng walang madadaanan na hirap sa paglipas ng panahon. Kasama rin dito ang sinasabing “walang imposible”. Dahil kahit na magkalayo ang kanilang antas ng pamumuhay, talagang nagtiyaga ang tauhan upang makuha ang kanyang iniirog na si Estela Maris o Estela Luna. Nagkaroon sila ng sumpaan na babalikan niya ang dalaga at hintayin lamang ang kanyang pagbabalik. Kaya roon na mismo umikot ang lahat ng mga pangyayari sa kabanatang ito.

Tunay na napaisip ako sa naging pamagat ng ikalimang kabanata na “Ang Alamat ng Mirasol”. Kung kaya’t inalam ko mismo kung bakit ganoon ang naging pamagat nito. Ayon sa alamat, lalaki ang bulaklak na mirasol: isang lalaking namatay sa araw-araw na pagtitig sa binatang hinihintay niyang pagdungawan ang dalagang binawi ang pangakong hinding-hindi magmamaliw ang pag-ibig para sa kanya. Nang mamatay ang binata sa kahihintay, tumubo ang kauna-unahang mirasol sa kinagawian niyang hintayan sa hardin ng dalaga. Naging makabuluhan itong bahagi ng aking pagbabasa dahil nagkaroon ako ng bagong ideya tungkol sa pag-ibig. Nakita rin sa kabanatang ito na ang nagsasalita ay may lihim na pagtingin kay Selya at hanggang sa pagtatapat nina Selya at Bino, siya ay nanatiling naroroon na sinusuportahan ang kanyang minamahal.

Sa kabuuan, wala ng mas titindi at mas makapangyarihan pa sa pag-ibig. Lahat ay kayang magawa, masugpo at malampasan kahit ano pa man ang humahadlang sa kanilang pagmamahalan. Kaya tunay na napabilib at nabighani ako sa pagkakasulat ng dalawang kabanatang ito dahil nagsilbi itong pagmulat sa akin upang magkaroon ng magandang pananaw tungkol sa pag-ibig para sa sarili. Sana ay mas naging makabuluhan at kapana-panabik ang mga susunod pang mga kabanata ng nobela.


by: Jerome Uy Chua

Saturday, July 25, 2009

Ibang Klaseng Buhay

Maaaring dahil nakatira ako sa lungsod o dahil nakatira ako sa ika-21 siglo ngunit bihira akong makarinig ng mga kuwentong "kakaiba." Ang bukambibig ng mga tao ngayon ay parati kung ano ang pinakapopular na bidyo sa YouTube o TV. Ang pinag-aabalahan ng aking mga kaibigan ay hindi mga pamahiin o mga kuwento-kuwento kundi ang kanilang mga Facebook at mga blog. Pati mga buhay sa loob ng bahay mismo, ako pati ang aking mga kaibigan ay may mga pare-parehong kuwento lamang. Oo, minsan nagkawatak-watak na ang pamilya, ngunit kumportable pa rin ang buhay. Mahirap maging "kakaiba" ngayon.

Sa ika-tatlong kabanata ng aklat, nakikita roon ang pagkabuhay ng isang tauhan ay hindi dahil sa suwerte lamang. Huminto ang pag-akyat ng lahar dahil alam niya ang kuwento ng Ibalong. Sa kabanata, inilahad ang kuwento ng Ibalong at ito'y pinasa-pasa sa pari at sa ibang tao. Pagkarating sa iba, maaaring naiba ito nang kaunti o kaya nama'y ibang bahagi ay nalimutan.

Ako at lahat tayo ay may mga kuwento. Kahit na nakatira ako sa Maynila, sa subdibisyon at napalilibutan ng Internet, TV at makabagong teknolohiya, sa ilalim ng lahat ng ito, mayroon din akong kuwento. Ang lahat ng taong aking nakausap, sa totoong buhay man o sa YM ay nag-iiwan ng marka. Minsan, ito'y napakasaya at kailangan kong sabihin sa kaibigan para siya rin ay makisalo sa aking pagkagalak. Sa ibang panahon nama'y puno ako ng pighati o galit at nagkukuwento ako para maalis ang bigat sa dibdib. Kahit papaano, mahalaga ang kuwento nating lahat. Kahit ibahin man ang ibang mga detalye o marahil ay kalimutan ng tao't panahon, ito'y nakaaapekto talaga.

Suwerte ako dahil hindi ma-donya ang aking nanay. Noong bata pa ako, kinukupkop at inaalagaang mabuti ako ng aking nanay (at tatay siyempre!). Sa panahon ng sakit, sa pagbibigay edukasyon, sa pagtuturo ng tamang asal at napakarami pang iba, nariyan si nanay at tatay. Hindi ko maatim isipin kung gaano kahirap ang kabataan ni Nene. Oo, tinutulungan siya ni Bino at ni Agatha, ngunit nariyan si Selya... Halos walang pakialam.

Ngunit pagkatapos ng balewalang pag-aaruga ni Selya, natuto pa rin si Nene. Napagpakinabangan siya sa hacienda dahil alam niya ang mga prutas at alam niya kung kailan handa ang mga itong kunin. Sa huli, aking masasabi na naging mabuti namang bata si Nene. Siya'y nakakuha ng prutas (sa Ingles ay, "Fruits of labor") at naging mabuti namang anak.

Ako rin ay nagpapasalamat sa aking magulang. Kung wala sila, marahil hindi ko matatamasa ang prutas ng buhay.

-Armando T. Miclat III

Mga Kuwento at mga Pamahiin

Mga kuwento at mga pamahiin, dito umiinog ang ikatlo at ikaapat na kabanata ng librong sa Sandali ng mga Mata. Mas nakatuon ang mga kabanatang ito sa kuwento ng Ibalong at sa paglaki ni Nene sa mundo ng mga pamahiin. Ito para sa akin ang ikinahina ng akda. Unti-unti na akong nalabuan ukol sa tunay na kuwento ng akda. Tila kasi ay unti-unting nalilihis na ang kuwento ni Boboy papunta sa Ibalong. Hindi ko alam kung anong halaga ng Ibalong sa kuwento. Baka ito naman ay may halaga sa dulo ng akda o kaya nama’y magiging malinaw na lamang ang bahaging ito kapag natapos ko nang basahin ang buong akda ngunit ngayon ay sadyang nalilito pa rin ako kung bakit isinali ito sa akda. Ngunit hindi naman puro kritisismo ang ipupukol ko sa akda, may mga nagustuhan din naman ako sa dalawang kabanata. Isa rito ay ang pagbibigay ng mga halimbawa ng mga pamahiin. Mula sa simula ng akda tadtad na ng pamahiin ang bawat pahina. Kasama na rito ay ang matinding paniniwala sa mga multo at mga aswang. Naaliw rin naman ako sa ibang mga pamahiin tulad ng pagdarasal ng mga butiki at ang pagtatakbo ng mga magulang dala-dala ang kanilang mga bagong binyag na mga anak palabas ng simbahan. Isa pa ay ang paggamit ng pagtingin sa nakaraan o ang flashback sa akda. Mula nang magsimula ang akda, ang bawat kabanata ay naglalaman ng mga flashback. Magandang instrumento rin ito para mas lalong maintindihan ng mga mambabasa ang akda.

Ang hatol: hindi ko man lubusan pang naiintidihan kung saan papunta ang akda, naging sulit pa rin ang pagbabasa ng akdang ito dahil maraming natututunan ang mga mambabasa ukol sa mga pamahiin at mga kuwento tulad ng Ibalong.


Miguel Enrico Paala

Chapter 3 & 4

Sa ikatlong kabanata ng nobelang ito, ayaw na ni Boboy makarinig ng kwento tungkol sa kanyang pamilya kaya nagkwento si Esteban tungkol sa 3 bayani na sina Baltog, Handiong at Bantong. Hindi ko masyadong naunawaan ang kwento niya pero ang alam ko ay tungkol ito sa kabayanihan.

Nang mabasa ko ang ikaapat na kabanata, nakaramdam ako ng pagpapasalamat dahil ako ay hindi pinabayaan ng aking nanay di tulad ni Selya. Si Selya ay makasarili at iresponsable bilang isang ina. Sa una pa lamang noong nagdadalang-tao si Selya ay ipinakita na niya na ayaw niyang magkaroon ng anak. Dahil sa kanyang pagkulang ng kakayahan magpalaki ng anak, ang ama ni Nene na si Bino ang nagpalaki kay Nene. Si Bino ang naging ina rin ni Nene. Maliban sa pagtatrabaho niya sa hacienda, inalagaan at dinisiplina niya si Nene. Tinuruan niya si Nene na bigyan ng halaga ang pagkain sa hapag at maging magalang sa mga lugar na bihirang puntahan. Noong bata pa lamang ako, ito rin ang sinasabi sa akin ng aking mga magulang. Lagi nilang sinasabi na dapat ubusin ang pagkain sa hapag-kainan dahil maraming tao ang nagugutom. Sabi nila na masasayang lamang ang pagkaing matitira dahil itatapon lamang ito kaya mas mabuti pang ubusin na lang ang pagkain. Tinuruan din si Nene tumayo sa sarili niyang paa noong siya ay bata pa lamang. Tulad din ni Nene, bata pa lamang ako ay tinuruan na ako ng aking mga magulang na maging independent. Talagang kahanga-hanga si Bino sa kanyang pagganap bilang ama at ina ni Nene.

Sa umpisa pa lamang ng nobelang ito, si Nene ay kahanga-hanga rin dahil matagumpay siya sa kanyang negosyo. Sa ikaapat na kabanata, nakakahanga pa rin siya dahil siya ay 'independent'. Marami siyang natutunan tungkol sa buhay mula sa mga prutas lamang. Nang nabasa ko ito, hindi ko naisip na may malalim pa lang kahulugan ang mga prutas. Sa kaimito, natutunan ni Nene ang halaga ng tiyaga at paghihintay. Natutunan din niya na alamin ang makakabuti sa kanya at iwaksi ang masasama. Sa santol at bayabas, natutunan naman niya na pahalagahan niya ang pagbibigay ng pagkakataon sa buhay. Nang binasa ko itong bahagi na ito, hindi ko talagang naisipan na may mas malalim na kahulugan ang maidudulot sa mga prutas. Dahil kay Nene, may natutunan din ako tungkol sa buhay.

- Jouela Tomas

Friday, July 24, 2009

Kabanata 3 & 4

Kapag malungkot ang isang tao, madalas, nililipat niya ang atensyon sa iba. Kagaya ni Boboy, ayaw natin ng mga bagay na makapagpapaalala sa atin ng mga masasalimuot na karanasan. Idinila siya ni Esteban sa bukid kung saan mapayapa. Kagaya ng pagmumuni-muni sa ating mga kuwarto para tumakas sa kaguluhan sa labas. Sa bukid, maririnig ang tunog ng kalikasan na nakapagpapakalma sa atin. Kagaya ito ng pakikinig natin sa ating mga paboritong kanta para gumaan an gating loob. Paminsan nama’y dinadaan na lamang natin ito sa tulog. Gusto nating samantalang lumayo sa mga tao gaya ng pakikiusap ni Esteban na lumabas muna ang mga kaluluwa.
Hindi gaya sa nakaraang kabanata na puro panggagaya lang ang ginagawa ng mga tao, dito, nagsisulputan ang mga imbentor ang kanilang mga imbensyon. Nagkaroon din ng mga batas. Makikita natin na may progreso. “Matutuwa siguro si Kadungug na isinusulat ko na sa papel ang kuwento ng Ibalong, para hindi na ito mabago ng isang Fray Bernardino. “ Makikita nating mula sa tradisyong oral, sinusulat na ngayon ang mga naratibo. Mabuti na rin ito dahil naiiwasan ang pagdagdag at bawas sa kuwento. Nalalampas na rin ang limitasyon sa panahon at espasyo.
Ikinuwento ni Esteban kay Boboy ang isang alamat. Sa alamat na ito nakilala natin ang komunidad noong mga panahon nila—ang kanilang kasaysayan, mga batas, tradisyon at ang mga characteristic na kanilang pinahahalagahan.
Muli namang ipinakita sa pang-apat na kabanata ang paniniwala sa pamahiin. Pinalaki ni Bino si Nene gamit ang mga pamahiin—bawal maglinis at magputol ng kuko sa gabi at iba pa. Madalas, gumagawa ng mga kwento ang mga magulang upang takutin ang kanilang mga anak para sumunod ang mga ito; gaya na lamang ng pananakot ni Bino kay Nene na ililipad siya ng mga kuto.
Saludo ako kay Bino dahil ang karaniwang nag-aalaga ng anak ay ang nanay. Pero sa sitwasyong ito, ang nanay ay nagpapaganda lamang. Wala siyang pakialam sa kanyang anak.Ngunit, nagtataka lang ako kung bakit nasira ang relasyon nina Selya at Bino. Sabi nila ang pagkakaroon ng anak ay makagpapalapit sa mag-asawa pero salungat ang epekto sa kanila. Siguro ay may kinalaman ang lihim na alam nila sa isa’t isa. Hindi ako sigurado.

-M. Florendo

Wednesday, July 22, 2009

Kay Lalim Ngunit Nakakaantig Damdamin

Isang magandang araw muli sa inyong lahat na mambabasa ng mga blogs dito. Sa pagpapatuloy ng aking pagbabasa sa aklat na pinamagatang “Ang Sandali ng mga Mata”, kami ay naatasang basahin ang ikatlo at ikaapat na kabanata para sa linggong ito.

Nasabi ko noong unang blog ko na mas kawili-wili sanang basahin ang mga susunod pang mga kabanata. Sa pagbabasa ko ngayon, mas nagamit ang aking imahinasyon at pag-uunawa upang maintindihan nang lubusan ang kwento. Dahil sa malalalim at mahihirap na salita, hindi naging tuluy-tuloy ang aking pagbabasa kung kaya’t naging medyo malabo ang ibang mga pangyayari sa dalawang kabatang iyon.

Para sa ikatlong kabanata ng nobela, ito lamang ay pagpapatuloy ng kanilang pagsasama ni Bobby sa gubat. Nagsimula ito sa paghiling ni Boboy ng kwento ngunit nahirapan mag-isip ng kwento dahil ayaw niyang mapaalala kay Boboy ang lahat ng tungkol sa pag-ibig, pagmamahal, pagkabigo at paghihiwalay. Napag-usapan din nila rito ang tungkol sa lugar ng Bicol. Lalo na ang makasaysayang pangyayari hindi maaaring makalimutan ng mga Bicolano. Noong sumabog nang malakas ang bulkang Mayon na kumitil ang sa maraming buhay at ari-arian. Ipinakita rin dito ang mga itinuturing na bayani ng Bicolandia na masasabing nagkataon lamang na naging mga bayani sa lugar. Kung kaya’t lahat ng mga tagpo rito ay nakabase lamang sa pagsasalaysay.

Samantala sa ikaapat na kabanata, naantig ang damdamin ko tungkol sa pamilya ni Severino. Napakaganda ng naging pagsisimula ng kabanata dahil ito ay sinimulan sa pagsasabi ng “May lihim ang mga tao na ayaw na nilang ungkatin kahit laging naaalala. Pilitin man nilang limutin, bumabalik at bumabalik pa rin sa kanilang gunita. Kaya kailangang ingatan bilang pinakatagu-tagong lihim.”. Si Nene ang mahiwagang lihim ng dalawa. Ito ay ang batang ipinagbubuntis ni Selya. Makikita na sa simula pa lamang ay dumating na ang sinasabi nilang “aswang” na nasa kanilang bubong. Dahil doon, agarang ipinabinyag si Nene dahil parang malapit siya sa masasamang elemento. Pero ayon sa kwento, si Nene ay hindi inaalagaan ni Selya kailanman. Kung kaya’t napilitan si Bino na mag-alaga sa batang babae. Ang lahat ng dapat na tungkulin ni Selya ay ginagampanan ni Bino. Pero kahit na ganoon, wala pa ring pakialam si Selya. Bilang isang don sa hacienda, kailangan ding gampanan ni Bino ang pagiging may-ari ng hacienda. Kaya kumuha siya ng mag-aalaga kay Nene at iyon ay isang Agta na nagngangalang Agatha, na inirekomenda ng ninong ni Nene na si Lope. Habang pinamamahalaan ni Bino ang hacienda, si Agatha naman ang nag-aalaga kay Nene. Kung kaya’t inakala ng marami na pinalitan na si Selya ni Agatha sa puso ni Bino. Pero dahil sa pagnanais ni Selya magamalaki na kaya rin niyang kumita, ginaya niya ang Bombay ngunit pag dating sa huli, siya rin ay nabigo. Si Nene naman, ay lumaki sa ilalim ng pangangalaga at pangaral ng kanyang ama. Dahil dito, silang dalawa ang laging magkasama at magkasangga sa lahat ng kanilang gagawin.

Kung mapapansin, mas mahaba ang naisulat ko para sa ikaapat na kabanata kaysa sa ikatlong kabanata sapagkat mas nagkaroon ako ng interes sa pag-uunawa tungkol dito. Nabigyan ng mga kakaibang pamagat ang dalawang kabanata na ito. Para sa ikatlong kabanata ay “Sa Ilog, mga Lilang Tangkay”, dahil dito niya natagpuan si Boboy na inakalang nawala at nagsimula ang pagsasalaysay kay Boboy tungkol sa Bicol. Habang sa ikaapat na kabanata na pinamagatang “Sa Pagdagsa ng mga Prutas”, ito ang pamagat sa kadahilanang ito ang pinakamasayang gawain para kay Nene kapag anihan, hindi dahil sa pagnanais na makain ito, kung hindi dahil nais niyang makuha at ibigay sa ama ang mga bunga ng mga ito.

Sa kabuuan, may dalawang kwento ang nasabi sa dalawang kabanata. Dahil dito, nais ko tuloy mas mabasa at maunawaan ang mga susunod pang kabanata upang malaman kung ano ang mga dahilan para mabanggit ang mga kwentong ito. Hanggang dito na lamang ang aking pagsusulat, salamat sa pagbabasa at sana abangan pa ang mga susunod pang kabanata.
by: Jerome Uy Chua

Saturday, July 18, 2009

Magandang Simula

Isang magandang araw sa inyong lahat na makakabasa ng aking sasabihin para sa ngayon. Noong naatasan tayo noong nakaraang linggo na magbasa ng libro, ninais ko nang basahin ang nobela. Ngunit dahil sa kakapusan ng oras, kung kaya’t nabasa ko lamang ito noong Lunes hanggang Miyerkules habang nakasakay sa LRT 2 patungong Katipunan Station mula sa Recto. Dahil umaabot ang biyahe ng mahigit 30 minuto, kaya umabot ako ng mahigit isa’t kalahating oras para mabasa ang unang dalawang kabanata.

Bago ko binasa ang librong “Ang Sandali ng mga Mata”, napatingin ako sa harapan ng aklat sapagkat nakakaintriga ang larawang hugis mata. Dahil kung mapapansin, hindi ito simpleng mata lamang. Kung hindi, ito’y isang hugis-mata ngunit maraming kakaibang istruktura sa loob nito. Ako lamang ay may kaunting pagtataka kung bakit mayroong ganitong uri ng larawan sa harapan ng libro. Ito ang isang dahilan kung bakit mas ginanahan akong magbasa ng nasabing nobela.

Sa simula pa lamang ng aking pagbabasa, ako ay nagulantang na sa pangyayaring pagkakamatay ni Estela sa pamamagitan ng pagbitay sa sarili. Naramdaman ko ang kilabot at takot sa bahaging iyon ng kabanata kaya hindi ko napigilang ituloy ang aking binabasa. Makikita ring hindi matanggap ng ina ang nagawa ng anak na labis niyang ikinalungkot at ikinabahala. Habang nagsasalita ang tauhan sa kwento, mapapansin mong sinasabi niyang may nalalaman daw siyang hindi pa alam ng kahit sinuman. Kagaya ng pagkamatay ni Estela, ito’y alam na niyang magaganap sa pagkakataong iyon. Kung kaya’t nakakabighani ang uri ng kanyang pagsasalaysay, sapagkat kapag hindi mo mabibigyang-imahe ang nasabing tagpo, mahihirapan kang maunawaan ang tunay na pangyayari.

Naging malikhain ang may-akda sa pagsusulat ng nobela dahil napakaraming kakaibang eksenang hindi mo maiisip na sulatin para sa isang kwento. Gumamit rin siya ng hindi kapani-paniwalang mga pangyayari tulad ng pakikipag-usap sa mga pumanaw na. Masasabi ko ring hindi pangkaraniwan na taga-lungsod ang nagsulat sapagkat marami siyang inilabas na mga salita sa probinsya tulad ng mga gubat, pagsapi, arbularyo at iba pa. Isa ring panatiko ni Rizal ang nagsusulat dahil naisipan pa niyang gamitin ang kandila bilang ilaw sa kanyang pagsusulat. Sa kabuuan, mabibigyang katangian ang may-akda na isang makalumang ngunit malikhaing manunulat.

Ang tagpuan ay isang mahalagang elemento sa kahit anumang uri ng panitikan. Agad nating masasabing sa isang probinsya at noong panahon pa ang naganap na kwento. Ang dahilan para rito ay ang mga eksena ay naganap noong mga Panahon ng mga Kastila hanggang sa EDSA Revolution. Makikitang hindi lamang ito nangyari sa isang ganap na panahaon, kung hindi patuloy na naglalakbay ang kwento.

Maraming maidudulot na kabutihan itong nobelang “Ang Sandali ng mga Mata” dahil ngayon sa pagsisimula pa lamang ng aking pagbabasa, napakaraming mga bagay akong natututunan at nalalaman. Kasama rito ang mga aspeto tulad ng kasaysayan, agham, ekonomiks at tungkol sa pamumuhay ng mga pangkaraniwang tao. Dahil dito, inaasahan ko pang mas magiging epektibo at kakaibang pagsasalaysay ng kwento ang ihahatid sa mga susunod pang mga kabanata.

by Jerome U. Chua

Friday, July 17, 2009

Ang Sandali ng mga Mata: Kabanata 1 - 2

Ang Sandali ng mga Mata
Alvin B. Yapan

(Ang Libing ng Isang Saging
Nagsimula sa Panahon ng Yelo)

Kapansin-pansin na ang kwento ay nangyari sa probinsya; sa kadahilanang naniniwala ang mga tauhan sa mga pamahiin, kaluluwa at mga aswang. May mga gubat ding binabanggit at humihingi sila ng tulong sa albularyo para magpagamot imbes na tumakbo sa mga doktor.
Sa kasalungat, hindi ako naniniwala sa mga kaluluwa’t aswang. Subalit, paminsan ay nawiwili akong makinig sa mga kwento tungkol dito.

Isa siguro sa mga dahilan kung bakit tinawag na Ang Sandali ng mga Mata ang libro ay dahil may abilidad si Esteban, ang tagapagsalita at isang albularyo, ng mga kaluluwa at ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ng mga ibang tao. Hindi lang niya nakikita ang mga ito, kundi ay nakakausap niya pa. Nakikita niya rin ang kahulugan ng mga makabuluhang bagay (gaya noong nakita niyang walang ulo si Estela. Alam niyang may mas malalim pa itong ibig sabihin—kamatayan.)

Kahit sa kuwento, makikita nating mas pinapaboran ng mga Pinoy ang mga produktong gawa sa Amerika o galing sa ibang bansa. Bigyang tuon si Selya. Kahit na sira-sira na ang abanikong pamaypay, iyon pa rin ang parating gamit sa pag-aakalang ito’y galing pa ng Amerika. Kahit noon pa man mapapansin ding pinangarap na ng mga Pilipino ang mag-abroad; partikular na dito ang Amerika. Iniisip nilang mas gaganda ang buhay nila at magiging masaya sila. Naging sanhi pa ito ng away nina Selya at ng kanyang anak na si Nene dahil pareho nilang gustong makapangasawa ng Amerikano (Mr. Edwards).

Sa ikalawang kabanata, ipinapakita na rito ang kompetisyon sa negosyo. Kung pag-aaralan ang ekonomiya, talaga namang makabubuti ang kompetisyon sa negosyo. Mapipilitang mag-isip ang may-ari ng mas magandang taktika para makaakit ng mga mambibili at gumawa ng kakaibang produkto. Ito ang ginawa ni Nene. Ang pangit nga lang ay ginagaya lamang siya ng kanyang mga kapitbahay. Sa sitwasyong ito, makikitang tunay ngang magagaling na mga pirata ang mga Pilipino. Kaya nilang manggaya. Higit pa rito ay talunin ang orihinal. Sayang. Hindi naman talaga nating kailangang manggaya. Kung kaya nating mga Pilipino ang talunin ang orihinal sa panggagaya lamang, siguro naman mas kaya nating makapagbuo ng bago at orihinal na konsepto at palaguin ito.

“Mas nanaiisin ko pang magsimula sa isang pagkamatay, isang pagkakataon upang muling maisilang ang napakaraming maaaring maging buhay. Kaya nagsimula ako kay Estela.” Hindi lahat ng kamatayan, katapusan. Sa kabaliktaran, nagbibigay pa nga ng panibagong buhay ang ito.

-Melody Florendo

Chapters 1-2

Sa aking pagbasa ng nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”, naakit ako sa tauhan ng albularyo dahil hindi pa ako nakabasa ng libro na nagkukuwento tungkol sa paningin at isipan ng isang albularyo. Nagawang kakaiba at nakakaaliw ni Yapan ang nobelang ito nang nabanggit niya ang kwento ng albularyo tungkol sa kanyang nakita at naramdaman bago nagpakamatay si Estela. Nakakaintriga ang tauhan ng albularyo dahil hindi ko namalayan kung ano ang kanilang nakikita.

Isang bahagi ng nobela na nakakuha ng aking atensyon ay ang pagbigti ni Estela. Makikita sa nobelang ito ang mga kasalukuyang isyu na hinaharap ng kabataan tulad ng pagpapakamatay at pagbubuntis ng kababaihan. Sa aking opinyon, ang pagbubuwis ng sariling buhay ay hindi kanais-nais kahit maging ano man ang dahilan. Nakakahinayang isipin na sa kasalukuyang panahon, ginagawang solusyon ng mga tao ang pagbibigti para sa kanilang mga problema.

Ikinuwento naman sa pangalawang kabanata ang buhay ni Nene. Nakakahanga ang kaniyang buhay dahil kahit ilang beses siyang nakaranas ng kabiguan sa negosyo ay nagsisipag pa rin siya para maging matagumpay ang kanyang mga negosyo. Ngunit, dumating na rin sa punto na ang kilalang Nene na pasimuno sa mga negosyo ay natuto na ring manggaya.

-Jouela Tomas

Nang Tayo'y Mamulat

Iba’t ibang mga tao, iba’t ibang mga pares ng mga mata. Ang unang dalawang kabanata ng Ang Sandali ng mga Mata ay isang kwento ng iba’t ibang pananaw, ng iba’t ibang paraan at pagtingin sa buhay. Ipinapakita ng akda na ang bawat tao ay may natatanging nakikita sa kanilang mga mata. Si, Teban ang pinakamalinaw na patunay nito. Nakakakita siya ng mga multo, mga kaluluwang ligaw at mga maligno. Kaiba sa kaniyang mga taga-baryo naaaninag niya ang kabilang-mundo, ang mundong kinabibilangan ng mga namatay na. At hindi lamang niya sila naaaninag, nabubuhay rin siya kasama ang mga ito. Ang kakayahan niyang makakita ng mga multo ang nagbubukas na rin sa kanyang pananaw ukol sa buhay. Mas naiintindihan niya ang mga nagaganap sa kaniyang paligid sapagkat may mas malawak siyang pagtingin, sa mababaw na antas, ang kakayahang mabilang sa kabilang mundo. Sa mas malalim na antas, ang kakahayan niyang ito ang nagpapalalim ng kaniyang pang-unawa sa mga bagay na nangyayari sa paligid niya, isa na rin dito ay ang dahilan ng pagpapakamatay ni Estela at paghimbing ni Boboy. Sa kabilang banda, ang mga taga-baryo naman ay may ibang pagtingin din sa mga bagay. Ang isa na nga rito ay ang limitadong pagtingin lalo na sa mga bagay na hindi kabilang sa mundo ng tao. Patunay na lang dito ay ang paglalamay nila sa inaakala nilang bangkay ni Estela na sa katotohanan, ay isang puno ng saging lamang. May mga iba’t ibang pagtingin pa ang makikita natin sa akda. Ang isa rito ay ang pang-unawa ni Estela ukol sa buhay at pagmamahal. Nakita niya ang buhay bilang isang pasanin, na ang buhay ay puno lamang ng problema kaya naman ito ang nag-udyok sa kaniya na kitlin ang sariling buhay. Makikita rin natin ang mababaw na pagtingin ni Selya ukol sa buhay. Para sa kaniya, ang buhay ay dapat nakatuon lamang sa pagkamal ng kayamanan.

Sa unang dalawang kabanata, ipinakikita lamang sa atin ni Alvin Yapan na dapat nating tantuin na ang bawat tao ay may kanya-kanyang mga pananaw at punto-de-bista. Bunga lamang ito ng ating kanya-kanyang mga karanasan, ng ating mga kulturang pinanggaling, ng sandaling mamulat ang ating mga mata.


-Miguel Enrico C. Paala III

Thursday, July 16, 2009

Unang Mga Ideya

Lahat tayo ay may kuwento. Marahil din, lahat tayo ay nakakita na ng mga nakakikilabot na bagay na sana ay malimutan na lamang natin. Ngunit sa aking palagay, paminsan-minsan, masyado nating mabilis daanan ang mga detalye sa ating buhay. Ang mga butil-butil ng mga mumunti ngunit mayayamang detalye ng ating pang-araw-araw na buhay ay hindi na natin maikuwento dahil sa simpleng salita, nalimutan na natin.

Ako ay hindi naniniwala sa mga multo, sa mga kapre, sa mga manananggal pati na rin sa mga duwende, halimaw o anupamang nilalang na sa palagay ko lamang ay haka-haka. Ngunit tulad ng ipineresenta ng Ang Sandali ng Mga Mata sa una at ikalawang kabanata, inisip ko kung may mas malalim bang dahilan kung bakit namamatay ang mga tao. Hindi lamang iyon, bakit magpapakamatay ang mga tao? Sa madaling salita, aking natanong sa aking sarili, "Bakit nangyayari ang isang ispesipikong detalye sa isang tao? May tumutulak o puwesa ba?"

Ang pag-ibig ay isang makapangyarihang puwersa. Ngunit sa pag-ibig ba lamang nakasalalay ang mga aksyon ng isang tao? Hindi ko iyon masagot nang buong katiyakan dahil hindi pa yata ako nakararanas ng pag-ibig tulad ni Estela kay Boboy. Nakabibigat ng dibdib at nagbibigay kalungkutan sa akin nang isipin kung may bagay na nag-uudyok sa atin na magpakamatay. Muli, "Bakit nangyayari," ang napapako sa isipan ko. Baka nga sa nilalang na iyon...

Si Boboy naman. Bakit siya nahimbing nang napakatagal na oras? Dahil ba sa pagpapatiwakal ni Estela? Dahil ba sa pag-aalis ng kanyang inang si Nene? Dahil ba kay Selya? Muli, maraming "baka" ang aking naiisip. Sa panaginip ni Boboy, may mga malalalim na detalyeng biglang nagsulputan. Marahil, maraming nakita at nadama si Boboy. Nang aking binasa iyon, naisip ko kung ano ang aking mararamdaman kung ganoong lebel ng panaginip ang aking naranas. (Marami na rin naman akong nakita at nadama.)

Pagpapatiwakal dahil sa pag-ibig na may tulong sa nilalang pati panaginip na napakalalim at napakahiawaga. Mababalik ito sa una kong sinabi, "Lahat tayo ay may kuwento." May kuwento ang lahat ng mga tao, hindi lamang si Estela at Boboy. Maaari nating kalasin ang ating sari-sariling kuwento upang bigyang-katuturan ang mga ginagawa natin. "Lahat tayo ay nakakita ng mga nakakikilabot na bagay...." Anuman ang masama, malaswa, kadiri o maling pangyayaring nakasalamuha natin, lahat ng ito ay importanteng detalye ng lahat ng ating mga kuwento.

Kaya ako'y mag-iingat. Marami na rin akong nakitang mga "nakakikilabot" na bagay. Balang araw, itong mga munting butil ay babalik sa akin... At baka hindi lamang ang sariling pag-iisip ko ang magtutulak sa maaaring gawin ko.

-Armando T. Miclat III