BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, September 6, 2009

Pagtatanda

Isa sa aking pinakanakikitang ironiya ang pagtatanda. Noong bata ako, kay dami kong beses naaalalang sabihin hindi lamang sa sarili kundi kahit sa aking nanay at tatay, kapatid at kaibigan, "Ano ba 'yan? Gusto ko na talagang magtrabaho! Gusto ko nang magkapera!" Kasi naman, parang ang hirap mag-aral kapag bata pa. Parang mas madaling isiping magtrabaho - umupo sa likod ng la mesa, magbilang ng pera, magsulat-sulat nang kaunti, magsalita-salita... Iyun! May salapi pang kasama! Ang pag-aaral naman, aral nang aral, proyekto nang proyekto at sunog nang sunog ng kilay, wala namang benepisyong mahahaplos sa kamay!

Noong bata ako, gusto ko maging piloto. Ang saya talagang isiping lumilipad sa himpapawid, sa asul sa walang hanggan kasama ng ibong matayog ang lipad. Ako'y payapa, mag-isa at makapangyarihan! Kaya kong pumunta sa labas ng Maynila papunta sa Los Angeles o kaya sa New York o kaya sa London... Kapag ako'y piloto, lilipad ako at ang aking pupuntahan ay magaganda at makikinang na lugar! Sa kasawiang-palad, nagkaroon ako ng salamin at gumuho ang panaginip kong maging piloto. Ang pagiging payapa, mag-isa at makapangyarihan ay biglang naglaho at pinagtuloy ko ang pag-aaral nang walang direksyon at walang panaginip.

Ito'y hanggang sinama ako ng tatay ko sa kanyang opisina. Isang bise-presidente para sa pagbebenta at marketing ang tatay ko noon. Napakataas ng kanyang gusaling pinapasukan. Noong bata ako, mga isang-daang bahay kong pinagpatong-patong ang taas ng kanyang opisina! Nang dalhin niya ako sa kanyang opisina, dahil bata pa ako at simple pa naman ang mga kagustuhan, iba ang aking unang napansin. Hindi ko napansin ang sahig na carpet, ang sopang yari sa leather na itim, ang laptop computer at ang mamahaling dekorasyon. Napansin kong nakatayo ang aking tatay sa tabi ng bintana, nakangiti. Pinalapit niya ako sa bintana at pinakita ang mga tuktok ng mga gusali at tila ahas na korte ng daan. Laking saya ko nang bumalik sa akin ang aking panaginip. Ako'y nasa taas ng lahat, payapa ang mundo, at dahil dito, makapangyarihan ako!

Kaya ko gusto maging negosyante. Hindi parang ibang bata, ni hindi ko man naisipang maging doktor, abogado, astronaut, guro o iba pa. Gusto ko maging tanyag ngunit masayang miyembro ng kompanya. Gusto ko ng isang opisina sa mataas na lebel upang makita ang mga tuktok ng ibang gusali at pansinin ang buong mundong parang gumagalaw sa ilalim ng aking puwersa. Masayang isipin ngunit mahirap gawin. Sinabi sa akin ng aking nanay at tatay na mag-aral ako nang mabuti. Sa pag-aaral nang mabuti, hindi nagiging madali ang buhay. May pait, may hirap at may sakit galing sa sakripisyo at lubos na pagbubuhos. Mula mababang paaralan, hindi ko gusto ang nagkakaroon ng B. Ayoko ng 8* anuman sa talaan. Parang mas mabilis akong tumanda paglipas ng mababa at mataas na paaralan.

Ngayong nasa ME ako, parang nasa huling bahagi na ako ng masasabing "kabataan." Ito ang huling pagsusulit at pagsasanay bago pumunta sa trabaho at sa totoong buhay. Aasahan kong mas mahirap, mas mapait at mas hindi patas ang buhay sa labas ng Ateneo de Manila. Kaya ako naghihirap sa Matematika, kumakayod sa Ingles, nagbubuhos sa Agham at nagbibigay ng aking sandaang porsyento sa lahat. Pero ngayong tumanda na nga ako, gusto kong bumalik sa kabataan. Nais kong maglaro sa umaga, sa hapon at sa gabi kasama ng mga kaklase. Habulan, habulan at teks, iyon lang naman ang kaligayahan ng kabataan! (Hindi parang ngayon, kailangan ng inuman, kompyuter, Rockband at iba pa para sumaya!) NAPAKADALI ng gawain noon. Kaunting "fill-in-the-blanks" dito at kaunting basa riyan at, hayan! Tapos na ang usapan! Maaari nang magbasa dahil tapos na ang gawaing bahay! Ngayon, hindi na maaaring sundin ito! Mas matagal gawin ang trabaho at kahit natapos na, kailangang mag-aral nang susunod na leksyon! Mas kumplikado, mas mahirap!

Hindi na maaaring balikan ang nakaraan. Kung sanang puwedeng tahakin muli ang ginawang kasiyahan at kadalian ng kabataan, naku! Kay bilis kong pupuntahan iyon muli! Ngunit hindi parang si Bino na magdamag na lamang nakaupo sa kanyang tumba-tumba at naghihintay ng agua de Mayo, mayroon akong buhay na kailangang gampanan at kinabukasang panaginipan. Kailangan ng hirap, kailangan ng tiis at sakripisyo upang makamit ang nais ng puso, ang panaginip ng dunong. Ito'y para guminhawa at sumaya ang bukas. Para sa akin, gusto ko ng bukas kung saan mapayapa at matiwasay ang buhay - buhay na may katuturan at buhay na may dahilan.

-Armando T. Miclat III

0 comments: