BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, August 30, 2009

Dasal-Dasal at Tradisyon

Sa kabanatang "Ang Himala ng Birhen," napansin ko ang malalim na pagsamba at pagdadasal ng mga Pilipino, lalo na sa probinsya. Hindi ako masyadong makaugnay kay Nene dahil sa panahon ngayon sa siyudad, hindi ko iisiping magpahid ng panyo sa imahen ng Nazareno o kaya lumangoy sa tubig na kinaroroonan ng isang prusisyon ng imahen. Gagawin ko na lang ang ginawa ni Mr. Edwards - kung may sakit ako o ang ibang mahal sa buhay, didiretsuhin ko ang ospital at sasabihin kong pagamutin na agad iyong may sakit.

Ngunit sa aking buhay, alam ko na ang karamdaman ng nawalang imahen sa buhay ng komunidad. Medyo matagal na ang panahong nakalipas dahil nasa mababang paaralan lamang ako noon. Naalala kong mabuti, parang litrato sa aking isipan, ang mga nais magsimba sa Parish of the Lord of Divine Mercy ay hindi pinapapasok sa simbahan. May mga tumataas ang boses, hindi maintindihan ang nangyayari. Ako mismo, naisip ko, "Puwede palang ikansela ang simba parang klase?" Iyon pala, napakababaw ng aking iniisip noon. Malubha ang nangyari sa aming simbahan. Noong nakaraang gabi, may nagnakaw ng imahen ng Divine Mercy kasama ang ostiya sa "monstrance" doon sa adoration chapel. Bilang panahon ng "mourning" o pagbibigay dalamhati (sabi ng pari), hindi maaaring magmisa. Iyon daw ay sabi ng Diocese ng Cubao.

Noong bata pa ako, maaaring sabihing nagdadasal-dasalan lamang ako. Kulang ang aking kaalaman sa mga sakramento, nagsisimba lamang ako dahil kinakailangan at mas binibigyang-pansin ko ang kainan pagkatapos ng misa. Ngunit nang mangyari iyong pagnanakaw, nagulumihanan ako. Ang una kong naisip ay, "Bakit?" Bakit simbahan pa ang nanakawan? Naroon si Hesus, naroon ang mga pari at madreng nagmamahal at simple lamang ang pamumuhay. (Nalaman kong may mahal ang suot ng imahen at totoong ginto ang koronang taglay nito.) Pangalawa, paano na kaming mga nagsisimba? May mga taong talagang nakababa ang mata sa lupa, walang imik. Ang mga madre at pari na hindi makapasok ay lumuhod na lamang sa labas at nagdasal ng rosaryo sa magaspang na sahig. Sa madali't sabi, sira ang tradisyon ng buong komunidad. Ni pari, ni madre, ni relihiyoso ni bata't matanda ay nakasimba.

Akala ko ay masisiyahan ako, ngunit kahit sa murang edad ko noon, hindi. Napuno lamang ako ng pagkukulang, ng paggugulumihanan at ng pagkalungkot. Nagdasal na lamang ako sa silid ko pagkauwi namin. "Jesus, sorry Po." Naalala kong dasal. "May iba Po talagang kailangan ng pera, pero sana pabalikin mo na ang imahen para makasimba na ang ibang tao." Kung parang ang komunidad ang iniisip ko, sinasadya ko lamang iyon dahil bata pa lamang ako at mas gugustuhin kong magsimba talaga ang iba kaysa sa akin! Pagdaan ng isang buwan at kalahati (sa panahong ito, hindi man binuksan ang pintuan ng simbahan at nagsimba na lang ang pamilya namin sa UP) sinabi ng tatay ko sa hapag na binalik na ang imahen. Wala ang korona, wala ang ostiya wala ang kaunting mamahaling bato, ngunit sa looban ko, nagpasalamat ako. Ang tradisyon naming pamilya at komunidad ay maibabalik muli!

Kaya ngayon, masasabi kong kailangan kong magdasal. Hindi man ako magpapahid ng panyo sa imahen o lalangoy sa ilog tulad ni Nene, kailangan ko pa rin ang haplos at tulong ni Hesus. Oo, dadalhin ko ang aking sarili pati ang maysakit sa ospital ngunit pagkarating doon, hahanapin ko ang kapilya (na malamang ay mayroon dahil wala pa akong nakikitang ospital sa Pilipinas na walang kahit prayer area) at taimtim na magdadasal. Hindi ako perpekto at minsan, nakakalimutan kong magpasalamat at humingi ng tulong sa Kanya. Ngunit sa kabanatang ito, bumalik talaga sa isipan ko ang dasal at tradisyon ng pagsimba. Para sa iba, hindi na ito mahalaga at walang-bisa ang mga ito. Ngunit hindi ako kasama sa kanila. Oo, mabilis ang pagbago ng panahon, pag-usbong ng teknolohiya at karunungan pati ang pagdami ng kailangang gawin sa pang-araw-araw na buhay. Pero ang dasal-dasal at tradisyon ng pagsimba ay aking kailangan. Para matulungan hindi lamang ang aking sarili, ngunit mas mahalaga, ang lahat ng ibang mga tao na ipinalibot Niya sa akin.

-Armando T. Miclat III

Mga Katotohan sa Buhay

Ang sumusunod na dalawang kabanata ay hitik sa mga aral na angkop sa tunay na buhay. Marami akong natutunan mula sa dalawang kabanatang ito.

Ang una kong natutunan mula sa kabanatang, “Ang Himala ng Birhen” ay ang kahulugan ng pagiging malaya. Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging malaya. Siguradong natutunan ito ni Nene nang maranasan na niyang mamuhay nang mag-isa, hiwalay sa kaniyang magulang, tanging kasama ay si Boboy. Ayon sa mga naranasan ni Nene, ang pagiging malaya ay pagkakaroon ng kapangyarihan na gawin ang kahit na anong naisin mong gawin. Kaakibat nito ay ang pagkayod para sa iyong mga minamahal, sa kalagayan ni Nene para kay Boboy. Ngunit ang pagkakaroon ng kalayaan ni Nene ay nangangaluhugan ding hindi na siya pwedeng umasa kay Selya, na dapat matuto na siyang tumayo sa kaniyang sariling mga paa lalo na dahil may tinatanim na galit si Selya kay Boboy.

Natutunan ko rin mula sa kabanatang ito ang kapangyarihan ng dasal. Lahat ng mgas deboto sa Birhen ay dumadagsa para mahawakan man lang ito. Bawat taong dumadalaw sa Birhen ay may sari-sariling pakay. Ang pakay ni Nene ay para mapagaling si Boboy at hindi niya mapadala si Boboy sa ospital dahil na rin sa kawalan ng pera. Sa simula mistulang kahit anong gawin ni Nene ay hindi pa rin gumagaling si Boboy, wari’y hindi nadinig ng Diyos ang kaniyang panalangin. Ngunit hindi nawalan ng loob si Nene. Sumuong siya sa ilog, di-alintana ang ulan at ang maruming baha sa pag-asang didinggin ng Birhen ang kaniyang mga dasal. Hindi nga napagaling nang tuwiran ng Birhen si Boboy na parang isang himala ngunit nagkaroon naman ng ibang klaseng himala na hindi inaasahan ni Nene- ang himalang dala ni Mr. Edwards. Si Mr. Edwards na ang nagpagamot kay Boboy sa ospital. Natutunan ko rito na palaging dinidinig ng Diyos ang ating mga dasal. Sinasagot lang Niya tayo sa mga paraang hindi natin inaasahan. Basta magkaroon lang tayo ng paniniwala at pananampalataya, hindi tayo papabayaan ng Maykapal.

Ang huli kong natutunan sa kabanatang ito ay ang katotohanang ipinagbuhul-buhol ang buhay ng mga tao. Bawat tao ay konektado sa iba pang tao. Ang katotohanang ito ay ipinakita sa huling bahagi ng kabanata. Ang pagnanakaw ni Imelda sa Birhen ay nagkaroon ng epekto hindi lamang sa kaniya kundi sa lahat. Isa na rito ay si Nene. Hindi gumaling si Boboy dahil hindi naman pala tunay na istatwa ng Birhen ang kaniyang dinadasalan. Ipinapakita lamang nito na ang landas ng bawat tao at nakabuhol sa landas ng iba. Kahit anong gawin natin ay siguradong makapagbabago ng buhay ng ibang tao.

Isang mahalagang aral naman ang natutunan ko sa kabanatang, “Mga Bahay sa Gitna ng Bagyo.” Maituturing kasing mga kawangis ng tao ang mga bahay sa kabanatang ito at ang bagyo naman ay ang magulong takbo ng buhay. Nang banggitin sa huli ang pagkakaiba ng bahay na bato sa bahay-kubo, ipinakita ni Alvin Yapan ang isang mahalagang bagay, isang katotohan na makikita sa mga tao, ang kaibahan ng pagtingin sa mga bagyo o mga problema. Ang isang bahay na bato ay tumatagal at hindi napapaguho ng mga bagyo ngunit tumatanda at nawawalan ng sigla. Ang bahay-kubo ay nanatiling bata dahil kapag nasisira ay tumatayo muli, bago. Ang isang bahay na bato ay maihahalintulad sa isang taong duwag. Nakatago sa matitigas na bato. Mistulang may baluti. Patuloy niyang nilalabanan ang pagbabago sa takot na magiba at bumangon muli. Sa kaniyang pakikibaka, madali siyang tumatanda, napapagod at nawawalan ng sigla. Sa kabilang banda naman, ang bahay-kubo ay maihahalintulad sa isang taong matapang. Matapang dahil hinaharap niya ang bagyo kahit na siya ang munti lamang. Hinaharap niya ang bagyo kahit batid niyang maari siyang wasakin nito. Matapang siya dahil kahit ilang beses na siyang nagiba, patuloy pa rin siyang bumabangon bilang isang bagong taong natuto na mula sa kaniyang pagkawasak. Nanatili siyang bata dahil maganda ang pagtanaw niya sa problema. Sirain man siya nito ay babangon at babangon siyang muli.

Bilang paglalagom, hitik sa aral ang dalawang kabanatang ito. Tunay ngang matapos basahin ang dalawang kabanatang ito ay mas marami akong natutunan hindi lang tungkol sa kwento kundi pati tungkol sa buhay.


Miguel Enrico C. Paala III

13 & 14

Madalas mapapansin natin sa mga palabas o kahit sa totoong buhay ang nagiging resulta ng isang taong ipinalaki ng isang makasariling ama o ina. Kapag sila ay lumaki na at nagkaroon ng sariling anak, nadadala nila ang ugali ng kanilang magulang noong sila ay ipinalaki. May mga ibang taong nagiging makasarili rin at nagiging isang masamang huwaran sa kanilang anak ngunit may iba naman na nagiging kabaligtaran ng ugali ng kanilang magulang.

Tulad ni Nene, hindi niya ginaya ang paraan ng paglaki ni Selya sa kanya. Siya ay naging mabuting ina kay Boboy at isang magandang huwaran para sa mga ina. Inalagaan niya nang mabuti si Boboy at ipinakita rin ang kanyang pagmamahal sa kanyang anak. Ang kanyang kita ay ginamit lamang niya para sa ikabubuti ni Boboy at hindi para sa kanyang makasariling pangangailangan. Si Nene ay isang halimbawa ng magulang na hindi tumulad sa suwail na panangalaga ng sariling magulang.

Sa ika-labing apat na kabanata, ipinakita ng manunulat ang pinagkaiba ng bahay-kubo sa bahay na bato. Isinasagisag ng bagyong Sining ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay. Sa aking palagay, ang bahay-kubo ay sumasagisag sa mga taong easy-going at laid back lamang kapag hinaharap ang problema samantalang ang bahay na bato naman ay sumasagisag sa mga taong uptight sa paglaban sa mga pagsubok. Kung ako ay papipiliin sa dalawa, mas mabuti kung magkaroon ng kaunti ng dalawang katangian sa pagharap ng mga pagsubok.

- Jouela Tomas

Saturday, August 29, 2009

Kabanata 13-14

Maraming Pilipino ang naniniwala na nakakapaggawa ng himala ang mga santo. Nakikipagsapalaran ang mga deboto—nakikipagsiksikanan at tulakan sa parada. Nagtitiyaga silang pumila para lang masilayan at mahawakan ang santo. Naniniwala kasi silang susuwertehin sila o kaya naman ay gagaling (kung may sakit). Hindi ako naniniwala sa mga ganito ngunit paminsan napapadala ako sa mga superstisyon. Halimbawa na lamang nito ay ang pagkakaroon ng lucky charm o kaya naman ay naniniwala akong minamalas ako sa tuwing may nakikita akong tao--mga tipong ganoon.

May mga tao sa ating buhay na nagsimula bilang ating mga katulong o kaya’y amo. Ngunit, sa tagal ng samahan ay lumalalim ang ating pakikitungo sa kanila at nabubuo ang isang pagkakaibigan. Paminsan pa nga ay tinuturi na rin natin silang bilang pamilya. Halimbawa na rito sina Lope at Agatha at ang kanilang relasyon sa mga Nueva. Nananatili parin sa bahay na bato si Agatha kahit na matanda na ito at hindi na masyadong nakatutulong sa mga Gawain. Hindi naman nakihati si Lope sa lupa ng mga Nueva dahil hindi raw niya amo si Bino kundi isang kaibigan.


Nag-iwan ng tanong ang kabanata 14. Alin ang iyong pipiliin: isang bahay bang nakikipagbuno sa bagyo ngunit nananatili at tumatanda o isang bahay nakikipagtanan sa bagyo ngunit nananatiling bata? May pros and cons ang magkabilang panig. Sa bahay na nakikipagbunosa bagyo ngunit nananatili at tumatanda, makikita natin ang katatagan. Hindi ito madaling sumuko at kinakaya ang lahat ng bagyo (pagsubok) na dumadaan. Dahil sa katandaan, marami na itong kaalaman at karanasan. Ang pangit nga lang dito ay nawawalan ito ng sigla. Sa kabilang dako naman, ang bahay-kubo ay nakikitaan ng pagtanggap ng pagbabago sa kapaligiran. Nananatili rin itong masigla subalit nakakapagod din iyong palaging nagpapalit. Nakikita rin na ang bahay-kubo ay madaling bumigay at maanod ng bagyo.

-m.florendo

Wednesday, August 26, 2009

Isang Pagmulat sa Kabihasnan

Pagkatapos ng kabanata tungkol sa mga pamahiin, susundan ito ng isang kabanatang tumatalakay sa himala ng Birhen at ang makasaysayang bagyo sa bayan ng Sagrada sa Bicol. Masasabi nating ang mga Pilipino ay kilala sa katangiang pagiging relihiyoso at tapat sa pananampalataya. Ngunit marapat bang maniwala pa rin sa mga pangyayaring biglaang dumarating o tinatawag na himala? Isa pang mahalagang tanong ay dahil sa lokasyon ng bansa na madalas dinaraanan ng bagyo, sanay at handa na ba ang mga Pilipino sa pagdating ng mga ito? Ngayon, nais kong ilahad ang mga kasagutan sa pamamagitan ng pagbubuod at pagpapaliwanad ng mga simbolismo at implikasyon sa dalawang kabanata ng nobela.

Sa ika-13 na kabanatang pinamagatang “Ang Himala ng Birhen”, nagsimula ito dalawang buwan pa lamang pagkatapos mamatay ang lolo ni Boboy na si Bino. Nagkaroon ng napakalaking pagbabago lalo na sa hacienda at taniman ng mga Nueva. Dahil sa pagkawala ng kabiyak sa buhay, si Selya na ang naging taga-pamahala ng lahat. Ipinakita rito ang pagiging matapat ni Lope sa pamilyang Nueva dahil kahit na wala na ang kanyang tunay na amo, hindi pa rin siya lumisan sa hacienda. Ngunit kahit na ganoon ang naging pangyayari noon, lalo pang nalulong si Selya sa kanyang masamang bisyo na pagsasabong. Ang mga dahilan naman niya ay nakatapos nang mag-aral si Nene kung kaya’t wala ng paggagamitan ang pera. Lumabas ang tunay na paksa ng kabanata nang magkasakit ang anak ni Nene na si Boboy. Dahil sa kagipitan sa buhay, napilitang humingi ng tulong si Nene sa kanyang ina ngunit wala naman itong maibigay na pera dahil sa kanyang pagsasabong inilaan ng ina ang lahat ng kanilang pera. Noong panahin at hanggang sa ngayon, hindi maiaalis sa mga Pilipino na maniwala sa mga pamahiin at himala. Buwan noon ng Setyembre na kapistahan ng Birhen ng Penafrancia, si Nene ay walang magawa kung hindi maniwala at pumunta patungong Naga upang mapagaling ang anak sa pamamagitan ng Birhen. Nakita rito ang dakilang pagmamahal ng ina sa anak dahil kahit ano pa mang unos ang humadlang, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa at lakas ng loob na mapagaling si Boboy. Wala namang nangyari sa anak pero may isang matandang nakapagsabi sa kanya na dapat kapag ang Pagoda ay lumalakbay na sa ilog, gamitin ang tubig sa ilog upang mapagaling ang anak. Nang gawin ito ni Nene sa anak, inatake ng kombulsyon si Boboy at tinulungan sila ni Mr. Edwards na madala at mapagamot sa ospital ang maysakit. Nagkaroon din ng paglalahad ng balita na usap-usapan noon tungkol sa pagkakanakaw sa Birhen. Itinuturong may pakana nito ay si Imelda Marcos, ang asawa ng dating Preseidenteng Marcos. Ipinakuha raw niya ang Birhen sa paniniwalang mapapagaling ang sakit noon ng pangulo sa bato. Sabi nila, dahil sa ginawang pagnanakaw ni Imelda, hindi gumaling at mas lumala pa ang kalagayan ng pangulo. Dahil dito, ipinapakita lamang na kahit na ang mga matataas na tao sa lipunan ay naniniwala rin sa mga himala. Walang taong makakapagsabi ng mga dahilan ng mga himala. Sa kadahilanang ito at sa nangyari sa mag-asawang Marcos, mas tumindi pa ang paniniwala at pagkabighani ng mga tao sa tinatawag na “Himala ng Birhen”.

Samantala sa ika-14 na yugto ng nobela na may pamagat na “Mga Bahay sa Gitna ng Bagyo”, ipinapakita rito ang malaki at mabilis na pagbabago sa kabahayan at kabuhayan ng mga tao sa bayan ng Sagrada. Nagkaroon ng pagbabalik sa tagpuan kung saan hinahanap ni Boboy ang kanyang sinisinta na si Estela. Dahil sa pagkatakot ng persona na malaman ni Boboy ang tunay na nangyari kay Estela, nagsalaysay na lamang siya muli ng isa pang kwento tungkol naman sa bagyo. Kung matatandaan sa kasaysayan, ang rehiyon ng Bicol ay ang lugar na palaging tinatamaan ng mga bagyo. Isa sa mga pinakamalakas at pinakamatinding bagyong sumalanta sa Bicol ay ang bagyong nagngangalang “Sining”. Ika-13 ng Oktubre 1970 noon, nagging handa ang bayan ng Sagrada sa pagdating ng bagyo sapagkat ito’y inanunsiyo ng PAGASA kaya’t walang masyadong nasira at nawala. Ngunit sa di-inaasahang pangyayari pagkatapos ng pag-aakalang tapos na ang pananalasa ng bagyo, nagkaroon ng mas malakas pang bagyo na sumira sa napakaraming ari-arian, umubos ng napakaraming pananim at kumitil ng napakaraming buhay. Nang lumiwanag muli ang paligid, bumulagta sa mga taga-Sagrada ang kalat-kalat na bunga at mga nasirang pananim. Wala silang magawa kung hindi kainin na lamang ang mga ito upang hindi ito mabulok at masayang. Pagkatapos ng pag-aararo sa lupang niyayamungmungan ng makakapal na dahon at sanga, nagtanim na lamang si Lope ng palay. Sa panahong ito, naging masagana ang ani, pero di-nagtagal ay ipinatupad ang Agrarian Reform na nagpahati-hati sa taniman ng pamilyang Nueva. Dito na simulang naganap ang sinasabing mga pagbabago sa aspekto ng agrikultura. Sa halip na kalabaw ang ginagamit, de-motor na pang-araro na ang ginamit noon. Pati sa patubig ay nagkaroon ng kagamitan upang mapadali ang pagtutubig sa mga pananim. Sa mga binhi ring itinatanim, nagkaroon din ng iba’t ibang uri ng mga palay upang mapagaan ang trabaho ng mga magsasaka. Dumating rin ang mga fertilizers at pesticides na gamit upang mapataba ang lupa at masugpo ang mga masasamang peste. Hindi rin nagtagal at ipinakilala rin ang super palaka na kumakain raw ng mga ahas at ang golden kuhol na matakaw sa anumang luntian. Sa huling bahagi, nabanggit na matanda na ang bahay na bato at nagkaroon na ng malaking pagbabago sa lugar. Sa kabanatang ito, ipinapakita lamang na sa paglipas ng panahon ay unti-unting nagbabago ang pamumuhay ng mga tao saan mang lugar siya naroroon.

Mula sa nasabing dalawang kabanata, ipinapalabas nito na nagkakaroon ng mabilis na paglipas at paglakbay ng panahon. Ipinapakita sa ika-13 na kabanta ang pagiging makaluma at mapaniwala sa himala ng mga Pilipino. Habang sa ika-14 naman na kabanata ay ang mabilis at malaking pagbabago sa pamumuhay ng tao ang paksa. Nais ng mga kabanatang ito na ipamulat sa atin ang ating mga mata sa katotohanan at realidad. Ang ibig sabihin lamang ay ang oras ay napakahalaga dahil maraming maaaring mangyari kahit sa maikling panahon lamang kung kaya’t marapat lamang na gamitin ito nang mabuti at maayos upang hindi magsisi pag dating sa huli.


-Jerome Uy Chua

Sunday, August 23, 2009

Lihim at Sikreto

Sa murang edad ng 18, maraming nang tao ang aking nakisalamuha. May mga ibang taong masasabing "normal." Normal dahil sila'y gumigising ng alas-sais ng umaga, kumakain ng almusal, dumadayo sa eskuwelahan, nakikinig, nagkakantiyawan sa kaibigan, umuuwi, nag-aaral pagkatapos natutulog. Kung ang lahat ng mga kaibigan, kamag-aral o basta tao ay ganito sa buhay, masasabi kong madali akong maiinip. Minsan, may mga ibang klaseng karakter na lumalaktaw sa espasyo. At gustuhin ko man o hindi, sila ang mga naaalala ko.

Para hindi naman sila mabisto, hindi ko gagamitin ang kanilang totoong pangalan.

Noong ako'y nasa ika-unang baitang, naging kaklase ko sa 1-Narra si MG. Si MG ay hindi karaniwang bata noon. Noon, palagi niya akong tinutukso. Sa lahat na lang ng bagay tungkol sa akin, mayroon siyang nahahanap na puwedeng kantiyawan. Ang aking sinturon, ang aking pantalon, ang aking buhok, ang aking hilig, ang aking ayaw, ang akin... Basta, napakarami! Nauwi ito sa isang araw na hinagisan ko siya ng bato. Nasaktan siya, sinumbong niya ako sa coordinator ng ika-unang baitang at pinagsabihan kaming dalawa. Magaling akong gumawa ng kuwento at pinalagay kong ako ang inaapi at siya ang malupit. Napunta sa kanya ang lahat ng sala. Mas lumalala pa ang lagay ni MG. Lumalagpak siya sa lahat ng pagsusulit, nagsasalita siya nang masama sa harap ng guro (nagsasabi na ng P.I. kahit na unang baitang pa lang!), gumagawa ng kalokohan atbp. Hindi ko na siya nakita muli pagkatapos ng ika-unang baitang. Sipa na raw. Ngunit sa mga sumunod na taon, nahiya ako sa ginawa ko at bigla akong naaninagan tungkol kay MG.

Naghiwalay pala nanay at tatay niya, kaya siya naging ganoon.

Pangalawa naman si JB. Noong ika-apat na taon sa mataas na paaralan, nagkaroon ng kaibigan si JB galing sa isang pribadong paaralang pambabae. Hangang-hanga ako sa kanya dahil sawi siya noon. Ang dami na niyang mga kaibigang babaeng nagsabing "HINDI" sa kanya at sa wakas, nagkaroon na siya ng girlfriend. Masaya ako para sa kanya. Noong una, ang tamis ng kanyang pagmamahal. Sa umaga, ubod ng dami ang kanyang pag-text. Sa hapon, ang babae lamang ang kanyang pinag-uusapan at sa gabi, palagi na lamang nag-uusap gamit ang YM. Isang umaga, nang kaming dalawa pa lamang ang nasa silid, ibang-iba ang hitsura ni JB. Namumula ang mata, napakaitim at lalim ng kanyang eyebags, sabog ang kanyang buhok at halatang kaba siya. Sinabi niyang nahihirapan siya sa Matematika at tinatambakan siya ng gawain. Ngunit hindi naman bumuti ang kanyang lagay. Palagi na lamang siyang pumapasok na sabog, kulang sa tulog at may problemang nahahalata sa kanyang mata.

Nagtalik kasi siya. Naghintay siyang isang buong buwan bago malamang hindi naging buntis ang kanyang girlfriend.

Tulad ng kuwento, marami akong nakisalamuhang taong may lihim at may sikreto. Sa totoo lang, hindi ko sila tinitingnang mas mababang uring tao o kaya'y nagkasalang hinding-hindi na mapapatawad. Oo, nagkamali sila. Oo, nagkamali rin ako minsan sa reaksyon kuminsan. Sa totoo lang, hindi maiiwasan ang pagkaroon ng lihim sa buhay. Sikreto ito dahil alam nating bakit masiraan tayo, masaktan tayo at magalusan ang puso. Kaya nang malaman ko ang mga lihim at sikreto ni MG at JB, hindi ko sila kinantiyawan at dinagdagan ng masamang tingin. Sa loob-looban ko, inisip ko na lamang ang kanilang kinalalagyan. Mahirap, napakahirap.

Samakatuwid, mahirap magkaroon ng lihim at sikreto. Tulad ng kuwento, ang buong buhay natin ay nahuhubog dahil sa mga lihim. Tulad ni Bino, baka hindi na tayo makalabas sa pamahiin. Tulad ni Selya, baka bigla na lamang tayo malunon sa bisyo. Tulad ni Lope, baka hindi natin malimutan ang kasamaan at karahasan ng pinagdaan. Sa totoo lamang, minsan, mas malalim pa kaysa sa atin ang mga kababalaghang tinitimpi ng puso o dunong. Kaya nag-iingat ako. Dahil magkakaroon din ng taong magkakaroon ako ng mga malalim na sikreto. Siyempre, gugustuhin ko bang tingnan ako nang masama o kaya'y pag-tulungan?

-Armando T. Miclat III

Saturday, August 22, 2009

Luwad, Paghubog at Pagkabitak-bitak

“… kapag tumigas na ang luwad hindi na maaring baguhin ang hugis at hubog.”


Marahil sa linyang ito mabubuod na ang sumunod na dalawang kabanata ng akda. Ang sumunod na dalawang kabanata kasi ay tungkol sa luwad, sa paghubog at pagkabitak-bitak.

Ano nga ba muna ang luwad? Ang luwad ay isang tipak ng lupa, na kapag nababasa ay nagpuputik at madaling nahuhubog; kapag natutuyo, tumitigas at nagbibitak-bitak. Sa dalawang kabanatang ito maihahalintulad natin ang luwad sa mga pangunahing tauhan. Sa kabanata ng Pag-iisang-dib-dib, Paglilibing hinuhubog na ang luwad na si Selya sa murang edad pa lamang upang magmukhang maganda at marangya. Kinakalbo ng kaniyang mga tiyo at tiya ang mga puno ng papaya para may maipahid si Selya sa kaniyang balat at upang ito’y maging maputi. Nang magsinungaling at magtapat ang luwad na sina Bino at Selya sa mga magulang ni Bino na si Selya ay buntis, unti-unting nahuhubog ang kanilang kasal bilang isang malaking kasinungalingan. Kalaunan, ito’y magbibitak-bitak at unti-unting magkakasira-sira dahil na rin sa pagbubunyag nitong kasinungalingan. Pati ang mga luwad na taumbayan ay nahubog na rin sa mga tsismis. Inaabangan nila ang tsismis na magkakaroon ng isang malaking kaguluhan sa kasal nila Bino. Dahil sa kanilang pag-aabang, mistulang nalason pa sila at nakarma. Ang mga luwad naman na NPA at PC ay nahubog sa karahasan. Huli, ang mga luwad na mga magsasaka ay nahubog sa pagkalito. Nasangkot sila sa isang digmaan, isang digmaan kung saan hindi nila mawari kung sino ang tunay na kalaban.


Para sa kabanatang Ang Bugtong ng Nganga, mas tumitibay ang pagwawangis sa mga pangunahing tauhan sa luwad. Ang luwad na pagkakaibigan nina Lope at Bino na nagsimula sa kanilang pagtakas mula sa mga Hapon ay dahan-dahan nang nagkakabitak-bitak dahil sa kasakiman ni Bino. Iniisip niyang wala dapat siyang ipagpasalamat kay Lope. Dagdag pa, hindi rin siya pumayag maging ninong sa kasal nila Lope at Agatha kaya tuloy hindi na ito natuloy. Ang luwad na si Bino na pagkatapos mangyari ang inililihim nila ni Selya ay nakulong na sa kaniyang mga pamahiin. Nahubog na si Bino sa mga pamahiin. Ang luwad na si Selya na nahubog sa mundo ng pananabong. Naging bisyo niya ang pananabong kaya unti-unti na rin nasira ang kaniyang mga relasyon sa ibang tao pati sa kaniyang sarili. Huli, ang luwad na si Nene na sa murang edad pa lamang ay naturuan na ng isang mahalagang aral- na ang mga tao’y parang mga luwad, nahuhubog dahil sa kaniyang mga karanasan at kapaligiran, na ang tao’y mahirap nang baguhin kapag ganap na itong nahubog, at upang ito ay mabago ang kailangang gawin ay magsimula muli sa isang tipak ng lupa, blanko at walang tanda ng pagkahubog.


-Miguel Enrico C. Paala III

Ang Lingkis ng Digmaan

Digmaan. Mapait at masklap na digmaan. Mababasa natin sa sumusunod na dalawang kabanata na ang mga digmaang ito ay naging malalaking dagok sa buhay ng mga tauhan sa kwento.

Ang pananakop ng mga Hapon sa bansa ay naging mitsa sa maraming paghihirap sa bayan ng Sagrada. Laganap ang karahasan, ang pagnanakaw, ang pag-aaklas at pang-aalipusta. Dagdag pa rito ay ang taggutom at kawalan ng bigas. Lahat ng mga tao’y napugal sa kahirapan. Ngunit hindi lamang ito ang dagok sa buhay ng mga taga-Sagrada. Marahil mas mahirap kaysa sa gutom at karahasan- ito ay ang mawalay sa minamahal. Hindi lamang sinakop ng mga Hapon ang bayan ng Sagrada, sinakop din nito ang buhay ni Esteban at nila Selya. Ang matimyas na pagsinta ni Esteban kay Selya ay nawasak nang dumating ang mga Hapon. Hindi dahil dinakip ng mga Hapon si Selya kundi dahil nagpasya na itong magpakasal kay Bino. Itong kasawian ni Esteban ang nagtulak sa kaniyang maging bahagi na ng digmaan, ang digmaang hindi na niya matatakasan, ang digmaang magbabago ng kaniyang buhay.

Ang susunod na kabanata ay tungkol din sa digmaan at ang mas lalo pa nitong pinag-igting ang digmaan bilang mukha ng karahasan. Ang digmaang ito ay digmaan sa pagitan ng gobiyerno at ng rebeldeng NPA. Ngunit sa kabanatang ito, ipinakita kung gaano ka karahas ang digmaan. Ipinakita nito na ang digmaan ay walang sinasanto. Kahit buntis o bata ay sadyang walang kawala sa digmaan. Ang kawawang Boboy ay nakapihit na ng baril sa murang edad. Ang kawawang Nene ay iniluwal si Boboy sa gitna ng isang engkwentro.

Digmaan. Karahasan. Walang sinasanto. Walang pinipili. Tunay ngang naging dagok sa buhay ng mga tauhan sa kwento ang sadyang mapait na digmaan.


-Miguel Enrico C. Paala III

11 & 12

Pag-iisang-dibdib, Paglilibing. Masasabi kong may kabalintunaan ang kabanatang ito sapagkat inihambing ang kasal ni Bino at Selya sa isang libingan. Sa kalahatan, ang pag-iisang dibdib ng dalawang tao ay isang masayang okasyon na dapat tunghayan ngunit para sa mga magulang ni Bino, itinuring nila ang kasal ng kanilang unico hijo bilang isang libingan. Sa mga kwento o palabas na nakita't nabasa ko, malimit hindi sumasang-ayon ang mga magulang sa buhay pag-ibig ng kanilang anak lalo na kung ang kanilang anak at ang kanyang kasintahan ay magkaiba pagdating sa katayuan sa lipunan. Hindi ba dapat suportahan na lang ng mga magulang ang desisyon ng kanilang anak ukol sa mga personal na bagay? Kung pagmamasdan ang tauhang Don at Donya Nueva, sila ay makasarili dahil hindi nila iniisip ang kasiyahan ng kanilang anak. Sa halip na suportahan at maging masaya para kay Bino at Selya, inuna pa nila ang kanilang kayamanan. Sa tingin ko, may pasya naman ang mga magulang ngunit kung hindi naman para sa mabuting kapakanan ng anak o kung makasarili ang layunin, mas mabuti pang maging masaya na lamang sila sa desisyon ng kanilang anak at huwag nang kontrahin ito.

Mas lalo akong nahanga sa pag-ibig nina Bino at Selya dahil hindi sila nagpa-apekto sa mga opinyon ng ibang tao tungkol sa kanilang dalawa. Kahit alam ni Bino na hindi sang-ayon ang kanyang mga magulang sa kasal, ipinagpatuloy pa rin niya ito at mas ipinakita pa ang kanyang pagmamahal sa kanyang kasintahan. Mas pinahalagahan niya ang kanyang kasintahan kaysa sa kayamanan at opinyon ng kanyang magulang.

Masasabi ko ang buhay pag-ibig nina Bino at Selya ay halos magkahalintulad sa buhay pag-ibig nina Lope at Agatha. Kung sa pag-ibig nina Bino at Selya ay nalagpasan ang antas sa lipunan, sina Lope at Agatha naman ay nag-ibigan pa rin sa halip ng kanilang pisikal na kaanyuan. Naging masaya sila sa dahil pinahalagahan nila ang kanilang pagkakatulad sa isa't isa. Naging similar din ang kanilang mga kwentong pag-ibig dahil parehong may hindi sumang-ayon o kaya hindi pumayag na maging bahagi sa kasalan. Isa rin itong kabalintunaan dahil naranasan ni Lope ang napagdaanan ni Bino noong bago siya ikinasal kay Selya at si Bino pa ang tumanggi na maging ninong sa kasal ni Lope at Agatha. Nakakatawa sapagkat dapat si Bino, sa lahat ng tao, ang makakaintindi sa sitwasyon nina Lope at Agatha.

Ang masasabi ko base sa dalawang kabanata ay maraming hadlang at sagabal ang masasalubong natin patungo sa pagkamit ng ating hinahangad hindi lamang sa pag-ibig ngunit sa iba pang aspekto ng buhay. Kung gugustuhing makamit ang ninanais, kailangang ipaglaban at gawin ang lahat para maging matagumpay.

- Jouela Tomas

Friday, August 21, 2009

Sa susunod na mga kabanata, makikitang may mga sitwasyong nagdudulot ng pagkakakulong ng ating mga sarili sa kahon. Ang ilan sa mga ito ay ang pagiging kuntento at ang pagtanaw ng utang na loob.

Sabi nila, dapat makuntento tayo sa ating katayuan sa buhay. Pero naisip kong may kasahulan ang paalalang ito. Kung makukuntento na lamang tayo, wala nang magsusumikap. Wala na rin yung tinatawag nating magis. Sa nobela, nasanay na nga ang mga kasama sa pamumuhay nila sa hacienda at sa pamamalakad nito. Hindi na nila pinilit pa ang kanilang mga sarili na intindihin ang agrarian reform at sikaping magkaroon ng kanilang sariling lupain. Nakakahon na lamang sila sa ganitong pamumuhay—na pagsilbihan nila ang mga may-ari. Dahil na nga sa pagkasanay nila sa sitwasyong ito, hindi na nila pinaglaban ang kanilang karapatan. Wala na silang pakialam na mas palaguin pa ang kanilang mga karapatan.

Karaniwan sa ating mga Pilipino ang pagtatanaw ng utang na loob. Sa tuwing may ginawang maganda ang iba sa atin, sinisiguro nating susuklian silang muli. Naging malapit na rin sina Bino at Lope. Nang tumanggi si Bino na maging ninong sa kasal nina Lope at Agatha. Kahit na nagmamahalan sila, hindi itinuloy ni Lope ang kanilang pagpapakasal. Dahil dito, nanatiling katiwala ni Bino si Lope. Kabalikat na rin nito ang pagkakulong ni Bino sa mundo ng pamahiin, si Agatha sa pagiging tagapangalaga ni Nene at si Selya sa pagsasabong.

Napag-usapan din ang pagpapakasal. Sa mga nagmamahalan, talagang isang magandang bagay ang pagpapakasal. Ngunit sa mga tutol dito, para na rin itong isang libingan na sisira sa lahat ng kanilang plano.

Pinaniniwalaang nagiging ganap na babae ang isang babae kung siya’y nagpakasal at nagkaroon ng anak. Sa katunayan, kapag nanatiling hindi kasal ang babae sa kanyang matandang edad, tinitignan ito na isang kaawa-awang sitwasyon. Madalas nating marinig na kinamumuhian ang isang matandang dalaga. Kaya naman isang importanteng okasyon ang kasal. Dapat maayos at elegante ang lahat.

m.florendo

Thursday, August 20, 2009

Pamahiin Noon, Kasabihan Ngayon

Para sa ngayong linggo, nabasa ko ang ika-11 at ika-12 kabanata ng nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”. Kung mapapansin, nagkaroon lamang ng paglalahad at pagbabalik-tanaw tungkol sa pag-iisang dibdib nina Selya at Bino at ang naging buhay noon nina Agatha, Lope at ang mag-asawa. Sa mga nasabing kabanata, nagpapakita ito ng mga aral tungkol sa pangkaraniwang buhay ng mga tao. Inilalahad din ditto ang mga tradisyon at paniniwala noong unang panahon at iniuugnay ito sa mga kaganapan sa kwento. Gumamit ang may-akda ng paraang pagbabalik-tanaw sa bahaging ito ng nobela sapagkat nais niyang ipakita ang mga sanhi ng mga epektong lumalabas sa istorya.

Sa ika-11 na kabanata, ang pamagat nito ay “Pag-iisang Dibdib, Paglilibing”. Galing sa pamagat, binigyang paghahambing ang pagpapakasal at paglilibing. Nagkaroon ng simbolismo ang pag-iisang dibdib bilang paglilibing. Naganap ang kasalan nina Selya at Bino sa kabanatang ito kung kaya’t nagkagulo ang buong Sagrada dahil sa mahalagang okasyong ito. Lubusang naghanda ang mga tao upang masaksihan ang isang kakaiba at engrandeng pangyayari sa kanilang bayan. Dahil sa tinututulan ito ng maraming tao, lahat ay nag-aabang tungkol sa mga pangyayari na magpapatigil sa kasalan. Ayon sa mga pamahiing pinaniniwalaan ng mga tao noon, kung hindi para sa isa’t isa ang ipapakasal, nagkakaroon ng mga pangyayaring hindi kanais-nais na magdudulot ng pagkaudlot sa kasalan. Sa makalumang panahon, ang mga matatanda ay sobrang naniniwala sa mga pamahiin kung kaya’t ang ibang mga desisyon nila sa kanilang buhay ay nakabatay sa mga ito. Ngunit sa hindi inaasahang pangkakataon, ang mga bisita ay nagulantang dahil walang kapalpakan ang nangyari at naging mabilis at maayos ang agos ng kasalan. Ang mga kalooban nina Don at Donya Nueva noon ay unti-unting nalugmok at ang kanilang paningin ay dumilim sapagkat hindi nila nais matuloy ang kasalan. Pero dahil na rin sa matinding pagmamahal nila sa anal at magiging apo nila dapat, ito ay kanilang pinalampas na lamang. Dito rin napansin ng mga tao na parang hindi naman buntis talaga si Selya. Ngunit wala na ring magagawa ang kanilang tamang hinala sapagkat napag-isang dibdib na sina Bino at Selya. Sa kabuuan, nais lamang sabihin sa kabanata na ang pagpapakasal nina Bino at Selya ay isang paglilibing dahil nasira ang mga pangarap ng magulang ni Bino para sa kanya at mapagsasama sa unang pagkakataon ang isang mayaman at mahirap sa lipunan.

Habang sa ika-12 na kabanatang pinamagatang “Ang Bugtong ng Nganga”, ipinakita rito ang naging koleksyon ni Lope na mga sundalong kanyang sariling ginawa. Ang dugong pula ang naging pangunahing imahe sa kabantang ito na bumabagabag sa isipan ni Lope. Noong mga panahon ng Hapon, sila ay nahuli sa pagiging gerilya kaya inakala nilang malapit na ang kanilang kamatayan. Kahit na ganoon, hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Lope at sinamantala ang panahong tulog ang lahat upang siya ay makatakas. Iniligtas din niya si Bino sa pagkakatali kahit na masunog ang kanilang mga balat. Katulad ng ibang tao, kahit anumang paraan ay gagawin nila upag makaligtas at magkaroon ng kalayaan. Dito rin sa bahaging ito, ipinakita ang balak na pagpapakasal nina Agatha at Lope. Kung kaya’t hiningi nila ang basbas ng nais nilang maging ninong sa kasal na si Bino. Ngunit tumanggi ito na nagpapakitang ayaw ni Bino na mawalay kay Nene si Agatha at mawalan siya ng namamahala sa bukid na si Lope. Isa ring mahalagang pangyayari dito ang pagluluong ni Selya sa pagsasabong dahil sa ibinigay sa kanyang tandang na tinawag na “Texas” na sinasabing nagmula pa sa Amerika. Mula sa mga eksenang ito, nagpapamulat ito na napakalaking epekto pala ng impluwensiya na galing sa ibang bansa at ang halaga talaga ng pera at kapangyarihan sa buhay ng mga tao.

Kapag titingnan nating mabuti ang dalawang kabanata, nagkaroon ng malaking marka ito sa istorya kahit na pagbabalik-tanaw lamang sa mga pangyayari ang inilahad dito. Mula sa mga detalyeng ipinakita rito, naipalabas ang mga paniniwala at kagawian nong panahon. Dahil sa mga impluwensiya, hanggang ngayon ay taglay pa rin ito ng atin mga kababayan. Hindi pa rin ito maiwawaksi sa pag-iisip ng maraming mga tao sapagkat naging bahagi na ang mga ito sa pangkaraniwang buhay ng mga tao.
- Jerome Uy Chua

Monday, August 17, 2009

Sakripisyo

Hindi ko gusto ang giyera. Sa aking palagay, walang ginagawang tama ang giyera. Tuwing mayroong kuwento tungkol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig o kaya nama'y balita galing sa giyera sa Mindanao, palagi na lamang akong nagagalit sa mga naglalaban. Para saan ba ang laban? Para sa lupa? Para sa personal na pagyaman? Paghiganti? Sa isipan ko talaga, "Ang kawakasang gusto ay hindi dahilan sa basta-bastang aksyon." (The end does not justify the means.) Sa unang pagputok ng baril, wala nang panalo. Para lamang mga hayop ang mga naglalaban. Patayan, hidwaan at muling patayan.

Hindi ko mapagkakaila ang sakripisyong inilalaan ng mga naglalaban. Mayroon silang mga pinaniniwalaan, kaya sila naglalaban. Sakripisyo... Naaalala ko ang kuwento sa akin ng aking lola tungkol sa aking lolo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa mga panahong iyon, mga 14 na taong gulang pa yata ang aking lolo. Masyado pa siyang bata para maging gerilya o kaya nama'y makisangkot sa labanan kasama ng mga Amerikano laban sa mga Hapon. Tulad ng kuwento, may mga checkpoint na ginawa ang Hapon sa Olongapo kung saan nakatira ang aking lolo. Ngunit sa payak na paraan, nakatulong siya sa mga gerilyang kilala niya. Dahil bata lamang siya, pinagbibilinan siyang magtago ng baril at bala sa isang bayong ng mangga. Hindi na siya hinihinto dahil bata nga lamang siya. Ngunit laking takot ng nalaman kong isang beses, pinahinto ng isang guwardiyang Hapon ang aking lolo. Hinalungkat ang kanyang bayong... Ngunit sa awa ng Diyos, magaling magtago ang aking lolo. Hinagis na lamang ng Hapon ang mangga sa daan at pinadaan ang aking lolo.

Noong panahon naman ng Marcos, hindi aktibista ang aking mga magulang. Minsan nga, kinakasuhan sila ng sarili nilang mga kaibigan sa sila'y apolitikal at walang pakialam sa mga kasalanan ni Marcos. Isang tinagong sikreto ang pagiging aktibista ng aking ninong. Hindi tulad ng tatay ko, siya'y aktibo sa rebolusyong estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas noong Martial Law. Lingid sa isipan ng aking lola, lumalabas tuwing gabi ang aking ninong upang dumalo sa mga miting pati ang pagbibigay propaganda. Isang gabi, nahuli ang aking ninong ng pulis ni Marcos. Hanggang ngayon, hindi makumpleto ng ninong ko ang kuwento. Kahit sa aking lola, kahit sa mga kapatid niya at kahit sa kanyang asawa, hindi niya maatim sabihin ang malamang mapait na nakaraan.

Sakripisyo. Hindi lamang sa malayong libro o kaya sa bibig ng tao sa telebisyon ko narinig ang sakripisyo para sa mas malaking misyon. Ako'y hangang-hanga sa aking lolo at ninong. Kahit na ako'y hindi makipag-sang-ayon sa giyera pati sa komunismo, hindi ko maalis ang paghanga sa kanilang ginawa. Malamang, nakatulong ang mga baril at balang dinala ng aking lolo sa pag-alis ng mga Hapon sa Olongapo. Malamang, may mga dunong at pusong naudyok ang aking ninong sa pagtatakas gabi-gabi para sa rebolusyon.

Halos madali ang buhay ko ngayon kung tutuusin. Ano namang sakripisyo ang magagawa ko lalo na't walang giyera at wala namang Martial Law na pumapalibot sa Pilipinas ngayon. Ang sakripisyo ko na lang ay ang pagbubuti. Ang ME ngayon ay, walang biro, isang napakahirap na kurso. Wala akong maisip na panahong kasinghirap sa akademiko sa buong buhay kong pag-aaral. Ngunit katiting lamang ito sa hirap na dinanas ng lolo at ninong ko. Sila'y tulad ng mga tauhan sa librong nagsakripisyo (si Esteban sa giyera at si Nene at Benjamin) ngunit mas mabuti dahil sila'y mga naging TOTOO sa buhay ko.

Sakripisyo. Napakadaling sabihin, napakahirap gawin.

- Armando T. Miclat III

9 & 10

Ang ika-siyam at ika-sampung kabanata ay napaka-impormatibo pagdating sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang pagsama ng manunulat ng mga pangyayari noong panahon ng Hapon at ang pagsasailalim ng Pilipinas sa Batas Militar ay nakakapagakit sa mga mambabasa sapagkat hindi siya lamang nagkwento tungkol sa personal na buhay ng mga tauhan. Inilahad sa dalawang kabanata ang digmaang naganap noong panahon ng Hapon. Isinalaysay ang pagrerebelde ng mga Pilipino at ang naging kinahatnan nito.
Sa ika-siyam na kabanata, isinalaysay ang buhay ni Esteban at ang pagiging rebelde niya noong sinakop ng mga Hapon ang Pilipinas. Kung ihahambing ang panahon ng Hapon sa kasalukuyang panahon, parehong-pareho pa rin ang pakikitungo ng masa sa mga may kapangyarihan. Noong panahon ng Hapon, maraming naghimagsik tutol sa sistema ng pamumuno. Walang pinagkaiba ang panahon ng Hapon sa kasalukuyang panahon. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nagrerebelde laban sa gobyerno. Ang mga may matataas na posisyon sa gobyerno ay abusado pa rin sa kanilang kapangyarihan. Maging sino man ang namumuno o sumakop sa Pilipinas, hindi pa rin nagbabago ang pamumuhay ng mga Pilipino. Kahirapan pa rin ang hinaharap ng mga mamamayan.
Gayon pa man, ang pagrerebelde ay pwedeng maging paraan para maipahayag ang ating mga damdamin at opinyon ukol sa mga ganitong suliranin. Tulad ni Esteban, kahanga-hanga ang mga sumasali sa mga digmaan sapagkat handa nilang isakripisyo ang kanilang buhay para mailahad ang kanilang mga damdamin at pananaw ukol sa mga bagay-bagay. Mapanganib nga ito ngunit kung mabuti naman ang layunin ng pagrerebelde, maganda ang patutunguhan nito.
Sa ika-sampung kabanata naman, ikinuwento ang naging papel ng bagong tauhan na si Chua. Siya ay isang negosyanteng Intsik na pinagkamalang espiya ngunit talaga, isa lamang negosyante. May mga bahagi rin sa kabanatang ito na naglarawan sa kasaysayan ng Pilipinas, sa partikular, ang Batas Militar pero sa pangkalahatan ng kabanatang ito, ikinuwento ang buhay nina Chua, Nene, Benjamin at Boboy. Nang binasa ko ang kabanatang ito, ako ay nakaramdam ng kasabikan dahil sa wakas, ikukwento na rin kung sino ang ama ni Boboy. Ngunit nakakalungkot ang pagtatapos ng kabanata sapagkat biglaan at dumating nang walang abugabog ang pagpaslang kay Benjamin.
Maraming matututunan sa dalawang kabanatang ito. Nakakapagmulat ito sa mga mambabasa at sa akin dahil ipinaaalala sa atin ang kalagayan ng Pilipinas noong panahon at sa kasalukuyan at ipinakita sa atin na may mga tao pa ring lumalaban sa mga may kapangyarihan para sa kapakanan ng mamamayan.

- Jouela Tomas

Saturday, August 15, 2009

Kabanata 9 & 10

Pagrerebelde. Ipinakita kung paano nagrebelde ang mga tao noon sa panahon ng mga Hapon. Nagkaroon ng mga grupo ng gerilya na laban sa kanila. Maraming sagupaan at engkwentro ang mga nangyari. Hanggang ngayon, may mga nagrerebelde pa rin. Nakikita ito sa mga rally. Hindi katindi o kamarahas ang pagrerebelde ngayon kumpara sa dati. Wala masyadong putukan at barilan. Mas kaunti ang kaguluhan at kamatayan. Hindi lamang tayo nagrerebelde lamang sa gobyerno. Pwede rin tayong magrebelde sa ating mga magulang bagama’t hindi ito tama. Marahil kaya natin ito ginagawa ay dahil hindi tayo sang-ayon sa kanilang pamamalakad o kaya nama’y hindi tayo kuntento sa kanilang ipinapakita o trato sa atin. Ang pagrerebelde ay dulot ng ating pagdadamdam gaya na lamang ng pagrerebelde ni Esteban kay Selya. Nagawa niya ito dahil sa pagkasawi niya sa pag-big. Ngunit, sa ating pagrerebelde, mas nilalapit natin ang ating sarili sa panganib. Kaya dapat hindi tayo masyadong magpadala sa ating mga damdamin.

Pag-alis at ang pangakong pagbabalik. Kinailangang malayo ni Bino kay Selya dahil nakadestino siya sa Norte. Nangako siyang babalik at bibisita paminsan-minsan. Ngunit, palihim at mabilisan lang ang ginawang pagbisita niya. Sa sumunod na kabanata, kinailangan ding lumayo ni Benjamin upang hindi pagdudahan ng PC si Nene. Nagkita nga silang muli ngunit napaslang din si Benjamin. Para sa akin, ibig sabihin nito na may mga taong dumarating sa ating buhay na nagpapasaya sa atin at nakabubuo tayo ng magandang relasyon.Ngunit darating din ang panahon na maghihiwalay tayo. Dapat kayanin nating tanggapin ito. Gaya na lamang ng relasyon natin sa ating kaibigan sa mataas na paaralan. Nagkakahiwalay ang mga barkada upang mag-aral sa iba’t ibang paaralan ngunit nangangako pa rin sa isa’t isa na magkikita tuwing bakasyon. Hindi nga lang sigurado kung magkikita ba talaga o hindi dahil hindi nagkakatugma ang iskedyul.

Pagtatakbo. Marami ring sitwasyon sa kwento kung saan nagtatakbuhan ang mga tao. Sinisimbolo nito kung paano natin hinaharap ang mga sitwasyon o ang mga problema. Sa mga engkwentro, kailangang magaling magtago sa mga kalaban para narin maprotektahan ang sarili. Paminsan nga ay ganito tayo. Hindi natin hinaharap ang mga problema natin kung hindi ay iniiwasan natin ang mga ito. Hindi naman masasabi na ito’y isang duwag na Gawain. Siguro nga mas mabuti nang hindi kulkulin ang mga bagay- bagay para hindi lumala. Pero hindi dapat palaging ganito. Dapat maging matapang din tayo na harapin at solusyunan ang mga problema.

Pagsisinungaling. Isa na nga sa mga paraan kung paano natin nilulusutan ang mga sitwasyon ay ang pagsisinungaling. Nagsinungaling si Bino na buntis si Selya para mapadali ang kanilang pagpapakasal. Kinailangan ding magsinungaling ni Nene na ang namatay sa engkwentro ay ang ama ng kanyang anak para hindi pagdudahan ng mga awtoridad. Paminsan epektibo ang pagsisinungaling pero ito ay masama. Kapag nagsinungaling ka, kailangan mo na namang gumawa pa ng isa pa upang takpan ang nauna hanggang sa ito’y dumami. Mahirap ang mabuhay sa kasinungalingan. Hindi mo na alam kung ano ba talaga ang iyong ginagawa at kung sino ka talaga.

Pagmamahal sa anak. Ipinakita ni Benjamin ang kanyang matinding pagmamahal sa anak na si Boboy. Ginawa niya ang lahat upang maayos ang kanyang pagsalubong sa unang anak. Ginalugad niya ang mga kapitbahay para makahiram ng transportasyon at hinarap niya ang mga bala. Nakipagsapalaran siya. Itinaya niya ang kanyang buhay para sa proteksiyon ng anak. Kahit na ipinagpasiya niyang lumayo sa kanyang anak, ginawa lamang niya ito para malayo si Boboy at Nene sa kapahamakan. Gayunpaman, bumalik din siya upang makasama ang kanyang pamilya.

-M. Florendo

Friday, August 14, 2009

Kalayaan, Naipaglaban at Nakamtan

Ngayon ay ipagpapatuloy ko ang aking pagsusulat ng aking mga reaksyon at pag-uunawa para sa ika-siyam at ika-sampung kabanata ng nobelang “Ang Sandai ng mga Mata”. Mahusay pa rin ang naging pagkakasulat ng mga kaganapan sa mga nabasang kabanata sapagkat maganda ang naging transisyon ng mga pangyayari. Sa paggamit ng kasaysayan ng Pilipinas bilang batayan ng kwento, nagkakaroon ng ugnayan ang mga eksena sa mga sinapit ng mga Filipino noong unang panahon. Batay sa mga kaganapan sa ika-siyam na kabanata, masasabing noong sa panahon ng pananakop ng mga Hapones nangyari ang mga pakikipagsapalaran. Samantala sa ika-sampung kabanata, naganap ito noong panahon ng administrasyon ng Marcos sa ilalim ng batas military. Kaya mula sa dalawang kabanatang ito, makikitang maraming mga buhay at ari-arian ang nasira at nawala dahil sa mga barilan at giyerang nangyari noong panahon.

Sa ika-siyam na kabanatang pinamagatang “Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog”, ipinakita rito na ang manunulat ay naging isang rebelde na rin. Naganap ang bahagi ng kwentong ito sa pananakop ng mga Hapon kung kaya’t ang pagiging rebelde ay ang pagiging tiwali sa gobyerno ng Hapon. Sinabi rin dito na ang tawag sa kanila noon ay mga gerilya. Naging napakamalupit ng mga Hapones noong panahong iyon kung kaya’t lahat ay walang magwa kung hindi magrebelde, lumayo at maghintay sa pagbabalik ng mga Amerikano. Ang manunulat ay naging mapagpanggap sa una ung kaya’t naging tiwala ang mga nagbabantay na mga Hapones sa kanya. Ngunit gaya ng sabi ng iba, walang taong habambuhay na kayang magtiis ng pagmamalupit at pagpapasailalim sa mapanlamang na mga Hapones. Ipinakita rin dito ang pakikisama ng mga mayayaman sa mga Hapon upang hindi sila mapag-initan. Iyon ang ginagwa ni Selya sa isang kapitan ng mga Hapones para hindi maging mainit ang mga mata ng mga Hapones sa kailang pamilya. Dito rin nalaman ng mga tao at nina Don at Donya Nueva na hindi talaga buntis si Selya, sila ay nagsinungaling lamang upang ipakasal na sila. Kapitan Padua ang pangalan ng lider ng mga gerilya kung saan kasapi ang manunulat. Naging madali lamang ang kwalipikasyon para makasali rito. Agad siyang idinestino sa isang lugar kasama ang lider ng kanilang grupo na si Paeng. Nagkasundo sila ni Paeng dahil na rin sa kanilang magkalapit na edad at naiintindihan ng manunulat ang kalagayan ni Paeng. Tinuruan siya ni Paeng ng lahat ng mga gawaing gerilya pati ang paghawak ng Springfield. Isang araw may misyon ang grupo para makuha ang mga armas na nasa loob ng trak ng mga Hapones. Sa di inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng matinding hamog kung kaya’t hindi magkakitaan ang magkalaban at nahirapan silang maglabanan. Sa kasamaang palad, namatay ang lider na si Paeng at iba pang kasamahan pero dahil na rin sa hamog, ang manunulat ay naging matagumpay sa misyon kung kaya’t nabigyan ng sariling grupo. Ipinapalabas lamang dito na tunay na katapangan at kagitingan ang ginamit ng manunulat sa pakikipaglaban upang makamit ang kanilang ninanais, ang kalayaan. Katulad sa huling bahagi na nakiipaglaban ang mga tao sa pamamagitan ng rally upang iwaksi sa isipan ng pamahalaan ang ideyang magkaroon ng Cha-Cha sa administrasyon.

Habang sa ika-sampung kabanata na may pamagat na “Ang Ulan ng mga Bala”, nangyari ang bahaging ito sa pagtatapos ng mga digmaan at biglaang pagsasailalim ng Pilipinas sa isang batas military ng Pangulong Marcos noon. Unang tauhan sa kabanata na si Chua, ang naipakilala sa kabanata. Isa siyang Tsino na pinagkamalang espiya ng mga Hapon. Ngunit pagdating ng huli ay napatunayan nilang nais lamang nito magnegosyo sa Sagrada. Kaya masasabi na sa bahaging ito, ipinapakita ang pagiging sentro ng buhay ng mga Tsino ang negosyo. Bago pa man mawala sa mundo si Chua, maraming mga negosyo at tindahan na itong napatayo kung kaya’t nakilala siya ng marami. Hanggang sa mapatay si Chua ng nagpapakilalang bagong grupo na lumalaban sa pamahalaan na tinatawag na “New People’s Army (NPA)”, ito ang naging mitsa ng tinatawag panahon ng mga binti at paa. Ang ibig sabihin ng mga panahong ito ay kailangan ang mabilisang pagtakbo kapag nakakakita ng mga kampon ng batas militar. Ganoon ang naging uri ng pamumuhay ng mga Pilipino sa mga panahong iyon dahil sa mga ginagawang pagmamalupit at pang-aabuso sa kapangyarihan ng administrasyon ni Marcos. Ipinakilala rito ang naging kalaguyo ni Nene na kasapi ng NPA na si Benjamin. Ngunit walang dapat makaalam nito sapagkat hindi ito nararapat para sa anak nina Don at Donya Nueva. Nang lumaon, naging magkaibigan at nagmamahalan na ang dalawa. Dahil dito, pinatunayan lamang na walang pinipili ang pag-ibig kahit ano pa man ang uri ng tao ang iyong iibigin. Naipakita rito ang tindi at lupit ng pag-ibig na sa kahit anumang unos ang nangyari at humadlang sa kanilang pagmamahalan. Ikwinekwento kay Boboy kung saan siya talaga nagmula at kung sino talaga ang tunay niyang ama. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagbunga ang pag-iibigan nina Benjamin at Nene. Bisperas ng ikaapat na taon ng batas militar, kailangan ng madala sa ospital si Nene dahil lalabas na ang kanyang dinadala. Ngunit sa kasamaang palad, mayroong checkpoint na nadaanan ang traysikel na sakay ng mag-asawa at mga kasamahan nila. Hinarang at ayaw paraanin ng mga pulis ang traysikel kung kaya’t napilitang lumaban at gumamit ng dahas ang mga kasamahan ni Benjamin. Nagkaroon ng tinatawag na “Ulan ng mga Bala” sa araw ng pagsilang kay Boboy. Sabi nga ng mga tao na ang kapalaran ay sadyang mapanlinlang kaya pagdating sa pagtanda ni Boboy, namulat rin ito sa kagamitang bumubuga ng bala, ang makapangyarihan ngunit makasalanang baril. Sa huling bahagi ng kabanata, lumabas ang malaking balita noon tungkol sa pagbaril sa bayaning si Ninoy Aquino. Habang sa dulo naman ng pahayagan, nakalagay sa maliit na litrato na pati ang asawa ni Nene na si Benjamin Buenaflor, na isang NPA, ay napaslang din.

Naging kapana-panabik ang aking pagbabasa dahil punung-puno ng aksyon at drama ang naging mga eksena sa dalawang kabanatang ito. Pinagsabay pa ito sa panahon ng pananakop ng mga Hapon at pagpapasailalim ng bansa sa batas militar ni Marcos. Kung kaya’t halo-halo ang naging mga emosyong aking naramdaman habang binabasa at iniintinding mabuti ang bawat detalye ng mga kwento. Tunay na nagpamulat sa akin ang dalawang kabanatang ito sapagkat naipakita nito ang pag-uugnayan ng kasaysayan ng Pilipinas sa mga pangyayari sa nobela sa pamamagitan ng malikhaing pag-iisip at pagsusulat ng manunulat.

- Jerome Uy Chua

Sunday, August 9, 2009

Kay Ganda ng mga Aral

Para ngayong linggo, kami ay naatasang basahin at unawaing mabuti ang ikapito at ikawalong kabanata ng nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”. Sa aking palagay, naging malikhain at kakaiba ang kinalabasan ng dalawang nasabing kabanata sapagkat hindi lamang tungkol sa isang tao ang pinag-uusapan. Sa ikapitong kabanata, mapapansing tinutukoy dito ang matinding pagmamahal at malalim na pagtingin ng nagsasalita para kay Selya. Samantala sa susunod na kabanata, ipinakita rito ang isang bahagi ng kabataan ni Nene kasama si Agatha. Sa dalawang kabanata, naging pareho sila sa paraang gumagamit ang mga ito ng makalumang tagpuan tulad ng mga pista o pista ng mga santo na dinadaluhan ng mga tao noong panahon kung kaya’t masasabi kong maiuugnay ang dalawang kabanatang ito.

Sa ikapitong kabanata na pinamagatang “Mater Dolorosa”, naging sentro ng kwento rito ang manliligaw ni Selya. Nagsimula ang lahat sa isang prusisyon kung saan maraming mga tao ang sumasali. Makikita natin dito ang mga paniniwala at tradisyon ng mga tao noong unang panahon lalo na sa aspekto ng pananampalataya gaya ng mga santa at santo. Mula sa pagkakasalaysay sa kabanata, ang binata ay gumagawa ng lahat ng mga paraan upang maipakita at maipadama ang tunay na pag-ibig na namamayani sa puso ng binata. Nang dahil sa pagmamahal para kay Selya, ang binata ay gumawa ng lahat na maaaring paraan upang magtagpo ang kanilang landas ng kanyang iniirog na binibini na si Selya. Dahil na rin sa pag-ibig, wala na sa bokabularyo ng binata ang pagsuko sa laban. Napilitan siyang manood ng prusisyon sa pagkakaakala na roon makikita niya ang kanyang inaasam. Kahit na maraming santo at santa na ang dumaan, hindi siya lumisan at hindi niya pinakawalan ang bawat sandali na maaaring lumitaw si Selya. Habang papadilim na ang langit, pumasok ang karosa ng Dolorosa, ang santang naghahanap ng bangkay ng kanyang anak. Nakita niya rito pala nakasunod si Selya ngunit siya ay nag-aalangan na lapitan at kausapin ito. Hanggang sa lahat ng mga unos ay nangyari na, tinulungan niya ang dalaga at nag-alok ng sakay sa kalabaw patungo sa kanyang nais puntahan. Pumayag naman ito at doon na natapos ang kabanata.

Batay sa naging takbo ng ikapitong kabanata, masasabing isang kadakilaan o pagtitiwala sa sarili ang mamamalas sa binata dahil kahit ano pa man ang mangyari, siya ay hindi umalis at sumuko para sa kanyang minamahal. Mapapansin din sa kabanatang ito ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, lahat ay kayang lampas an at pasukin para lamang makuha at maipakita ang tunay na nararamdaman para sa iniirog. Dahil noong panahon ito naganap, kung kaya’t masasabing naging pormal ang ibang mga bahagi ng kwento. Ngunit kahit na ganoon, ang mahalaga sa kabanatang ito ay maipaliwanag na walang bagay ang makukuha nang madalian kahit noon pa man ito o hanggang sa ngayong panahon.

Mula naman sa ikawalong kabanata na may pamagat sa “Liwanag at Dilim”. Naging pokus sa buong kabanata ay ang buhay kabataan ni Nene sa piling ng itinuturing niyang ina na si Agatha. Inilabas dito sa kabanatang ito ang mga naging sakripisyo ni Agatha. Inilabas dito sa kabanatang ito ang mga naging sakripisyo ni Agatha para sa alaga na si Nene. Tulad sa pagkakasakit ni Nene dahil naapakan nito ang bahay ng mga dwende. Hindi siya nagdalawang-isip na tulungan at ipagamot ito sa kanyang kakilalang arbularyo. Maaari ring isama rito ang pagsasama at pagpapakilala kay Nene ng mga mahahalagang tao sa buhay ni Agatha. Hindi rin pinabayaan ni Agatha si Nene sa anumang suliranin nito kahit sa pag-aaral. Hanggang sa sekondaryang pag-aaral, hindi iniwanan ni Agatha ang kanyang alaga dahil napamahal na ito sa kanya. Dahil sa kasanayan ni Agatha sa buhay, tinuruan niya kung paano maging praktikal ang isang tulad ni Nene sa kanyang pamumuhay. Tinuruan niya ito ng iba’t ibang mga gawain tulad ng paglalaba, paglangoy at iba pa. Pero di lamang pagtuturo ang nagagawa ni Agatha para kay Nene dahil pinapasaya rin niya ito sa pamamagitan ng pagdala sa kanya sa mga parada, santacruzan at prusisyon. Dahil sa pagkakawalay sa tunay na magulang, laging nagiging tanungan at sandalan na ng batang babae ang katulong na si Agatha. Kahit sa huling pangyayari sa kabanata, kung saan naghahanapan sila ni Agatha, hindi pa rin sila nagkahiwalay. Kitang kita talaga ang pagmamahal nila para sa isa’t isa lalo na noong Santacruzan kung saan lubusang hinahanap ni Nene si Agatha.

Sa ikawalong kabanata, nakakaantig ng puso’t damdamin ang mga naging tagpo nina Agatha at Nene. Makikitang lahat ng sakripisyo at magagawa ni Agatha para kay Nene ay hindi niya ipinagdamot sa batang alaga. Kahit marami ang nagtataka sa kanilang tunay na relasyon, hindi pa rin nagpapigil si Agatha na tumayong ina ni Nene. Lumabas dito sa kwentong ito ang tunay na pagmamahal ng katulong sa alaga na lahat ay kaya niyang gawin para lamang sa kanyang alaga. Batid ni Agatha na isang araw ay magkakahiwalay pa rin sila ni Nene dahil wala naman talaga silang tunay na ugnayan. Kahit na ganoon, wala pa ring humadlang sa determinasyon ng katulong na ipadama sa kanyang alaga na siya’y mananatili hanggang sa hindi na siya kailangan ng alaga. Kaya sa huli, naramdaman din ni Nene sa pangungulila kay Agatha sapagkat siya ang naging kasama, kalaro at kakampi sa lahat ng pagkakataon.

Sa kabuuan, ang dalawang nasabing mga kabanata ay nagpapakita ng dalawang uri ng pag-ibig. Una ay ang pagmamahal para sa sinisinta, na tinuturuan ang lahat na ang lahat ng mga bagay ay hindi puwedeng idaan sa mabilis na paraan, kailangang pagtiyagaan. Ikalawa ay ang pagmamahal ng katulong para sa kanyang alaga, na nagsasabing kahit na walang ugnayan ang dalawang nilalang, kaya pa nitong higitan anumang relasyon kahit na relasyon sa mga magulang. Kaya para sa akin, kay ganda ng mga aral na matututunan sa dalawang kabanatang binasa ngayong linggo.

- Jerome Uy Chua

Mga Piring

Bawat tao ay may kaniya-kaniyang pinaniniwalaan. Bawat tao ay may sariling paninindigan. Ipinakita ito sa sumunod na dalawang kabanata ng akda. Ipinapakita rin sa dalawang kabanata kung paano nagiging piring ang mga paniniwala.

Ang paniniwala o pananampalataya ang nagdidikta kung paano mabubuhay ang isang tao. Ito ang gumagabay sa mga tao upang makapagdesisyon. Ito ang humuhubog sa ugali ng mga tao.

Kitang-kita sa naunang kabanata na matindi ang pananampalataya ng mga taga-Sagrada kay Kristo at sa mga santa at santo. Ang kanilang prusisyon ang tiyak na halimbawa nito. Makikita sa kabanata na binibihisan ng magagarang damit ang mga santo at santa. Nag-uunahan din ang mga tao na makalapit sa mga estatwa at mapahiran ito ng mga panyo.

Isa pang paniniwala ay ang paniniwala sa mga duwende at mga kaluluwa sa kalikasan. Ang mga Agta, ang tribo ni Agatha ay naniniwala sa mga ito. Pinaniniwalaan nilang kaya nagkasakit si Nene ay dahil natapakan nito ang bahay ng mga duwende. Bilang dagdag, isinaad din sa mga unang talata ng kabanatang ito na marubdob ang paniniwala ni Bino sa mga pamahiin kaya naman namuhay siyang nakakulong sa mga paniniwalang ito.

Sa aking tingin, gumagawa ng isang pang-uuyam si Alvin Yapan sa mga paniniwalang ito. Una, hindi niya sinasabing masama ang manalig kay Kristo. Wala siyang sinasabing masama ang magkaroon ng prusisyon para sa mga santo at santa. Ipinapakita lamang ni Yapan na napakababaw na lamang ng tingin ng mga taga-Sagrada sa kanilang pananampalataya. Malinaw itong naipakita nang magsimulang umulan. Nang umulan, sa gitna ng kaguluhan, nawala na ang respeto ng mga taga-Sagrada sa mga estatwa ng mga santo. Nang magkaroon ng problema tila nawala na rin ang kanilang pananampalataya. Nag-unahan sila sa pang-aagaw sa mga sinag sa ulo ng mga santo at santa. Naging ibang tao sila. Pangalawa, marami sa mga taga-Sagrada ang nanliliit sa mga Agta. Kadalasan ay tinuturing lang silang bilang mga alila. Kaya nga nakatago sila sa sukal ng kagubatan. Ngunit sa kabanata, ipinakita na kahit mababa ang tingin sa kaniya ng lipunan, nagmula pa rin kay Agatha ang magagandang asal na isinasabuhay ni Nene.

Ang hatol: Maganda ang dalawang kabanata dahil siksik ito sa mga turo at binubukas ang isipan ng mambabasa sa mga paniniwala.


Miguel Enrico C. Paala III

Ang Aking Sariling "Stabat Mater" at "Liwanag at Dilim"

Noong ako'y nasa ika-unang taon sa mataas na paaralan, naaalala ko ang isang himnong tinuro sa akin ng aking guro. Tinuro niya sa akin ang Stabat Mater upang kantahin habang naglalakad tungo sa iba't ibang dramatikong pag-aarte ng Istasyon ng Krus sa loob ng Ateneo. Tulad ni Esteban, hindi ako sanay sa masyadong relihiyosong pagtutungo sa buhay noon. Kinabisa ko na lamang ang himno at kinanta. Medyo nahihiya kong sinasabing paliboy-liboy ang mata ko sa mga tao at bagay at hindi sa mga Istasyon.

Habang naglalakad, may sumama sa aming babaeng gustong magpasiklab sa aking guro. (Si Ginoong Pagsanghan kasi, kilalang-kilala siya sa Mataas na Paaralang Ateneo.) Sa totoo lang, siya ang aking pinag-aabalahan at binibigyang atensyon. Maputi-puti ang kanyang balat, napakaitim ang kanyang buhok at tila malulunod ka sa kanyang mata (napakabrilyante!). Hindi lamang iyon, mahinin siya ngunit magandang kausap at mainam siyang tagapakinig, soprano kung kumanta at higit sa lahat, kaakit-akit talaga. Nagnakaw yata ako ng masyadong maraming tingin, kaya sa istasyon ng pagkamatay ni Hesus, may pagkairita siyang sumabat sa akin. "May problema ba?"

Ayun. Sa hindi tinatakdang oras, ginalit ko siya at naglaho ang lahat ng tila reynang pagkatingin ko sa kanya. Matapos ng Istasyon ng Krus sa aming pag-eensayo, parang wala na lang akong makita kundi negatibo sa kanya. Suplada pala siya kung magalit, kulang sa pasensya kapag binigyang kritisismo, nagtatampo imbes na gawin nang tama sa simula at MARAMI PANG IBA!

Nang sinabi kinuwento ko ito sa aking kaibigan, natawa lamang siya. "Baguhan ka kasi," patawa niyang sinabi sa kin, "Hindi mo pa alam kasi ang mga babae." Wala na lamang akong imik, pero tama siya. Hindi naman ako lumalabas sa mga school fair ng mga eskuwelahang ekslusibong pambabae. Hindi rin ako gumagala sa mga sinehan, arcade at iba pang pook-libangan kasama ng babae tulad ng iba kong kaibigan. Kaya't binigyan ako ng payo ng aking kaibigan. Tingnan hindi lamang ang buhok, mata, tangkad, katabaan, (iba pang parte ng katawan!) kundi kausapin muna talaga ang kinagugustuhan. Ano ang gusto niya, ano ang ayaw niya, ano ang mga hilig niyang puntahan atbp. Ito'y para hindi raw ako magsayang lamang ng oras at magalit sa sarili.

Sa libro, ang kabantang Stabat Mater ay higit sa lahat para sa akin, isang pagtataya at pagsisid sa batis ng pag-ibig. Mahirap mang akuin o kaya'y tanggapin sa sarili na gusto o ayaw ka ng babae, ito'y mahalaga pa rin sa kinakabukasan. Hindi nga ba't sinabi ni Tennyson, "Mas mabuti pang nagmahal at natalo kaysa hindi man nagmahal kailanman"? Sa Liwanag sa Dilim naman, tinuruan si Nene sa mga bagay na kailangan ng babae noong panahong iyon - maglaba, maghugas, bumili atbp. Ngunit makikita rin ang takot galing sa sariling kaibigan (habang naglalaro ng Inserectus) at hirap kung hindi kasama ang pinakamalapit at pinakaminamahal (nang hindi magkatagpo sina Agatha at Nene habang dumidilim na). May mga kailangang matutunang bagay-bagay at matikmang hirap sa ating buhay.

Oo nga, sa aking buhay pati sa libro, sumisigaw sa akin ang makapangyarihang kasabihang "Mas mabuti pang magmahal at natalo kaysa hindi man nagmahal kailanman." Kailangan ding alalahanin kailangan maging maalam at maingat sa pagpili ng kasintahan at may hirap na daranasin sa pagmamahal.

-Armando T. Miclat III

Saturday, August 8, 2009

7-8

Ang naging paksa ng kabanatang Mater Dolorosa ay paano nagkakilala sina Esteban at Selya. Una niyang naitutok ang kanyang mga mata kay Selya, napa-ibig siya sa kanya. Alalang-alala pa niya ang kaniyang kasuotan at iba pa. Iniwan pa niya ang kaniyang puwesto sa pagtitinda kahit mapapagalitan siya ng kaniyang mga magulang kapag walang maiuwing benta dahil lang kay Selya. Ito ang larawan ng sinasabing “love at first sight”.

Tuwing itinatanong ako kung naniniwala ako sa “love at first sight”, lagi kong sinasabi na hindi pag-ibig ang tawag doon ngunit inpatuwasyon lamang o pansamantalang pag-ibig. Ngunit may mga kilala akong mga mag-asawang nagsasabing naranasan nila ang “love at first sight”. Isang halimbawa ay ang aking lolo at lola. Una silang nagkakilala noong sila ay nasa high school pa lamang. Sila ay naging magkatabi at doon nagsimula ang kanilang pag-ibig. Kahit hindi ako naniniwala sa “love at first sight”, nakakatuwa namang isipin na ito ay umiiral pa rin para sa ibang tao. Katuwa-tuwa rin si Esteban dahil nagawa niyang iwanan ang kaniyang tinda at magpaulan para lamang sa isang babaeng hindi pa niya ganoong kakilala. Kahit hindi sila nagkatuluyan, kahanga-hanga ang matinding pag-ibig ni Esteban para kay Selya.

Sa kabanatang Liwanag at Dilim, ikinuwento ang naging relasyon ni Nene at Agatha. Si Agatha ang gumanap bilang ina ni Nene. Inalagaan niya si Nene at marami rin siyang naituro kay Nene tulad ng paglalaba, paglalangoy, pamamalengke at iba pa. Si Agatha ang naging takbuhan ni Nene tuwing siya ay may kailangan. Dahil sobrang magkalapit si Nene at Agatha, naging ina ang turing ni Nene sa kanya. Sa tingin ko, kahit hindi inalagaan ni Selya si Nene, swerte pa rin si Nene dahil may nagmahal at nag-alaga naman sa kaniya kahit hindi niya ito magulang. Ang nakakalungkot lamang ay maghihiwalay rin sila sa pagtanda ni Nene. Masakit sa parte ni Agatha dahil malaki ang naging papel niya sa buhay ni Nene ngunit sa pagtanda ni Nene, babalik pa rin ito sa kaniyang tunay na ina.

- Jouela Tomas

Kabanata 7 & 8

Ang daming mga prusisyon na dinadaluhan ng mga Pinoy bilang pagpupuri sa Diyos at sa mga santo at santa. Naririyan na nga ang Semana Santa, Santacruzan at prusisyon ng patron tuwing pista. Ngunit, paminsan, nakakalimutan na natin kung bakit ba talaga ipinagdidiriwang ang mga ito. Imbis na nakatuon tayo sa mga paghihirap at sakripisyo na ginawa ng Diyos para sa atin o ang mga ehemplo na ipinakita ng mga santo at santa, mas binibigyang pansin natin ang mga magagarang suot ng mga kasama sa parada. Isang halimbawa na rito ang Santacruzan.
Ang Santacruzan ay isang banal na gawain. Mas itinatatag nito ang ating koneksyon or relasyon sa Diyos o sa Birheng Maria. Kaya kailangan nating galangin ang gawain na ito. Ngunit, sa kasalukuyan, parang hindi na ito ang nangyayari. Nauuwi sa patalbugan ng magagarang damit ang mga reynang kasama sa prusisyon. Ang Santacruzan na dapat ay isang pagbibigay puri sa Birhen ay nagiging parang isang beauty contest o fashion show. Dapat, panatilihan natin ang pagiging sagrado ng mga tradisyo na gaya nito. Iwasan nating mauwi ito bilang isang libangan lamang.
Kasama sa prusisyon ang karosa ni Mater Dolorosa. Kilala ang Mater Dolorosa bilang santang naghahanap sa bangkay ng kanyang anak. Gaya na lamang ng Dolorosa, may mga tao o bagay din tayong hinahanap. Hinahanap ni Esteban si Selya na nagpapatibok ng kanyang puso at hinahanap naman ni Nene ang pagmamahal ng mga magulang.
Iba nga talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Pagsuway at pagkalimot sa responsibilidad—nagagawa natin ang mga ito dahil sa pag-ibig. Wala naman talagang balak na sumama si Esteban sa prusisyon pero dahil sa kanyang pagnanais na makita si Selya ay natagpuan niya ang sarili na sumasabay sa prusisyon. Di makakaila na ginagawa natin ito kapag may “crush” tayo sa isang tao. Paminsa’y sinusundan natin sila; tapos ay papalabasin na nagkataon lamang na nasa parehong lugar. Inaalam natin kung ano ang mga hilig niya; tapos ay susubukin din ang mga ito. May mga sitwasyon ngang pipilitin na lang din nating gustuhin ang mga hilig ng ating mga “crush”. Paminsa’y kinikilig tayo kahit na ngingiti lamang sila. Umaasa tayong baka may gusto rin sila sa atin. Gaya na lamang ng pagbibigay malisya ni Esteban sa pagbili ng kandila sa kanya ni Selya.
Nang nabasa ko ang kwento ni Nene, naisip ko na tumatanda na pala talaga ako. Naalala ko ang mga panahong naglalaro kami ng mga pinsan ko ng tagu-taguan, bahay-bahayan, jelly base, tumbang preso, habulan at marami pang iba. Sa kabataan ngayon, malimit ko na ‘tong makita. Buong hapon na lang silang nakatunganga sa harap ng computer o di kaya’y nanonood ng telebisyon. Hindi na sila kasing aktibo kumpara sa kabataan dati.
Naawa rin ako kay Nene. Kung dati’y inaalagan pa siya ni Bino, ngayon ay natulad na rin siya kay Selya na walang kwentang magulang. Kahit na tinutustusan ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral, hindi naman sila ang nag-aalaga sa kanya. Mas malapit pa nga siya kaysa kay Agatha. Parang wala na ring pakialam sa kanya ang kanyang mga magulang. Noong nawawala si Nene, hindi man lamang siya hinanap ng kanyang magulang kundi ay pagkain ang kanilang nirereklamo kay Agatha. Naaalala ko ang mga magulang na sobrang nakababad sa trabaho na nawawalan na sila ng panahon para sa kanilang mga anak. Ipinapaubaya na lang nila ang pag-aalaga sa kanilang mga anak sa mga katulong. Bagaman ginagawa nila ito para na rin maibigay sa kanilang mga anak ang ninanais, sa tingin ko’y mas maganda parin ang buhay na puno ng pagmamahal kaysa kasaganaan sa materyal na bagay.

-M. Florendo

Sunday, August 2, 2009

Pagsinta

Ang susunod na dalawang kabanata ng akda ay nakatuon sa pagmamahal. Isinasalamin ng bawat tauhan sa kabanatang ito ang iba’t ibang mukha ng pag-ibig. Kay Selya at kay Bino, ang pag-ibig na taliwas sa mundo, ang pag-ibig na nagdurugtong sa langit at sa lupa. Sa albularyo ang pag-ibig ng isang nangungulila at nagsusumamo ng pagmamahal. Kay Boboy at Estela, ang pag-ibig na walang hanggan.

Naging malakas ang dating sa akin ng dalawang kabanatang ito kaysa sa mga nauna.

Unang-una, sapagkat nabunyag ang mga nakaraan ng mga tauhan at nagkaroon ako ng mas malalim na pang-unawa at pagkilala sa kanila. Hindi ko kailanmang naisip na ang alitan ng albularyo at ni Selya ay nagsimulang matamis. Minsan din palang umibig ang albularyo sa masungit na ngayong si Selya. Nang maibunyag ang nakaraan ni Selya bilang isang inaalilang kasambahay ng Don at Dona Nueva, mas naiintindihan ko kung bakit naging mapagmataas ang kaniyang ugali. Marahil upang ipakita na siya ngayo’y malakas na at hindi na pumapayag na magpababa pa sa iba. Naiintindihan ko na rin kung bakit kahit sinusungitan na ni Selya ang albularyo ay patuloy pa rin ang huli sa pagtulong nito sa mga problema ng nauna. Baka sa isang sulok ng kaniyang puso ay may natitira pa ring pagsinta para kay Selya ang albularyo.

Pangalawa, dahil nagkaroon tayong mga mambabasa ng pagkakataon na sumuot sa paa ni Boboy at makilala pa siya nang mas malalim. Naging epektibo ang pag-iiba ng may-akda ng punto-de-bista. Nang maging persona si Boboy, mas nailahad niya nang mabuti ang kaniyang mismong buhay. Ito ang magdadala sa atin ng mga sagot kung bakit nga ba nagpakamatay si Estela at kung bakit nga ba siya matagal nang nahihimbing. Nagiging mas malinaw ang kwento dahil sa dalawang kabanatang ito.

Huli, mas malakas ang naging dating sa akin ng dalawang kabanatang ito dahil ipinapakita nito ang mga mukha ng pag-ibig. Sinasabi ngang pagmamahal ang salitang maiintindihan ng lahat. Hindi ko lang mas naintindihan ang kwento, ipinamukha rin sa akin ng dalawang kabanata ang sarap at kasaklapan ng pag-ibig.

Bilang pagtatapos, ang dalawang kabanatang ito ay naging tulay sa akin ‘di lang para mas maintindihan ang akda at makilala ang mga tauhan kundi para mas maunawaan ang pagmamahal at ang iba’t ibang mukha nito.


Miguel Enrico C. Paala III