BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, September 13, 2009

Malapit Na

Sa ika-17 kabanata, makikita ang huling sandali bago ang pagkawatak-watak ng rehimeng Marcos sa Pilipinas. Nagkakagulo ang mga tao sa daan. Una marahil ay tahimik at payapa ang mga tao, pati si Nene nang makalabas na siya sa dyip na kanyang sinasakyan. Ngunit pagkalipas ng oras, narinig ang balitang planong lusubin ng militar ang Campo Crame at paalisin, marahil gamit ng dahas, ang mga grupo ng tao. Mga mahirap, mga mayaman, mga matanda, mga bata kasama na rin ang mga ateista at mga madre't seminarista. Nakatatakot isipin. Nawalay ang nanay sa iyo tapos masasangkot ka rin kasama ng mga taong hindi mo naman kilala. Hindi lamang iyon, uulanan ka pa ng usok, tatakutin ka dahil sa lakas ng sundalo't kanilang dalang baril at batuta. Pagkapunta naman ng Malacanang, nagkakagulo rin doon. Hindi na lamang sa kalye't sa EDSA ang mga tao kundi naghahanap na rin sila ng pabaon o souvenir mula sa Malacanang. Hindi pa rin mahanap ni Nene ang kanyang nanay... Nakatatakot, nakagagambala.

Sa ika-18 kabanata naman, tila nagkaroon ng raison d'etre o "dahilan ang lahat" ng nangyari sa libro dahil sa kabanata lamang na ito. Mahirap isipin ngunit ganoon nga kadahas ang mga Hapon sa mga Pilipino, karaniwan man o mayaman. Nakalulungkot isipin na ganito ang ginawa ng Hapon sa ating mga ninuno. Sila ri'y tao naman at may mga dangal, pangangailangan, pagnanais at iba pang totoong PANTAONG mga bagay. At dahil nga napakabastos at masama ang mga Hapon, kinailangang sagipin ni Esteban si Selya, nais niyang maghiganti. At nang gawin niya ang pagihihiganti, nang nagliyab ang kanyang buong kalooban, dito muling nakita ang kuwento ng Ibalong. Ang kuwentong ito ay biglang napakamatingkad at puno ng detalye at buhay.

Kaya't nang basahin ko ang mga kabanatang ito, naisip ko kung kailan nga ba nagkakaroon ng kuwenta ang kuwento ng buhay. Kailangan ba maging tulad ni Esteban, isang taong nakakita ng napakaraming karahasan sa buhay? Kailangan bang ilagay ang sarili sa kapahamakan - sa giyera, sa pagtatanggol ng bansa, sa minamahal, sa pagtataya para sa pag-ibig - para lamang magkaroon ng katotohanan ang buhay? Mahirap isipin, mahirap kong talagang mailagay ang aking sarili sa kuwento dahil hindi ako nakatira sa parehong panahon ni Esteban. Ang buhay sa siyudad ay tila madali. Ngayong walang giyera sa Maynila at hindi naman diktador ang kumukumpas ng araw-araw na pamumuhay, hindi naman ako maaaring maging aktibista o mag-aklas.

Doon na nga lamang ba ako makokontento? Sa pagbibigay ng dahilan kung bakit hindi mapanganib ang buhay ko tulad ni Nene? Maghahanap na ba ako palagi ng palusot para lamang sabihing madali ang aking buhay? Nagagalit ako sa aking sarili kasi tila kulang ako sa pagtataya, kulang ako sa sariling pagtataya. Kung may mawalay sa buhay ko, hindi ko alam kung pupunta ako hanggang sa Maynila at makikihalubilo kasama ng mga taong hindi ko kilala para lamang hanapin ang taong iyon. Kung ang aking minamahal ay ginagahasa, binabastos at ginagawang hayop, hindi ko alam kung susunggaban ko ang taong gumagawa noon. Ang alam ko lang ay gagawin ko kung ano sa tingin ko ang tama. Ngayong nasa huling mga taon na ako ng pagiging teenager at totoong ADULT na ako sa Pilipinas, kailangan kong matutong magtaya. Sa pag-ibig, kailangan kong magtaya kung hindi, mag-iisa lamang ako sa aking buhay. Sa paghahabol ng aking totoong nais, kailangan kong magsakripisyo at muling magataya. Kung kailangan kong pumunta sa aking sariling Malacanang upang makuha ko itong aking ninanais, dapat ko itong habulin.

Kailan nga ba nagkakaroon ng dahilan ang pagkakabuhay? Maraming maaaring sagot, ngunit ang isang siguradong sagot ay kailagan ng pagtataya. Aking nakagisnan na ang buhay na walang dahilan ay isang buhay walang kailangang pagtayaan. Dahil kung wala akong kailangang pagtayaan, ito'y ibig sahining wala akong ninanais, wala akong minamahal, wala akong hinahabol at wala akong gustong kinabukasan. Walang dahilan ang isang buhay na nakakahon lamang: nasisira, nalilimitahan, napapanis at nabubulok. Sa pagtataya lamang ako lumalaki, lumalago at nagkakaroon ng buhay. Sa pagtataya, roon namamasdan ang pag-ibig, ang pag-usbong, ang paglaki at pagkabuti ng buhay.

Hindi man nahanap ni Nene ang kaniyang ina at kinailanang masaktan si Esteban sa kanyang ginawa. Ngunit ang masasabi ko, dahil nagtaya ang dalawa, kahit nasakta sila sa labas at lalo na sa loob, nagkaroon silang dalawa ng mas dahilan sa kanilang mga buhay.

Kailan ko kaya masasabi para sa aking sarili iyon?

-Armando T. Miclat III

0 comments: