BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Saturday, September 19, 2009

Ang Mahiwagang Mata

“Ang Sandali ng mga Mata”, ang mahiwagang pamagat ng isang obra maestrang nobela ng manunulat na si Alvin B. Yapan. Mula sa pamagat, maraming mga interpretasyon at masasabi tungkol sa magiging nilalaman ng nobela. Mapapaisip ang mga mambabasa kung ano ang nasa likod ng mga mata at kung bakit sandali ang ginamit na salita para sa mata. Galing din sa titulo ng aklat, magkakaroon ang mga tao ng unang paningin na ukol ito sa tinatawag nilang “third eye” kung saan nakakakita ng mga multo o kaluluwa. Kung kaya’t tunay na nakakaengganyo at nakasasabik mabasa ang nobela sapagkat punung-puno ng kakaiba at makahulugang elemento ang nobela. Ngunit bago matapos ang buong nobela, ihahatid ko na lamang ang huling mga kaganapan, kaisipan at kaalamang makapagpapabuo sa kwento.

Mula sa ika-19 na kabanatang pinamagatang “Ang Alamat ng Lilang Takay”, nagsimula ang persona sa pagtutukoy at paglalarawan sa responsibilidad ng isang tagapagsalaysay ng kwento. Dahil malapit na ang katapusa ng nobela, kailangan matuldukan at mabigyang-linaw o mabunyag na ang mga lihim na nakakubli rito. Ipinakita ito sa kabanatang ito ang tunay na katauhan ni Oryol at tanging naging pala-isipan lamang ito para sa persona. Lahat ng mga bagay sa kwento ay halos nagmula sa mga makasaysayang alamat kung saan labis na pinaniniwalaan ang mga bagy na gaya nito noong unang panahon at ginagawa na nila minsang gabay sa kanilang buhay. Mayroong alamat na tungkol sa isang napakagandang binibining naninirahang mag-isa sa kasukalan ng bundok na katatagpuan ngayon ng Lawa ng Bato. Takay ang pangalan ng babaeng ibinigay sa kanya ay marami ang sabi-sabi tungkol sa kanyang pinanggalingan at iba pang mga katangian. Nagkaroon ng delubyo ng isang araw kung saan tila hinahabol si Takay ng kidlat. Dahil sa pag-ibig at pag-aalala ni Kanaway para sa kanya, ito’y kanyang sinundan. Sa huling banda, niyakap na lamang ni Kanaway si Takay kung kaya’t si Kanaway ang natamaan ng kidlat at naging bato. Ipinapakita rito ang simbolo ng tindi at tunay na pagmamahal ng lalaki para sa binibini na hanggang sa kanyang huling sandali ay naipadama nito ang kanyang pag-ibig. Hanggang sa bago matapos ang kwento, talagang ginamt pa rin ng manunulat ang alamat upang maihandog ang nais niyang iparating.

Samantala sa huling kabanata na mayroong pamagat na “Mga Pag-uwi”, dito na ibinuhos ng persona ang kanyang mabigat na damdamin tungkol sa mga nakikita niyang mga kaganapan na siya lamang ang tanging nakatatanaw. Mula sa pamagat na “Mga Pag-uwi”, ipinakito rito ang isang mahalagang pamamaalam ng persona sa mga bagay-bagay. Dito rin nabuksan an lihim ng kanyang mga mata, kung saan masasabing nalikha lamang ang mga pangyayari sa nobela mula sa isipan at imahinasyon ng may-akda. Mahahalata rin ditto sa bahaging ito na tila lahat ay patungkol sa sarili at ang tanging kausap niya rito ay walang iba kung hind siya mismo. Inalala rin ng persona ang mga naranasan habang nililikha ang buong nobela. Naging malaki at mahalagang bahagi para sa persona ang mga tauhang gumanap sa kanyang kwento na tunay na naging malikhain ang pagkagawa. Sa kanyang pananalita, maiisip at masasabing may pagkalungkot o pagkayamot sa nadarama ng persona habang ipinapahayag ang kanyang papalapit ng pagtatapos at paglisan sa istorya. Nsabi rin sa huling bahagi na maraming mga tauhan o halos lahat ay nagpaalam na rin sa kanyang nobela kung kaya’t marapat lamang na magkaroon na ng katapusan ito. Ang pinakamahalagang linya roon ay “Ang mga kwento ay nananatiling buhay magpakailanman sa kanilang pagkaluwal bilang mga alamat na walang kamatayan”. Iyon na ang huling linya sa nobela na tunay na nagpapakita at nagsasabi na ang mga kwento ay kailanman hindi mawawala sa puso at isipan ng bawat nilalang dito sa mundo.
Kung babalikan ang labas ng libro kung saan mayroong larawan ng isang mata na may kakaibang anyo. Kapag titingnang mabuti ang larawan, maraming mga kakaibang bagay na nasa loob nitona naglilikha ng kaguluhan na sumisimbolo sa buong nobela. Nais lamang ipakita ng larawan ang tunay na nilalaman ng istorya na may iba’t ibang elemento na sinisimbolo ng mga kakaibang mga bagay sa loob ng mata. Ngunit ang lahat ng mga ito ay may isang pinanggalingan, at ang aking tinutukoy ay walang iba kung hindi ang makapangyarihan at mahiwagang mata ng mga tao. Gaya sa tunay na buhay, napakahalaga talaga ng mata para sa bawat nilalang kung kaya’t walang duda na ito ang naisip na simbolo ng may-akda. Wala akong masabi sa may-akda ng nobelang ito na si Alvin B. Yapan sapagkat ipinakita niya rito ang kanyang malikhaing paraan ng pagsusulat. Hindi lamang dahil doon, dahil na rin sa napalabas niya ang iba’t ibang isyu at sakuna sa lipunan na hanggang sa ngayon ay dinadanas pa rin natin sa pamamagitan lamang ng tinatawag niyang mahiwagang mata.
Jerome Uy Chua

0 comments: