BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, September 20, 2009

Huli Na

Paano ba gumagawa ng isang alamat? Malamang natalakay na ito sa isang bahagi ng klaseng Filipino, ngunit baka kailangan ko lamang sabihin muli. (Biglang napunta muli sa aking isipan dahil sa kawakasan ng libro.) Kailangan bang matanda at ubanin ka na upang magsulat ng isang alamat (marahil tulad ni Esteban)? Kailangan ba ng buhay na puno ng pighati at puno ng kababalaghan ang buhay para makasulat ng isang alamat? At kung magsulat man ng alamat, sa pagtatapos isipin at isulat ito, masasabi ba talagang huli na ito?

Sa kabanatang Ang Alamat ng Lilang Takay, maaaring sagutin ang mga tanong na ito. Sa kabanatang ito, makikita ang kuwento, ang isang alamat, tungkol kay Kanaway at Takay. Makikita na ang mga pangyayaring pag-ibig nina Kanaway at Takay ay maaaring isang dramatisasyon ng totoong pag-ibig na nangyayari sa ating buhay. Minsan nga, kailangan ng pighati at ng kababalaghan hindi lamang para magsulat ng isang alamat, ngunit para magsulat ng isang may kuwentang alamat (tulad ng isinulat sa kabanatang ito). Sa akin, parang isang traehdya ang nangyari sa dalawa - kung tila naman naging isang bato ang aking iniibig! Ngunit nang matapos isulat at ibuhos ang sarili sa isang kuwento, hindi lamang ito basta-bastang natatapos. Ito'y dumadagdag, yumayaman at lumalago. Nagiging parang kuwento na rin para sa ibang kuwento ang kuwento natin. At dumadagdag, yumayaman at lumalago ang kuwento natin, hindi kailanman hihinto!

Sa huling kabanata, Mga Pag-Uwi, maaaring mahinuha sa pamagat pa lamang ang isang pag-uwi o pamamaalam na gagawin ng persona sa lahat. Ibinuhos na niya ang kuwento ng kanyang buong buhay. Sa Ingles, may closure o pagwawakas na ang mga ito sa kanyang buhay. At maaaring tingnan na ito'y para sa ikabubuti na ni Esteban. Lilisanin na niya ang kuwarto at maaaring simbolo ito ng paglisan sa mga karahasan at kahirapang nangyari sa kanya. Matapos ng lahat, nagiging introspective o paloob ang pag-iisip ni Esteban sa kanyang sinulat. Muli, sa ating buhay, tila ganito ang nagyayari. Hinding hindi maiiwasan ang kahirapan sa ating buhay. Malamang kailangan nating harapin ang paghihirap na ito. Baka pagkatapos mismo ng hirap, kaya na nating harapin ito. Ngunit, maaari ring tulad ni Esteban, taon pa ang lilipas bago kayang harapin ang kahirapan ng buhay.

Ngunit mula simula hanggang pagtatapos ng kuwento, kahit na kailangang magsulat ng blog at ng reaksyon ukol sa nangyayari sa binabasa, kahit hindi man kailangang magsulat, ako mismo ay napaiisip at nagkakaroon ng sariling repleksyon. Ang buhay ay puno ng kuwentong maliliit. Maaaring kuwento ito tungkol sa atin sa ating pang-araw-araw na buhay. Maaari ring kuwento naman ito ng mga taong nahahalubilo natin at ang kanilang kuwento ay nagtatagni-tagni sa tela ng ating buhay. Anuman ito, kailangan lamang pag-isipan ito at bigyang halaga. Minsan, ang mga totoong mahalaga at hindi makakalimutan sa buhay ay lumalabo dahil sa kulang ng pag-iisip na magbubunga sa hindi pag-alala ng mga ito.

At isa pang natutunan ko? Parang hindi kailanman masasabi ang, "Huli na." Kahit ang kuwento ay tutuloy at tutuloy. Ang buong mundo ay puno ng napakaraming tao at karanasan at ang kuwento ng mga taong ito at ng kasaysayan ay hindi matatapos kahit maglaho ang aking buhay. Kahit sa buhay ko ngayon, baka imposible sabihin ang dalawang salitang iyon. Oo, tapos na ang librong ito, ngunit ang mga repleksyon at pangyayari ay hindi lamang basta-bastang mawawala sa akin. Tulad ng mga pangyayari sa tela ng aking buhay, ito'y mananatiling buhay, maghinintay hablutin muli at gamitin para dumagdag, yumaman at lumago ang buhay.

-Armando T. Miclat III

0 comments: