BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Friday, July 31, 2009

Pag-ibig Nga Naman

Sa pagpapatuloy ng aking pagbabasa sa nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”, napansin ko ang magandang transisyon o pagkakasunud-sunod ng mga kaganapan. Nalaman nating nagsimula ang nobelang ito noong panahon ng mga Espanol. Habang sa ikalima at ika-anim na kabanata, makikita nating ang nangyari ito noong panahon na ng mga Amerikano at Hapon. Nabibigyang katuturan at katarungan ang mga tagpo sapagkat naiuugnay ito sa mga nakatakdang panahon. Naging maayos din ang takbo ng kwento kahit na makikitang biglaang sumusulpot ang iba’t ibang mga katauhan sa istorya.

Sa ikalimang kabanata ng nobela, umikot ang lahat sa kwento ng pagkabata ni Selya. Panahon pa ng mga Amerikano noong pumasok si Selya bilang katulong sa pamilyang Nueva. Doon sa yugto ng buhay ni Selya nagsimula ang pagdadalaga niya. Kilala siya sa isa sa mga magagandang mga binibini noong panahon na iyon. Dahil sa pagsisilbi niya sa hacienda ng mga Nueva, natuto siy ng mga bagay-bagay at gawain tulad ng pag-iingat sa pinggang galing sa Tsina, pagpapatuyo ng mga kopitang kristal nang hindi nagkakapingkian at lumilikha ng tunog o ingay, paghahain ng iba’t ibang putahe at inumin at iba pang mga gawain sa hacienda. Dahil din dito, namuo ang pag-iibigan nila ni Bino o Severino. Nangyari ang lahat sa isang di inaasahang pagkakataon at tanging kapalaran lamang ang may hawak. Ito ay noong akala ni Bino ay nagtatangkang magpakamatay si Selya sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog kung kaya’t sinagip niya ito kahit na hindi naman talaga ito magpapakamatay. Sa isang mahigpit na yakap sa ilog ang naging simula ng kanilang pagmamahalan. Hanggang sila’y magtagal at madalas na umuuwi na roon si Bino kung kaya’t mabilis na kumalat ang mga balita sa buong hacienda tungkol sa kanilang relasyon. Dahil doon, hindi maikakailang nagmamahalang tunay talaga ang magkasintahan sapagkat lahat ay nawawala sa kanilang paningin kapag silang dalawa lamang ang magkasama.

Pero gaya ng sabi ng lahat, walang sikretong maitatago sa habang panahon. Lahat ay malalaman at masisiwalat pa rin kahit gaano pa man kagaling ang pagtatago na gagawin ng isang tao. Nahulog na nang lubusan ang kalooban ni Selya kay Bino na itinuturing niyang araw ng kanyang buhay na sa kanya ay nagbibigay liwanag sa araw araw. Kung kaya’t kahit anumang mangyari, lahat ay kaya nilang kalimutan at sugurin para matupad lamang ang kanilang ninanais. Katulad sa mga palabas sa telebisyon at sinehan, nagalit ang mga magulang ni Bino nang malaman na ang kanilang anak ay umiibig sa isang katulong o alila sa kanilang hacienda. Ngunit dahil sa tindi ng pag-iibigan ng dalawa, hindi sila nagpaawat at dinala ni Bono si Selya sa kanilang tahanan upang pormal na ipakilala si Selya sa kanyang mga magulang. Nang umayaw talaga ang mga magulang ni Bino kay Selya, walang nagawa ang dalawa kung hindi magsinungaling na nabuntis ni Bino ang dalaga kaya kailangan niyang panindigan at pakasalan si Selya. Nagtapos naman ang kwento nito nang mabalitaang pinasabog ng mga Hapones ang Pearl Harbor na ikinagalit ng Estados Unidos kaya nagkaroon ng digmaan.

Samantala sa ika-anim kabanata, tungkol din sa pag-ibig ang naging paksa. Ngunit mapapansin dito ay gumamit ng mga malalalim na kasabihan, paniniwala at talinghaga ang manunulat upang ipakita ang pagiging malalim mag isip ng mga tauhan kung kaya’t lahat para sa kanila ay may katumbas na kahulugan. Kahit na mismong pagsasayaw lamang ng tinikling na kilala sa ating bansa, ay may kahulugan para sa dalawang katauhan sa kabanatang ito. Inihahambing daw ito sa buhay ng tao na walang pinagkaiba sa pagsasayaw ng tinikling, may dalawang kawayan na nagsisilbing mga hadlang, at kapag nagkamali ka ng tapak at naipit ka sa mga ito, iyon ay itinuturing na problema ng isang tao. Dahil ang buhay ay hindi lamang daw simple, imposibleng walang madadaanan na hirap sa paglipas ng panahon. Kasama rin dito ang sinasabing “walang imposible”. Dahil kahit na magkalayo ang kanilang antas ng pamumuhay, talagang nagtiyaga ang tauhan upang makuha ang kanyang iniirog na si Estela Maris o Estela Luna. Nagkaroon sila ng sumpaan na babalikan niya ang dalaga at hintayin lamang ang kanyang pagbabalik. Kaya roon na mismo umikot ang lahat ng mga pangyayari sa kabanatang ito.

Tunay na napaisip ako sa naging pamagat ng ikalimang kabanata na “Ang Alamat ng Mirasol”. Kung kaya’t inalam ko mismo kung bakit ganoon ang naging pamagat nito. Ayon sa alamat, lalaki ang bulaklak na mirasol: isang lalaking namatay sa araw-araw na pagtitig sa binatang hinihintay niyang pagdungawan ang dalagang binawi ang pangakong hinding-hindi magmamaliw ang pag-ibig para sa kanya. Nang mamatay ang binata sa kahihintay, tumubo ang kauna-unahang mirasol sa kinagawian niyang hintayan sa hardin ng dalaga. Naging makabuluhan itong bahagi ng aking pagbabasa dahil nagkaroon ako ng bagong ideya tungkol sa pag-ibig. Nakita rin sa kabanatang ito na ang nagsasalita ay may lihim na pagtingin kay Selya at hanggang sa pagtatapat nina Selya at Bino, siya ay nanatiling naroroon na sinusuportahan ang kanyang minamahal.

Sa kabuuan, wala ng mas titindi at mas makapangyarihan pa sa pag-ibig. Lahat ay kayang magawa, masugpo at malampasan kahit ano pa man ang humahadlang sa kanilang pagmamahalan. Kaya tunay na napabilib at nabighani ako sa pagkakasulat ng dalawang kabanatang ito dahil nagsilbi itong pagmulat sa akin upang magkaroon ng magandang pananaw tungkol sa pag-ibig para sa sarili. Sana ay mas naging makabuluhan at kapana-panabik ang mga susunod pang mga kabanata ng nobela.


by: Jerome Uy Chua

0 comments: