BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Saturday, July 25, 2009

Ibang Klaseng Buhay

Maaaring dahil nakatira ako sa lungsod o dahil nakatira ako sa ika-21 siglo ngunit bihira akong makarinig ng mga kuwentong "kakaiba." Ang bukambibig ng mga tao ngayon ay parati kung ano ang pinakapopular na bidyo sa YouTube o TV. Ang pinag-aabalahan ng aking mga kaibigan ay hindi mga pamahiin o mga kuwento-kuwento kundi ang kanilang mga Facebook at mga blog. Pati mga buhay sa loob ng bahay mismo, ako pati ang aking mga kaibigan ay may mga pare-parehong kuwento lamang. Oo, minsan nagkawatak-watak na ang pamilya, ngunit kumportable pa rin ang buhay. Mahirap maging "kakaiba" ngayon.

Sa ika-tatlong kabanata ng aklat, nakikita roon ang pagkabuhay ng isang tauhan ay hindi dahil sa suwerte lamang. Huminto ang pag-akyat ng lahar dahil alam niya ang kuwento ng Ibalong. Sa kabanata, inilahad ang kuwento ng Ibalong at ito'y pinasa-pasa sa pari at sa ibang tao. Pagkarating sa iba, maaaring naiba ito nang kaunti o kaya nama'y ibang bahagi ay nalimutan.

Ako at lahat tayo ay may mga kuwento. Kahit na nakatira ako sa Maynila, sa subdibisyon at napalilibutan ng Internet, TV at makabagong teknolohiya, sa ilalim ng lahat ng ito, mayroon din akong kuwento. Ang lahat ng taong aking nakausap, sa totoong buhay man o sa YM ay nag-iiwan ng marka. Minsan, ito'y napakasaya at kailangan kong sabihin sa kaibigan para siya rin ay makisalo sa aking pagkagalak. Sa ibang panahon nama'y puno ako ng pighati o galit at nagkukuwento ako para maalis ang bigat sa dibdib. Kahit papaano, mahalaga ang kuwento nating lahat. Kahit ibahin man ang ibang mga detalye o marahil ay kalimutan ng tao't panahon, ito'y nakaaapekto talaga.

Suwerte ako dahil hindi ma-donya ang aking nanay. Noong bata pa ako, kinukupkop at inaalagaang mabuti ako ng aking nanay (at tatay siyempre!). Sa panahon ng sakit, sa pagbibigay edukasyon, sa pagtuturo ng tamang asal at napakarami pang iba, nariyan si nanay at tatay. Hindi ko maatim isipin kung gaano kahirap ang kabataan ni Nene. Oo, tinutulungan siya ni Bino at ni Agatha, ngunit nariyan si Selya... Halos walang pakialam.

Ngunit pagkatapos ng balewalang pag-aaruga ni Selya, natuto pa rin si Nene. Napagpakinabangan siya sa hacienda dahil alam niya ang mga prutas at alam niya kung kailan handa ang mga itong kunin. Sa huli, aking masasabi na naging mabuti namang bata si Nene. Siya'y nakakuha ng prutas (sa Ingles ay, "Fruits of labor") at naging mabuti namang anak.

Ako rin ay nagpapasalamat sa aking magulang. Kung wala sila, marahil hindi ko matatamasa ang prutas ng buhay.

-Armando T. Miclat III

0 comments: