BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Wednesday, July 22, 2009

Kay Lalim Ngunit Nakakaantig Damdamin

Isang magandang araw muli sa inyong lahat na mambabasa ng mga blogs dito. Sa pagpapatuloy ng aking pagbabasa sa aklat na pinamagatang “Ang Sandali ng mga Mata”, kami ay naatasang basahin ang ikatlo at ikaapat na kabanata para sa linggong ito.

Nasabi ko noong unang blog ko na mas kawili-wili sanang basahin ang mga susunod pang mga kabanata. Sa pagbabasa ko ngayon, mas nagamit ang aking imahinasyon at pag-uunawa upang maintindihan nang lubusan ang kwento. Dahil sa malalalim at mahihirap na salita, hindi naging tuluy-tuloy ang aking pagbabasa kung kaya’t naging medyo malabo ang ibang mga pangyayari sa dalawang kabatang iyon.

Para sa ikatlong kabanata ng nobela, ito lamang ay pagpapatuloy ng kanilang pagsasama ni Bobby sa gubat. Nagsimula ito sa paghiling ni Boboy ng kwento ngunit nahirapan mag-isip ng kwento dahil ayaw niyang mapaalala kay Boboy ang lahat ng tungkol sa pag-ibig, pagmamahal, pagkabigo at paghihiwalay. Napag-usapan din nila rito ang tungkol sa lugar ng Bicol. Lalo na ang makasaysayang pangyayari hindi maaaring makalimutan ng mga Bicolano. Noong sumabog nang malakas ang bulkang Mayon na kumitil ang sa maraming buhay at ari-arian. Ipinakita rin dito ang mga itinuturing na bayani ng Bicolandia na masasabing nagkataon lamang na naging mga bayani sa lugar. Kung kaya’t lahat ng mga tagpo rito ay nakabase lamang sa pagsasalaysay.

Samantala sa ikaapat na kabanata, naantig ang damdamin ko tungkol sa pamilya ni Severino. Napakaganda ng naging pagsisimula ng kabanata dahil ito ay sinimulan sa pagsasabi ng “May lihim ang mga tao na ayaw na nilang ungkatin kahit laging naaalala. Pilitin man nilang limutin, bumabalik at bumabalik pa rin sa kanilang gunita. Kaya kailangang ingatan bilang pinakatagu-tagong lihim.”. Si Nene ang mahiwagang lihim ng dalawa. Ito ay ang batang ipinagbubuntis ni Selya. Makikita na sa simula pa lamang ay dumating na ang sinasabi nilang “aswang” na nasa kanilang bubong. Dahil doon, agarang ipinabinyag si Nene dahil parang malapit siya sa masasamang elemento. Pero ayon sa kwento, si Nene ay hindi inaalagaan ni Selya kailanman. Kung kaya’t napilitan si Bino na mag-alaga sa batang babae. Ang lahat ng dapat na tungkulin ni Selya ay ginagampanan ni Bino. Pero kahit na ganoon, wala pa ring pakialam si Selya. Bilang isang don sa hacienda, kailangan ding gampanan ni Bino ang pagiging may-ari ng hacienda. Kaya kumuha siya ng mag-aalaga kay Nene at iyon ay isang Agta na nagngangalang Agatha, na inirekomenda ng ninong ni Nene na si Lope. Habang pinamamahalaan ni Bino ang hacienda, si Agatha naman ang nag-aalaga kay Nene. Kung kaya’t inakala ng marami na pinalitan na si Selya ni Agatha sa puso ni Bino. Pero dahil sa pagnanais ni Selya magamalaki na kaya rin niyang kumita, ginaya niya ang Bombay ngunit pag dating sa huli, siya rin ay nabigo. Si Nene naman, ay lumaki sa ilalim ng pangangalaga at pangaral ng kanyang ama. Dahil dito, silang dalawa ang laging magkasama at magkasangga sa lahat ng kanilang gagawin.

Kung mapapansin, mas mahaba ang naisulat ko para sa ikaapat na kabanata kaysa sa ikatlong kabanata sapagkat mas nagkaroon ako ng interes sa pag-uunawa tungkol dito. Nabigyan ng mga kakaibang pamagat ang dalawang kabanata na ito. Para sa ikatlong kabanata ay “Sa Ilog, mga Lilang Tangkay”, dahil dito niya natagpuan si Boboy na inakalang nawala at nagsimula ang pagsasalaysay kay Boboy tungkol sa Bicol. Habang sa ikaapat na kabanata na pinamagatang “Sa Pagdagsa ng mga Prutas”, ito ang pamagat sa kadahilanang ito ang pinakamasayang gawain para kay Nene kapag anihan, hindi dahil sa pagnanais na makain ito, kung hindi dahil nais niyang makuha at ibigay sa ama ang mga bunga ng mga ito.

Sa kabuuan, may dalawang kwento ang nasabi sa dalawang kabanata. Dahil dito, nais ko tuloy mas mabasa at maunawaan ang mga susunod pang kabanata upang malaman kung ano ang mga dahilan para mabanggit ang mga kwentong ito. Hanggang dito na lamang ang aking pagsusulat, salamat sa pagbabasa at sana abangan pa ang mga susunod pang kabanata.
by: Jerome Uy Chua

0 comments: