BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Monday, August 17, 2009

Sakripisyo

Hindi ko gusto ang giyera. Sa aking palagay, walang ginagawang tama ang giyera. Tuwing mayroong kuwento tungkol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig o kaya nama'y balita galing sa giyera sa Mindanao, palagi na lamang akong nagagalit sa mga naglalaban. Para saan ba ang laban? Para sa lupa? Para sa personal na pagyaman? Paghiganti? Sa isipan ko talaga, "Ang kawakasang gusto ay hindi dahilan sa basta-bastang aksyon." (The end does not justify the means.) Sa unang pagputok ng baril, wala nang panalo. Para lamang mga hayop ang mga naglalaban. Patayan, hidwaan at muling patayan.

Hindi ko mapagkakaila ang sakripisyong inilalaan ng mga naglalaban. Mayroon silang mga pinaniniwalaan, kaya sila naglalaban. Sakripisyo... Naaalala ko ang kuwento sa akin ng aking lola tungkol sa aking lolo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa mga panahong iyon, mga 14 na taong gulang pa yata ang aking lolo. Masyado pa siyang bata para maging gerilya o kaya nama'y makisangkot sa labanan kasama ng mga Amerikano laban sa mga Hapon. Tulad ng kuwento, may mga checkpoint na ginawa ang Hapon sa Olongapo kung saan nakatira ang aking lolo. Ngunit sa payak na paraan, nakatulong siya sa mga gerilyang kilala niya. Dahil bata lamang siya, pinagbibilinan siyang magtago ng baril at bala sa isang bayong ng mangga. Hindi na siya hinihinto dahil bata nga lamang siya. Ngunit laking takot ng nalaman kong isang beses, pinahinto ng isang guwardiyang Hapon ang aking lolo. Hinalungkat ang kanyang bayong... Ngunit sa awa ng Diyos, magaling magtago ang aking lolo. Hinagis na lamang ng Hapon ang mangga sa daan at pinadaan ang aking lolo.

Noong panahon naman ng Marcos, hindi aktibista ang aking mga magulang. Minsan nga, kinakasuhan sila ng sarili nilang mga kaibigan sa sila'y apolitikal at walang pakialam sa mga kasalanan ni Marcos. Isang tinagong sikreto ang pagiging aktibista ng aking ninong. Hindi tulad ng tatay ko, siya'y aktibo sa rebolusyong estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas noong Martial Law. Lingid sa isipan ng aking lola, lumalabas tuwing gabi ang aking ninong upang dumalo sa mga miting pati ang pagbibigay propaganda. Isang gabi, nahuli ang aking ninong ng pulis ni Marcos. Hanggang ngayon, hindi makumpleto ng ninong ko ang kuwento. Kahit sa aking lola, kahit sa mga kapatid niya at kahit sa kanyang asawa, hindi niya maatim sabihin ang malamang mapait na nakaraan.

Sakripisyo. Hindi lamang sa malayong libro o kaya sa bibig ng tao sa telebisyon ko narinig ang sakripisyo para sa mas malaking misyon. Ako'y hangang-hanga sa aking lolo at ninong. Kahit na ako'y hindi makipag-sang-ayon sa giyera pati sa komunismo, hindi ko maalis ang paghanga sa kanilang ginawa. Malamang, nakatulong ang mga baril at balang dinala ng aking lolo sa pag-alis ng mga Hapon sa Olongapo. Malamang, may mga dunong at pusong naudyok ang aking ninong sa pagtatakas gabi-gabi para sa rebolusyon.

Halos madali ang buhay ko ngayon kung tutuusin. Ano namang sakripisyo ang magagawa ko lalo na't walang giyera at wala namang Martial Law na pumapalibot sa Pilipinas ngayon. Ang sakripisyo ko na lang ay ang pagbubuti. Ang ME ngayon ay, walang biro, isang napakahirap na kurso. Wala akong maisip na panahong kasinghirap sa akademiko sa buong buhay kong pag-aaral. Ngunit katiting lamang ito sa hirap na dinanas ng lolo at ninong ko. Sila'y tulad ng mga tauhan sa librong nagsakripisyo (si Esteban sa giyera at si Nene at Benjamin) ngunit mas mabuti dahil sila'y mga naging TOTOO sa buhay ko.

Sakripisyo. Napakadaling sabihin, napakahirap gawin.

- Armando T. Miclat III

0 comments: