BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, August 23, 2009

Lihim at Sikreto

Sa murang edad ng 18, maraming nang tao ang aking nakisalamuha. May mga ibang taong masasabing "normal." Normal dahil sila'y gumigising ng alas-sais ng umaga, kumakain ng almusal, dumadayo sa eskuwelahan, nakikinig, nagkakantiyawan sa kaibigan, umuuwi, nag-aaral pagkatapos natutulog. Kung ang lahat ng mga kaibigan, kamag-aral o basta tao ay ganito sa buhay, masasabi kong madali akong maiinip. Minsan, may mga ibang klaseng karakter na lumalaktaw sa espasyo. At gustuhin ko man o hindi, sila ang mga naaalala ko.

Para hindi naman sila mabisto, hindi ko gagamitin ang kanilang totoong pangalan.

Noong ako'y nasa ika-unang baitang, naging kaklase ko sa 1-Narra si MG. Si MG ay hindi karaniwang bata noon. Noon, palagi niya akong tinutukso. Sa lahat na lang ng bagay tungkol sa akin, mayroon siyang nahahanap na puwedeng kantiyawan. Ang aking sinturon, ang aking pantalon, ang aking buhok, ang aking hilig, ang aking ayaw, ang akin... Basta, napakarami! Nauwi ito sa isang araw na hinagisan ko siya ng bato. Nasaktan siya, sinumbong niya ako sa coordinator ng ika-unang baitang at pinagsabihan kaming dalawa. Magaling akong gumawa ng kuwento at pinalagay kong ako ang inaapi at siya ang malupit. Napunta sa kanya ang lahat ng sala. Mas lumalala pa ang lagay ni MG. Lumalagpak siya sa lahat ng pagsusulit, nagsasalita siya nang masama sa harap ng guro (nagsasabi na ng P.I. kahit na unang baitang pa lang!), gumagawa ng kalokohan atbp. Hindi ko na siya nakita muli pagkatapos ng ika-unang baitang. Sipa na raw. Ngunit sa mga sumunod na taon, nahiya ako sa ginawa ko at bigla akong naaninagan tungkol kay MG.

Naghiwalay pala nanay at tatay niya, kaya siya naging ganoon.

Pangalawa naman si JB. Noong ika-apat na taon sa mataas na paaralan, nagkaroon ng kaibigan si JB galing sa isang pribadong paaralang pambabae. Hangang-hanga ako sa kanya dahil sawi siya noon. Ang dami na niyang mga kaibigang babaeng nagsabing "HINDI" sa kanya at sa wakas, nagkaroon na siya ng girlfriend. Masaya ako para sa kanya. Noong una, ang tamis ng kanyang pagmamahal. Sa umaga, ubod ng dami ang kanyang pag-text. Sa hapon, ang babae lamang ang kanyang pinag-uusapan at sa gabi, palagi na lamang nag-uusap gamit ang YM. Isang umaga, nang kaming dalawa pa lamang ang nasa silid, ibang-iba ang hitsura ni JB. Namumula ang mata, napakaitim at lalim ng kanyang eyebags, sabog ang kanyang buhok at halatang kaba siya. Sinabi niyang nahihirapan siya sa Matematika at tinatambakan siya ng gawain. Ngunit hindi naman bumuti ang kanyang lagay. Palagi na lamang siyang pumapasok na sabog, kulang sa tulog at may problemang nahahalata sa kanyang mata.

Nagtalik kasi siya. Naghintay siyang isang buong buwan bago malamang hindi naging buntis ang kanyang girlfriend.

Tulad ng kuwento, marami akong nakisalamuhang taong may lihim at may sikreto. Sa totoo lang, hindi ko sila tinitingnang mas mababang uring tao o kaya'y nagkasalang hinding-hindi na mapapatawad. Oo, nagkamali sila. Oo, nagkamali rin ako minsan sa reaksyon kuminsan. Sa totoo lang, hindi maiiwasan ang pagkaroon ng lihim sa buhay. Sikreto ito dahil alam nating bakit masiraan tayo, masaktan tayo at magalusan ang puso. Kaya nang malaman ko ang mga lihim at sikreto ni MG at JB, hindi ko sila kinantiyawan at dinagdagan ng masamang tingin. Sa loob-looban ko, inisip ko na lamang ang kanilang kinalalagyan. Mahirap, napakahirap.

Samakatuwid, mahirap magkaroon ng lihim at sikreto. Tulad ng kuwento, ang buong buhay natin ay nahuhubog dahil sa mga lihim. Tulad ni Bino, baka hindi na tayo makalabas sa pamahiin. Tulad ni Selya, baka bigla na lamang tayo malunon sa bisyo. Tulad ni Lope, baka hindi natin malimutan ang kasamaan at karahasan ng pinagdaan. Sa totoo lamang, minsan, mas malalim pa kaysa sa atin ang mga kababalaghang tinitimpi ng puso o dunong. Kaya nag-iingat ako. Dahil magkakaroon din ng taong magkakaroon ako ng mga malalim na sikreto. Siyempre, gugustuhin ko bang tingnan ako nang masama o kaya'y pag-tulungan?

-Armando T. Miclat III

0 comments: