BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, August 9, 2009

Kay Ganda ng mga Aral

Para ngayong linggo, kami ay naatasang basahin at unawaing mabuti ang ikapito at ikawalong kabanata ng nobelang “Ang Sandali ng mga Mata”. Sa aking palagay, naging malikhain at kakaiba ang kinalabasan ng dalawang nasabing kabanata sapagkat hindi lamang tungkol sa isang tao ang pinag-uusapan. Sa ikapitong kabanata, mapapansing tinutukoy dito ang matinding pagmamahal at malalim na pagtingin ng nagsasalita para kay Selya. Samantala sa susunod na kabanata, ipinakita rito ang isang bahagi ng kabataan ni Nene kasama si Agatha. Sa dalawang kabanata, naging pareho sila sa paraang gumagamit ang mga ito ng makalumang tagpuan tulad ng mga pista o pista ng mga santo na dinadaluhan ng mga tao noong panahon kung kaya’t masasabi kong maiuugnay ang dalawang kabanatang ito.

Sa ikapitong kabanata na pinamagatang “Mater Dolorosa”, naging sentro ng kwento rito ang manliligaw ni Selya. Nagsimula ang lahat sa isang prusisyon kung saan maraming mga tao ang sumasali. Makikita natin dito ang mga paniniwala at tradisyon ng mga tao noong unang panahon lalo na sa aspekto ng pananampalataya gaya ng mga santa at santo. Mula sa pagkakasalaysay sa kabanata, ang binata ay gumagawa ng lahat ng mga paraan upang maipakita at maipadama ang tunay na pag-ibig na namamayani sa puso ng binata. Nang dahil sa pagmamahal para kay Selya, ang binata ay gumawa ng lahat na maaaring paraan upang magtagpo ang kanilang landas ng kanyang iniirog na binibini na si Selya. Dahil na rin sa pag-ibig, wala na sa bokabularyo ng binata ang pagsuko sa laban. Napilitan siyang manood ng prusisyon sa pagkakaakala na roon makikita niya ang kanyang inaasam. Kahit na maraming santo at santa na ang dumaan, hindi siya lumisan at hindi niya pinakawalan ang bawat sandali na maaaring lumitaw si Selya. Habang papadilim na ang langit, pumasok ang karosa ng Dolorosa, ang santang naghahanap ng bangkay ng kanyang anak. Nakita niya rito pala nakasunod si Selya ngunit siya ay nag-aalangan na lapitan at kausapin ito. Hanggang sa lahat ng mga unos ay nangyari na, tinulungan niya ang dalaga at nag-alok ng sakay sa kalabaw patungo sa kanyang nais puntahan. Pumayag naman ito at doon na natapos ang kabanata.

Batay sa naging takbo ng ikapitong kabanata, masasabing isang kadakilaan o pagtitiwala sa sarili ang mamamalas sa binata dahil kahit ano pa man ang mangyari, siya ay hindi umalis at sumuko para sa kanyang minamahal. Mapapansin din sa kabanatang ito ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, lahat ay kayang lampas an at pasukin para lamang makuha at maipakita ang tunay na nararamdaman para sa iniirog. Dahil noong panahon ito naganap, kung kaya’t masasabing naging pormal ang ibang mga bahagi ng kwento. Ngunit kahit na ganoon, ang mahalaga sa kabanatang ito ay maipaliwanag na walang bagay ang makukuha nang madalian kahit noon pa man ito o hanggang sa ngayong panahon.

Mula naman sa ikawalong kabanata na may pamagat sa “Liwanag at Dilim”. Naging pokus sa buong kabanata ay ang buhay kabataan ni Nene sa piling ng itinuturing niyang ina na si Agatha. Inilabas dito sa kabanatang ito ang mga naging sakripisyo ni Agatha. Inilabas dito sa kabanatang ito ang mga naging sakripisyo ni Agatha para sa alaga na si Nene. Tulad sa pagkakasakit ni Nene dahil naapakan nito ang bahay ng mga dwende. Hindi siya nagdalawang-isip na tulungan at ipagamot ito sa kanyang kakilalang arbularyo. Maaari ring isama rito ang pagsasama at pagpapakilala kay Nene ng mga mahahalagang tao sa buhay ni Agatha. Hindi rin pinabayaan ni Agatha si Nene sa anumang suliranin nito kahit sa pag-aaral. Hanggang sa sekondaryang pag-aaral, hindi iniwanan ni Agatha ang kanyang alaga dahil napamahal na ito sa kanya. Dahil sa kasanayan ni Agatha sa buhay, tinuruan niya kung paano maging praktikal ang isang tulad ni Nene sa kanyang pamumuhay. Tinuruan niya ito ng iba’t ibang mga gawain tulad ng paglalaba, paglangoy at iba pa. Pero di lamang pagtuturo ang nagagawa ni Agatha para kay Nene dahil pinapasaya rin niya ito sa pamamagitan ng pagdala sa kanya sa mga parada, santacruzan at prusisyon. Dahil sa pagkakawalay sa tunay na magulang, laging nagiging tanungan at sandalan na ng batang babae ang katulong na si Agatha. Kahit sa huling pangyayari sa kabanata, kung saan naghahanapan sila ni Agatha, hindi pa rin sila nagkahiwalay. Kitang kita talaga ang pagmamahal nila para sa isa’t isa lalo na noong Santacruzan kung saan lubusang hinahanap ni Nene si Agatha.

Sa ikawalong kabanata, nakakaantig ng puso’t damdamin ang mga naging tagpo nina Agatha at Nene. Makikitang lahat ng sakripisyo at magagawa ni Agatha para kay Nene ay hindi niya ipinagdamot sa batang alaga. Kahit marami ang nagtataka sa kanilang tunay na relasyon, hindi pa rin nagpapigil si Agatha na tumayong ina ni Nene. Lumabas dito sa kwentong ito ang tunay na pagmamahal ng katulong sa alaga na lahat ay kaya niyang gawin para lamang sa kanyang alaga. Batid ni Agatha na isang araw ay magkakahiwalay pa rin sila ni Nene dahil wala naman talaga silang tunay na ugnayan. Kahit na ganoon, wala pa ring humadlang sa determinasyon ng katulong na ipadama sa kanyang alaga na siya’y mananatili hanggang sa hindi na siya kailangan ng alaga. Kaya sa huli, naramdaman din ni Nene sa pangungulila kay Agatha sapagkat siya ang naging kasama, kalaro at kakampi sa lahat ng pagkakataon.

Sa kabuuan, ang dalawang nasabing mga kabanata ay nagpapakita ng dalawang uri ng pag-ibig. Una ay ang pagmamahal para sa sinisinta, na tinuturuan ang lahat na ang lahat ng mga bagay ay hindi puwedeng idaan sa mabilis na paraan, kailangang pagtiyagaan. Ikalawa ay ang pagmamahal ng katulong para sa kanyang alaga, na nagsasabing kahit na walang ugnayan ang dalawang nilalang, kaya pa nitong higitan anumang relasyon kahit na relasyon sa mga magulang. Kaya para sa akin, kay ganda ng mga aral na matututunan sa dalawang kabanatang binasa ngayong linggo.

- Jerome Uy Chua

0 comments: