BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Friday, August 14, 2009

Kalayaan, Naipaglaban at Nakamtan

Ngayon ay ipagpapatuloy ko ang aking pagsusulat ng aking mga reaksyon at pag-uunawa para sa ika-siyam at ika-sampung kabanata ng nobelang “Ang Sandai ng mga Mata”. Mahusay pa rin ang naging pagkakasulat ng mga kaganapan sa mga nabasang kabanata sapagkat maganda ang naging transisyon ng mga pangyayari. Sa paggamit ng kasaysayan ng Pilipinas bilang batayan ng kwento, nagkakaroon ng ugnayan ang mga eksena sa mga sinapit ng mga Filipino noong unang panahon. Batay sa mga kaganapan sa ika-siyam na kabanata, masasabing noong sa panahon ng pananakop ng mga Hapones nangyari ang mga pakikipagsapalaran. Samantala sa ika-sampung kabanata, naganap ito noong panahon ng administrasyon ng Marcos sa ilalim ng batas military. Kaya mula sa dalawang kabanatang ito, makikitang maraming mga buhay at ari-arian ang nasira at nawala dahil sa mga barilan at giyerang nangyari noong panahon.

Sa ika-siyam na kabanatang pinamagatang “Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog”, ipinakita rito na ang manunulat ay naging isang rebelde na rin. Naganap ang bahagi ng kwentong ito sa pananakop ng mga Hapon kung kaya’t ang pagiging rebelde ay ang pagiging tiwali sa gobyerno ng Hapon. Sinabi rin dito na ang tawag sa kanila noon ay mga gerilya. Naging napakamalupit ng mga Hapones noong panahong iyon kung kaya’t lahat ay walang magwa kung hindi magrebelde, lumayo at maghintay sa pagbabalik ng mga Amerikano. Ang manunulat ay naging mapagpanggap sa una ung kaya’t naging tiwala ang mga nagbabantay na mga Hapones sa kanya. Ngunit gaya ng sabi ng iba, walang taong habambuhay na kayang magtiis ng pagmamalupit at pagpapasailalim sa mapanlamang na mga Hapones. Ipinakita rin dito ang pakikisama ng mga mayayaman sa mga Hapon upang hindi sila mapag-initan. Iyon ang ginagwa ni Selya sa isang kapitan ng mga Hapones para hindi maging mainit ang mga mata ng mga Hapones sa kailang pamilya. Dito rin nalaman ng mga tao at nina Don at Donya Nueva na hindi talaga buntis si Selya, sila ay nagsinungaling lamang upang ipakasal na sila. Kapitan Padua ang pangalan ng lider ng mga gerilya kung saan kasapi ang manunulat. Naging madali lamang ang kwalipikasyon para makasali rito. Agad siyang idinestino sa isang lugar kasama ang lider ng kanilang grupo na si Paeng. Nagkasundo sila ni Paeng dahil na rin sa kanilang magkalapit na edad at naiintindihan ng manunulat ang kalagayan ni Paeng. Tinuruan siya ni Paeng ng lahat ng mga gawaing gerilya pati ang paghawak ng Springfield. Isang araw may misyon ang grupo para makuha ang mga armas na nasa loob ng trak ng mga Hapones. Sa di inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng matinding hamog kung kaya’t hindi magkakitaan ang magkalaban at nahirapan silang maglabanan. Sa kasamaang palad, namatay ang lider na si Paeng at iba pang kasamahan pero dahil na rin sa hamog, ang manunulat ay naging matagumpay sa misyon kung kaya’t nabigyan ng sariling grupo. Ipinapalabas lamang dito na tunay na katapangan at kagitingan ang ginamit ng manunulat sa pakikipaglaban upang makamit ang kanilang ninanais, ang kalayaan. Katulad sa huling bahagi na nakiipaglaban ang mga tao sa pamamagitan ng rally upang iwaksi sa isipan ng pamahalaan ang ideyang magkaroon ng Cha-Cha sa administrasyon.

Habang sa ika-sampung kabanata na may pamagat na “Ang Ulan ng mga Bala”, nangyari ang bahaging ito sa pagtatapos ng mga digmaan at biglaang pagsasailalim ng Pilipinas sa isang batas military ng Pangulong Marcos noon. Unang tauhan sa kabanata na si Chua, ang naipakilala sa kabanata. Isa siyang Tsino na pinagkamalang espiya ng mga Hapon. Ngunit pagdating ng huli ay napatunayan nilang nais lamang nito magnegosyo sa Sagrada. Kaya masasabi na sa bahaging ito, ipinapakita ang pagiging sentro ng buhay ng mga Tsino ang negosyo. Bago pa man mawala sa mundo si Chua, maraming mga negosyo at tindahan na itong napatayo kung kaya’t nakilala siya ng marami. Hanggang sa mapatay si Chua ng nagpapakilalang bagong grupo na lumalaban sa pamahalaan na tinatawag na “New People’s Army (NPA)”, ito ang naging mitsa ng tinatawag panahon ng mga binti at paa. Ang ibig sabihin ng mga panahong ito ay kailangan ang mabilisang pagtakbo kapag nakakakita ng mga kampon ng batas militar. Ganoon ang naging uri ng pamumuhay ng mga Pilipino sa mga panahong iyon dahil sa mga ginagawang pagmamalupit at pang-aabuso sa kapangyarihan ng administrasyon ni Marcos. Ipinakilala rito ang naging kalaguyo ni Nene na kasapi ng NPA na si Benjamin. Ngunit walang dapat makaalam nito sapagkat hindi ito nararapat para sa anak nina Don at Donya Nueva. Nang lumaon, naging magkaibigan at nagmamahalan na ang dalawa. Dahil dito, pinatunayan lamang na walang pinipili ang pag-ibig kahit ano pa man ang uri ng tao ang iyong iibigin. Naipakita rito ang tindi at lupit ng pag-ibig na sa kahit anumang unos ang nangyari at humadlang sa kanilang pagmamahalan. Ikwinekwento kay Boboy kung saan siya talaga nagmula at kung sino talaga ang tunay niyang ama. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagbunga ang pag-iibigan nina Benjamin at Nene. Bisperas ng ikaapat na taon ng batas militar, kailangan ng madala sa ospital si Nene dahil lalabas na ang kanyang dinadala. Ngunit sa kasamaang palad, mayroong checkpoint na nadaanan ang traysikel na sakay ng mag-asawa at mga kasamahan nila. Hinarang at ayaw paraanin ng mga pulis ang traysikel kung kaya’t napilitang lumaban at gumamit ng dahas ang mga kasamahan ni Benjamin. Nagkaroon ng tinatawag na “Ulan ng mga Bala” sa araw ng pagsilang kay Boboy. Sabi nga ng mga tao na ang kapalaran ay sadyang mapanlinlang kaya pagdating sa pagtanda ni Boboy, namulat rin ito sa kagamitang bumubuga ng bala, ang makapangyarihan ngunit makasalanang baril. Sa huling bahagi ng kabanata, lumabas ang malaking balita noon tungkol sa pagbaril sa bayaning si Ninoy Aquino. Habang sa dulo naman ng pahayagan, nakalagay sa maliit na litrato na pati ang asawa ni Nene na si Benjamin Buenaflor, na isang NPA, ay napaslang din.

Naging kapana-panabik ang aking pagbabasa dahil punung-puno ng aksyon at drama ang naging mga eksena sa dalawang kabanatang ito. Pinagsabay pa ito sa panahon ng pananakop ng mga Hapon at pagpapasailalim ng bansa sa batas militar ni Marcos. Kung kaya’t halo-halo ang naging mga emosyong aking naramdaman habang binabasa at iniintinding mabuti ang bawat detalye ng mga kwento. Tunay na nagpamulat sa akin ang dalawang kabanatang ito sapagkat naipakita nito ang pag-uugnayan ng kasaysayan ng Pilipinas sa mga pangyayari sa nobela sa pamamagitan ng malikhaing pag-iisip at pagsusulat ng manunulat.

- Jerome Uy Chua

0 comments: