BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Saturday, August 8, 2009

Kabanata 7 & 8

Ang daming mga prusisyon na dinadaluhan ng mga Pinoy bilang pagpupuri sa Diyos at sa mga santo at santa. Naririyan na nga ang Semana Santa, Santacruzan at prusisyon ng patron tuwing pista. Ngunit, paminsan, nakakalimutan na natin kung bakit ba talaga ipinagdidiriwang ang mga ito. Imbis na nakatuon tayo sa mga paghihirap at sakripisyo na ginawa ng Diyos para sa atin o ang mga ehemplo na ipinakita ng mga santo at santa, mas binibigyang pansin natin ang mga magagarang suot ng mga kasama sa parada. Isang halimbawa na rito ang Santacruzan.
Ang Santacruzan ay isang banal na gawain. Mas itinatatag nito ang ating koneksyon or relasyon sa Diyos o sa Birheng Maria. Kaya kailangan nating galangin ang gawain na ito. Ngunit, sa kasalukuyan, parang hindi na ito ang nangyayari. Nauuwi sa patalbugan ng magagarang damit ang mga reynang kasama sa prusisyon. Ang Santacruzan na dapat ay isang pagbibigay puri sa Birhen ay nagiging parang isang beauty contest o fashion show. Dapat, panatilihan natin ang pagiging sagrado ng mga tradisyo na gaya nito. Iwasan nating mauwi ito bilang isang libangan lamang.
Kasama sa prusisyon ang karosa ni Mater Dolorosa. Kilala ang Mater Dolorosa bilang santang naghahanap sa bangkay ng kanyang anak. Gaya na lamang ng Dolorosa, may mga tao o bagay din tayong hinahanap. Hinahanap ni Esteban si Selya na nagpapatibok ng kanyang puso at hinahanap naman ni Nene ang pagmamahal ng mga magulang.
Iba nga talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Pagsuway at pagkalimot sa responsibilidad—nagagawa natin ang mga ito dahil sa pag-ibig. Wala naman talagang balak na sumama si Esteban sa prusisyon pero dahil sa kanyang pagnanais na makita si Selya ay natagpuan niya ang sarili na sumasabay sa prusisyon. Di makakaila na ginagawa natin ito kapag may “crush” tayo sa isang tao. Paminsa’y sinusundan natin sila; tapos ay papalabasin na nagkataon lamang na nasa parehong lugar. Inaalam natin kung ano ang mga hilig niya; tapos ay susubukin din ang mga ito. May mga sitwasyon ngang pipilitin na lang din nating gustuhin ang mga hilig ng ating mga “crush”. Paminsa’y kinikilig tayo kahit na ngingiti lamang sila. Umaasa tayong baka may gusto rin sila sa atin. Gaya na lamang ng pagbibigay malisya ni Esteban sa pagbili ng kandila sa kanya ni Selya.
Nang nabasa ko ang kwento ni Nene, naisip ko na tumatanda na pala talaga ako. Naalala ko ang mga panahong naglalaro kami ng mga pinsan ko ng tagu-taguan, bahay-bahayan, jelly base, tumbang preso, habulan at marami pang iba. Sa kabataan ngayon, malimit ko na ‘tong makita. Buong hapon na lang silang nakatunganga sa harap ng computer o di kaya’y nanonood ng telebisyon. Hindi na sila kasing aktibo kumpara sa kabataan dati.
Naawa rin ako kay Nene. Kung dati’y inaalagan pa siya ni Bino, ngayon ay natulad na rin siya kay Selya na walang kwentang magulang. Kahit na tinutustusan ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral, hindi naman sila ang nag-aalaga sa kanya. Mas malapit pa nga siya kaysa kay Agatha. Parang wala na ring pakialam sa kanya ang kanyang mga magulang. Noong nawawala si Nene, hindi man lamang siya hinanap ng kanyang magulang kundi ay pagkain ang kanilang nirereklamo kay Agatha. Naaalala ko ang mga magulang na sobrang nakababad sa trabaho na nawawalan na sila ng panahon para sa kanilang mga anak. Ipinapaubaya na lang nila ang pag-aalaga sa kanilang mga anak sa mga katulong. Bagaman ginagawa nila ito para na rin maibigay sa kanilang mga anak ang ninanais, sa tingin ko’y mas maganda parin ang buhay na puno ng pagmamahal kaysa kasaganaan sa materyal na bagay.

-M. Florendo

0 comments: