BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, August 30, 2009

Dasal-Dasal at Tradisyon

Sa kabanatang "Ang Himala ng Birhen," napansin ko ang malalim na pagsamba at pagdadasal ng mga Pilipino, lalo na sa probinsya. Hindi ako masyadong makaugnay kay Nene dahil sa panahon ngayon sa siyudad, hindi ko iisiping magpahid ng panyo sa imahen ng Nazareno o kaya lumangoy sa tubig na kinaroroonan ng isang prusisyon ng imahen. Gagawin ko na lang ang ginawa ni Mr. Edwards - kung may sakit ako o ang ibang mahal sa buhay, didiretsuhin ko ang ospital at sasabihin kong pagamutin na agad iyong may sakit.

Ngunit sa aking buhay, alam ko na ang karamdaman ng nawalang imahen sa buhay ng komunidad. Medyo matagal na ang panahong nakalipas dahil nasa mababang paaralan lamang ako noon. Naalala kong mabuti, parang litrato sa aking isipan, ang mga nais magsimba sa Parish of the Lord of Divine Mercy ay hindi pinapapasok sa simbahan. May mga tumataas ang boses, hindi maintindihan ang nangyayari. Ako mismo, naisip ko, "Puwede palang ikansela ang simba parang klase?" Iyon pala, napakababaw ng aking iniisip noon. Malubha ang nangyari sa aming simbahan. Noong nakaraang gabi, may nagnakaw ng imahen ng Divine Mercy kasama ang ostiya sa "monstrance" doon sa adoration chapel. Bilang panahon ng "mourning" o pagbibigay dalamhati (sabi ng pari), hindi maaaring magmisa. Iyon daw ay sabi ng Diocese ng Cubao.

Noong bata pa ako, maaaring sabihing nagdadasal-dasalan lamang ako. Kulang ang aking kaalaman sa mga sakramento, nagsisimba lamang ako dahil kinakailangan at mas binibigyang-pansin ko ang kainan pagkatapos ng misa. Ngunit nang mangyari iyong pagnanakaw, nagulumihanan ako. Ang una kong naisip ay, "Bakit?" Bakit simbahan pa ang nanakawan? Naroon si Hesus, naroon ang mga pari at madreng nagmamahal at simple lamang ang pamumuhay. (Nalaman kong may mahal ang suot ng imahen at totoong ginto ang koronang taglay nito.) Pangalawa, paano na kaming mga nagsisimba? May mga taong talagang nakababa ang mata sa lupa, walang imik. Ang mga madre at pari na hindi makapasok ay lumuhod na lamang sa labas at nagdasal ng rosaryo sa magaspang na sahig. Sa madali't sabi, sira ang tradisyon ng buong komunidad. Ni pari, ni madre, ni relihiyoso ni bata't matanda ay nakasimba.

Akala ko ay masisiyahan ako, ngunit kahit sa murang edad ko noon, hindi. Napuno lamang ako ng pagkukulang, ng paggugulumihanan at ng pagkalungkot. Nagdasal na lamang ako sa silid ko pagkauwi namin. "Jesus, sorry Po." Naalala kong dasal. "May iba Po talagang kailangan ng pera, pero sana pabalikin mo na ang imahen para makasimba na ang ibang tao." Kung parang ang komunidad ang iniisip ko, sinasadya ko lamang iyon dahil bata pa lamang ako at mas gugustuhin kong magsimba talaga ang iba kaysa sa akin! Pagdaan ng isang buwan at kalahati (sa panahong ito, hindi man binuksan ang pintuan ng simbahan at nagsimba na lang ang pamilya namin sa UP) sinabi ng tatay ko sa hapag na binalik na ang imahen. Wala ang korona, wala ang ostiya wala ang kaunting mamahaling bato, ngunit sa looban ko, nagpasalamat ako. Ang tradisyon naming pamilya at komunidad ay maibabalik muli!

Kaya ngayon, masasabi kong kailangan kong magdasal. Hindi man ako magpapahid ng panyo sa imahen o lalangoy sa ilog tulad ni Nene, kailangan ko pa rin ang haplos at tulong ni Hesus. Oo, dadalhin ko ang aking sarili pati ang maysakit sa ospital ngunit pagkarating doon, hahanapin ko ang kapilya (na malamang ay mayroon dahil wala pa akong nakikitang ospital sa Pilipinas na walang kahit prayer area) at taimtim na magdadasal. Hindi ako perpekto at minsan, nakakalimutan kong magpasalamat at humingi ng tulong sa Kanya. Ngunit sa kabanatang ito, bumalik talaga sa isipan ko ang dasal at tradisyon ng pagsimba. Para sa iba, hindi na ito mahalaga at walang-bisa ang mga ito. Ngunit hindi ako kasama sa kanila. Oo, mabilis ang pagbago ng panahon, pag-usbong ng teknolohiya at karunungan pati ang pagdami ng kailangang gawin sa pang-araw-araw na buhay. Pero ang dasal-dasal at tradisyon ng pagsimba ay aking kailangan. Para matulungan hindi lamang ang aking sarili, ngunit mas mahalaga, ang lahat ng ibang mga tao na ipinalibot Niya sa akin.

-Armando T. Miclat III

0 comments: