BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Sunday, August 9, 2009

Ang Aking Sariling "Stabat Mater" at "Liwanag at Dilim"

Noong ako'y nasa ika-unang taon sa mataas na paaralan, naaalala ko ang isang himnong tinuro sa akin ng aking guro. Tinuro niya sa akin ang Stabat Mater upang kantahin habang naglalakad tungo sa iba't ibang dramatikong pag-aarte ng Istasyon ng Krus sa loob ng Ateneo. Tulad ni Esteban, hindi ako sanay sa masyadong relihiyosong pagtutungo sa buhay noon. Kinabisa ko na lamang ang himno at kinanta. Medyo nahihiya kong sinasabing paliboy-liboy ang mata ko sa mga tao at bagay at hindi sa mga Istasyon.

Habang naglalakad, may sumama sa aming babaeng gustong magpasiklab sa aking guro. (Si Ginoong Pagsanghan kasi, kilalang-kilala siya sa Mataas na Paaralang Ateneo.) Sa totoo lang, siya ang aking pinag-aabalahan at binibigyang atensyon. Maputi-puti ang kanyang balat, napakaitim ang kanyang buhok at tila malulunod ka sa kanyang mata (napakabrilyante!). Hindi lamang iyon, mahinin siya ngunit magandang kausap at mainam siyang tagapakinig, soprano kung kumanta at higit sa lahat, kaakit-akit talaga. Nagnakaw yata ako ng masyadong maraming tingin, kaya sa istasyon ng pagkamatay ni Hesus, may pagkairita siyang sumabat sa akin. "May problema ba?"

Ayun. Sa hindi tinatakdang oras, ginalit ko siya at naglaho ang lahat ng tila reynang pagkatingin ko sa kanya. Matapos ng Istasyon ng Krus sa aming pag-eensayo, parang wala na lang akong makita kundi negatibo sa kanya. Suplada pala siya kung magalit, kulang sa pasensya kapag binigyang kritisismo, nagtatampo imbes na gawin nang tama sa simula at MARAMI PANG IBA!

Nang sinabi kinuwento ko ito sa aking kaibigan, natawa lamang siya. "Baguhan ka kasi," patawa niyang sinabi sa kin, "Hindi mo pa alam kasi ang mga babae." Wala na lamang akong imik, pero tama siya. Hindi naman ako lumalabas sa mga school fair ng mga eskuwelahang ekslusibong pambabae. Hindi rin ako gumagala sa mga sinehan, arcade at iba pang pook-libangan kasama ng babae tulad ng iba kong kaibigan. Kaya't binigyan ako ng payo ng aking kaibigan. Tingnan hindi lamang ang buhok, mata, tangkad, katabaan, (iba pang parte ng katawan!) kundi kausapin muna talaga ang kinagugustuhan. Ano ang gusto niya, ano ang ayaw niya, ano ang mga hilig niyang puntahan atbp. Ito'y para hindi raw ako magsayang lamang ng oras at magalit sa sarili.

Sa libro, ang kabantang Stabat Mater ay higit sa lahat para sa akin, isang pagtataya at pagsisid sa batis ng pag-ibig. Mahirap mang akuin o kaya'y tanggapin sa sarili na gusto o ayaw ka ng babae, ito'y mahalaga pa rin sa kinakabukasan. Hindi nga ba't sinabi ni Tennyson, "Mas mabuti pang nagmahal at natalo kaysa hindi man nagmahal kailanman"? Sa Liwanag sa Dilim naman, tinuruan si Nene sa mga bagay na kailangan ng babae noong panahong iyon - maglaba, maghugas, bumili atbp. Ngunit makikita rin ang takot galing sa sariling kaibigan (habang naglalaro ng Inserectus) at hirap kung hindi kasama ang pinakamalapit at pinakaminamahal (nang hindi magkatagpo sina Agatha at Nene habang dumidilim na). May mga kailangang matutunang bagay-bagay at matikmang hirap sa ating buhay.

Oo nga, sa aking buhay pati sa libro, sumisigaw sa akin ang makapangyarihang kasabihang "Mas mabuti pang magmahal at natalo kaysa hindi man nagmahal kailanman." Kailangan ding alalahanin kailangan maging maalam at maingat sa pagpili ng kasintahan at may hirap na daranasin sa pagmamahal.

-Armando T. Miclat III

0 comments: